Dalawang-daang (200) milyong kababaihan sa mga bansang Indiya at Tsina ang sinasabing “nawawala” dahil sa kaugaliang pagpapalaglag ng mga babaeng sanggol sa loob ng sinapupunan, at dahil sa tahasang pagpatay at pag-abandona sa mga batang babae. Makailang ulit na rin itong tinalakay at inusisa ng mga dokyumentaryo at pag-uulat, sa kagustuhang maipaliwanag ang mga dahilan sa likod ng diskriminasyon sa kasarian na kumikitil sa maraming buhay, at upang masolusyunan ang suliraning ito.
Bitbit ang tagline na “Ang tatlong salitang pinakanakamamatay sa buong mundo”, sinaliksik ng dokyumentaryong “It's a Girl” (“Babae ang Anak Mo”) [en] ang mga dahilan kung bakit 200 milyong kababaihan ang “nawawala” sa Indiya at Tsina, at kung bakit hanggang ngayon walang epektibong solusyon dito. Binuo nila ang pagsasaliksik na ito sa pamamagitan ng mga panayam at pagbisita sa mga napiling lokasyon.
Siniyasat din ng pelikulang Born to Die (Ipinanganak Upang Mamatay) [en] ang pagtaas ng bilang ng namamatay na babaeng sanggol at batang babae sa kabila ng modernisasyon sa bansang Indiya.
Gumawa din ng bidyo si Poh Si Teng para sa Global Post [en] tungkol sa mga ultrasound na ginagamit upang malaman ang kasarian ng bata, at kung paano ito nagiging kasangkapan sa pagpatay ng mga babaeng sanggol. Tinukoy rin dito kung matitigil o mabawasan ba ang aborsyon sa Indiya kapag ipinatupad ang batas na magbabawal sa portable ultrasound:
Inusisa naman ng dokyumentaryong India's Missing Girls (Mga Nawawalang Kababaihan ng Indiya) [en], na gawa ng BBC noong 2007, ang ganitong isyu, at ilang paniniwala na nakaugat sa lahat ng antas ng pamumuhay sa Indiya: na mahalaga ang mga lalaki, at sayang lang ang pagpapalaki sa mga babae. Nahati sa tatlong bahagi ang dokyumentaryo, at madali lang silang mahahanap online (1 [en], 2 [en], 3 [en]).
May ilang pangkat na nagnanais tugunan ang suliraning ito. Isa na dito ang Bahay Aarti [en] sa bayan ng Kadapa na kumukupkop sa mga batang inabandona, kung saan karamihan ay mga batang babaeng iniwan dahil sa kanilang pagiging babae. Tumutulong din sila sa pagkausap sa mga nagdadalangtao ng mga sanggol na babae upang angkinin at alagaan ang mga batang ito.
Layon ng Bahay Aarti na maging tahanan ng mga kababaihan na itinaboy dahil sa pagiging babae, at upang magkaroon sila ng ligtas na kanlungan. Sa simula ng bidyo [en], isinalaysay ng isang batang babae ang hirap na kanyang dinanas dahil sa kanyang pagiging babae:
Inamin naman ni Anchee Min, bantog na nobelistang Tsino-Amerikano na kilala sa paglikha ng mga tauhang babaeng malalakas at matitibay ang loob, na ayaw niya noon ng anak na babae. Sa susunod na bidyo, kinuwento niya ang kanyang pagdadalantao, at hiniling na maging lalaki sana ang iluluwal niya sa kabila ng resulta ng mga ultrasound, dahil nga naman “Who wants to be a girl in China?” (Sino ba ang nanaising maging babae sa Tsina?)
Tinukoy naman ng Taiwanese Next Media Animation ang maaaring kahinatnan ng hindi pantay na bilang ng kasarian sa Tsina bunsod ng One Child Policy (batas na nagbabawal na magkaanak ng higit pa sa isa) at ng paniniwalang mas mahalaga ang mga lalaki kaysa sa mga babae. Ginawa nila ang bidyong ito, at ang kantang may pamagat na “No Girls Born (In China Anymore)” [en][Wala Nang Pinapanganak na Babae (Sa Tsina Ngayon)]
So there are no girls born, in China anymore
I feel so forlorn, with nobody to keep me warm
Confucian culture scorns daughters in favor of sons
So there are no girls born and I'm doomed to be just oneMy parents chose me in utero to carry on the family name
But if I can't find a bride I'll be carrying nothing but shame
You gotta be tall, educated, and own your own house
miss one out of three, you won't find a spouse
Walang papawi sa lamig, labis ang aking kalungkutan
Sa kulturang Confucian, anak na lalaki ay kasiya-siya, anak na babae ay kasuklam-suklam
Kaya't wala nang babaeng pinapanganak at ako'y nag-iisa na lang
Pinili ako ng aking magulang upang magpatuloy ng lahi at pangalan
Ngunit kung walang mapapangasawa, malaking kahihiyan
Maging matangkad, maging edukado, at makapagpatayo ng sariling tahanan
kapag kulang ng isa, wala kang mapapangasawa.