Inaasahang mananalo ang dating Senador na si Ferdinand Marcos Jr. sa kalilipas na pampanguluhang halalan sa Pilipinas, ayon sa hindi pa opisyal na tally mula sa Komisyon ng Halalan (COMELEC). Gayunpaman, dahil sa nakikitang tagumpay, naging maigting ang mga kilos protesta sa bansa isang araw makalipas ang araw ng halalan (ika-9 ng Mayo), kung saan itinatanggi ng mga demonstrador ang pagkapanalo ni Marcos at ng kanyang kasama sa pagtakbo bilang pangalawang pangulo na si Sara Duterte, na kasalukuyang alkalde ng lungsod ng Davao.
Si Marcos Jr. ang anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, na nanungkulan sa bansa mula 1965 hanggang sa siya ay pinatalsik sa kapangyarihan noong 1986. Inaakusahan ang pamilya Marcos ng paglustay ng ilang milyong dolyar na kayamanan noong sila ay nasa kapangyarihan. Si Alkalde Duterte naman ang anak ng kasalukuyang pangulo na si Rodrigo Duterte.
Inilarawan ng mga awtoridad ang halalan noong Mayo 9 na mapayapa at ligtas, kahit na may mga napaulat na iregularidad na nakasira sa proseso ng magboto sa maraming lugar. Naiulat ng grupo ng bantay-halalan na Kontra Daya na marami sa mga mga voting machines ang sira o hindi gumagana noong araw ng halalan:
Pinaninindigan ng Kontra Daya na ang mataas na bilang ng mga ulat na natanggap ngayong taon ay isang patunay ng kabiguan ng sistema ng awtomatikong halalan na bantayan ang kabanalan ng balota.
Para sa mga botante, mahirap magtiwala sa halalan na puno nang mga ulat ng mga pagpalya o pagkasira ng mga makina, sapat upang magkaroon ng pagdududa sa kakayahan nitong bilangin ang kanilang mga boto.
Napansin na mas maraming mga makina (Vote Counting Machine or VCM) ang hindi gumana ngayong taon kumpara sa mga nakaraang halalan:
ULAT: Mas maraming VCM ang nasira sa Halalan 2022 kumpara sa mga nagdaang halalan. https://t.co/46pJMQvNb9#ExtendVotingHoursPH #KontraDaya pic.twitter.com/jZ3baauVwX
— Kontra Daya (@kontradaya) May 9, 2022
Nagpahayag ng pag-aalala hinggil sa mga iregularidad ang Pangalawang Pangulo at Lider ng Oposisyon na si Leni Robredo na nalalamangan ni Marcos sa pampanguluhang karera. Pinanatag niya ang kanyang mga tagasuporta na tinitignan na ng kanyang grupo ang mga kaso ng anomalya sa pagbibilang at pagpapadala ng mga boto.
Nagprotesta ang mga tagasuporta ni Robredo upang kwestyunin ang resulta ng halalan at ang hindi tamang pamamahala ng COMELEC ng halalan, matapos lumabas sa hindi opisyal na bilang ng COMELEC na nangunguna ang tambalang Marcos-Duterte.
Kabilang sa mga nagprotesta ang mga beteranong aktibista at mga grupo para sa karapatang pantao na nananatiling tutol sa pagtakbo nina Marcos at Duterte. Sinabi ng grupo para sa karapatang pantao na Karapatan na ginamit ni Marcos ang mga nakaw na yaman upang makabalik sa kapangyarihan, habang itinatanggi ang mga kasalanan ng kanyang pamilya noong panahon ng diktaturya ng kanyang ama.
Hindi lamang itinanggi ni Marcos Jr. ang mga krimen ng kanyang ama at ang papel ng kanyang pamilya bilang mga nakinabang sa mga krimen na ito: binigyan pa niya ng katwiran at ginawa pang lehitimo ang mga kalupitan noong panahon ng diktaturya ng kanyang ama. Hindi pa rin nila (Marcos Jr. at ang kanyang pamilya) ibinabalik ang lahat ng pera at asset ng bayan na kanilang inipon at kinuha para sa pansariling kapakanan habang nanunungkulan ang kanyang ama.
Ayon sa Karapatan at iba pang aktibista, minanipula ng kampo ng mga Marcos ang pananaw ng publiko sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga nagawa ng nagdaang diktador. Sinisi din nila ang mga nakaraang pamahalaan sa kabiguan nilang mapanagot ang pamilya Marcos sa kanilang papel sa mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas noong panahon ng Batas Militar.
Pinangunahan ng mga kabataan ang mga kilos protesta laban kay Marcos noong ika-10 ng Mayo sa iba't ibang lugar sa bansa. Ilan sa mga pagkilos na ito ay inilunsad sa mga lalawigan ng Cebu, Isabela (Hilagang Luzon), Zamboanga (isla ng Mindanao), Nueva Ecija, Lungsod ng Davao (bayan ni Duterte) at Lungsod ng Naga (bayan ni Robredo).
Sa kabiserang Maynila, daan-daang raliyista ang nagtipon sa harap ng tanggapan ng COMELEC upang tuligsain ang di umano'y sistematikong dayaan sa nagdaang halalan. Isinaad ni Troy Matavia (na unang beses bumoto ngayong halalan) sa panayam ng Bulatlat ang kanyang dahilan sa pagsali sa protesta:
Kailangan kong ilahad ang aking saloobin kaya ako sumali sa protesta sa unang pagkakataon. Naramdaman ko na kailangan may gawin ako at kailangan magpakita ng bawat Pilipino upang panindigan ang kanilang karapatan.
Matapos ang protesta sa harapan ng COMELEC, nag-martsa ang mga tao sa malapit na plasa ng kalayaan kung saan nila itinuloy ang aking programa na tumatakwil sa panunumbalik ng mga Marcos.
NANGYAYARI NGAYON: Naglakad ang mga demonstrador papuntang Liwasang Bonifacio matapos ang programa sa harapan ng COMELEC. Makikita ang dami ng mga demonstrador sa video. #Halalan2022 #VoteReportPH pic.twitter.com/3nqmUsHqtH
— AlterMidya (@altermidya) May 10, 2022
Bibilangin ng Kongreso ng Pilipinas ang mga resulta ng pampanguluhang halalan at ihahayag ang mga nanalo sa ika-27 ng Mayo.