Mga ilustrador ng Myanmar, nagkaisa upang ipamahagi nang libre ang sining ng pagpoprotesta

Screen capture from yangon.design.

Ang post na ito ay orihinal na inilathala sa Tsino sa The Stand News noong ika-25 ng Pebrero, 2021. Ang salin sa Ingles ay inilathala sa Global Voices sa ilalim ng isang content partnership agreement sa Stand News.

Nag-upload ang isang grupo ng 30 ilustrador mula Myanmar ng mahigit 100 paskil ng pagpoprotesta sa websayt na yangon.design para sa libreng pag-print at paggamit ng mga nagra-rally laban sa kudeta ng militar.

Sa isang panayam sa Stand News, sinabi ng isang kinatawan ng kolektibo ng ilustrador na:

Like all other Myanmar citizens, artists want to contribute to the national struggle… [we] can assist other protesters with our art. [Protesters] can bring the posters to the streets or hang them on walls.

Gaya ng ibang mamamayan ng Myanmar, nais ng mga ilustrador na mag-ambag sa pambansang pakikibaka… Makatutulong [kami] sa ibang nagpoprotesta sa pamamagitan ng sining namin. Makapagdadala [ang mga nagpoprotesta] ng mga paskil sa mga lansangan o maisasabit nila ang mga ito sa pader.

Napansin ng kolektibo na nagdadala ang mga nagpoprotesta ng mga plakard na may likhang sining ng mga ilustrador sa mga demonstrasyon, at marami ngang ilustrador ay nagbahagi ng mga disenyo ng paskil nila nang libre online.

Gayunpaman, desentralisado sa ngayon ang mga pagsisikap na ito—isang bagay na gustong baguhin ng bagong websayt. “Gusto naming magtayo ng isang platform at mangolekta ng mga disenyong de-kalidad para sa pag-access ng publiko,” pahayag ng kinatawan ng kolektibo sa Stand News.

Inilunsad and yangon.design mga dalawang linggo ang nakararaan. Sa oras na makita ng mga admin ang mga disenyo ng paskil na may kaugnayan sa pagpoprotesta na kumakalat online, makikipag-ugnayan sila sa ilustrador at makikipagkasundo ukol sa pamamahagi ng disenyo.

Nakuha ng mga paskil ang atensyon ng “Milk Tea Allianceonline:

Dahil mga kasapi kami ng #MilkTeaAlliance, baka kailangan namin ng ilang paskil upang ipakalat ang #WhatsHappeningInMyanmar

Mada-download ang mga paskil ng pagpoprotesta na dinisenyo ng iba't ibang Burmese na ilustrador: yangon.design

#myanmar #Burma #StandWithMyanmar #SaveMyanmar #緬甸 [Myanmar] #Myanmar #AungSanSuuKyi #evilCCP

Sa pamamagitan ng mga likhang sining ng pagpoprotesta, maaaring luminang ang pag-unawa ng mga manonood sa mga nais ng mga mamamayan ng Myanmar. Sa ibaba ay ilan sa mga paskil na may mga maiikling paliwanag:

“You messed with the young generation” [“Nagkamali kayo ng kinalabang henerasyon”] ay ang pinakasikat na slogan sa mga protesta laban sa kudeta, kung saan may napakalaking presensiya ng kabataan. Karaniwang may kasamang “No! Not 88 anymore!” [“Hindi! Hindi na 88!”] batay sa pag-aalsa noong 1988. Ni-download ang imahe mula sa yangon.design na magagamit ng publiko nang libre.

Si Aung San Suu Kyi, ang icon ng demokrasiya ng Myanmar, ay patuloy na gumaganap bilang pinunong ispiritwal ng mga kasalukuyang protesta. Nakakulong siya at inakusahan ng pandaraya sa eleksiyon. Ni-download ang imahe mula sa yangon.design na magagamit ng publiko nang libre.

Ikinumpara ng mga nagpoprotesta laban sa kudeta ng Myanmar ang punong kumander ng militar na si Min Aung Hlaing kay Hitler. Inagaw ni Hlaing ang kapangyarihan matapos ang kudeta at, ayon sa isang ulat ng UN Human Rights Commission, siya ang utak sa likod ng ethnic cleansing laban sa mga Rohingya. Ni-download ang imahe mula sa yangon.design na magagamit ng publiko nang libre.

Isang paskil bilang pagsuporta sa pangkalahatang welga laban sa kudeta. Budista ang karamihan sa populasyon ng Myanmar, ngunit may mga malalaki ring populasyong Kristiyano at Muslim. Ipinakikita ng paskil na ito ang pagkakaisa ng iba't ibang pangkat ng relihiyon laban sa kudeta. Ni-download ang imahe mula sa yangon.design na magagamit ng publiko nang libre.

Ang paskil na ito ay isang tugon sa sinasabing pagkakasangkot ng pamahalaan ng Tsina sa kudeta sa Myanmar. Naniniwala [unclickable] ang maraming nagpoprotesta na binigyan ng Tsina ang pamahalaang militar ng mga eksperto at mga kagamitan. Ni-download ang imahe mula sa yangon.design na magagamit ng publiko nang libre.

Ang three-finger salute mula sa mundo ng Hunger Games na kumakatawan sa pagkakaisa sa isang dystopian world ay unang hiniram ng mga nagpoprotesta mula Thailand at sinundan ng mga nagpoprotesta laban sa kudeta mula Myanmar. Ni-download ang imahe mula sa yangon.design na magagamit ng publiko nang libre.

Kumakalampag ng mga kawali at kaldero sa gabi ang mga residenteng tagalunsod upang magprotesta laban sa kudeta. Ang gawaing ito ay nakapagpapaalaala ng isang tradisyong Budista na nagpapaalis ng mga “masasamang espiritu.” Ni-download ang imahe mula sa yangon.design na magagamit ng publiko nang libre.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.