Nintendo, binalaan ang mga manlalaro ng Animal Crossing na tigilan ang pamumulitika nang hindi sila pagbawalang maglaro

Joshua Wong, sa pamamagitan ng Twitter / HKFP file photo.

Ang sumusunod na post ay isinulat ni Candice Chau at unang inilathala sa Hong Kong Free Press noong ika-21 ng Nobyembre, 2020. Muling inilathala ang nai-edit na bersyong ito sa Global Voices sa ilalim ng isang content partnership agreement.

Sinabihan ng Japanese video game giant na Nintendo ang mga manlalaro ng sikat nitong larong Animal Crossing: New Horizons na tigilan ang paglalagay ng mga nilalamang pampulitika o pangkalakal. Lumabas ang babala matapos magpadala ng ganitong mga mensahe ang iba't ibang manlalaro—kabilang ang mga nangangampanya para sa demokrasya sa Hong Kong.

Naging tanyag ang laro magmula nang ilabas ito noong Marso at nakabenta ng mahigit 20 milyong kopya pagdating ng Setyembre. Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga manlalaro na lumikha mula sa wala ng mga kagamitan, mga palamuti, at iba pang mga bagay na nagbibigay ng kaginhawahan sa sarili nilang mga disyertong isla.

Sinabihan ng Nintendo ang mga negosyo at mga organisasyon na “magpigil sa pagdadala ng pulitika sa naturang laro,” at maaaring pagbawalan sa paglalaro iyong mga lumabag sa mga alituntunin.

Gayunpaman, ginamit ng ilang manlalaro ang mga kakayahan ng laro—kabilang ang pakikipag-usap sa isa't isa sa pamamagitan ng direct messaging, pagpapadala ng mga postkard, pag-a-update ng status ng pasaporte nila, at pagpapaskil sa bulletin board—upang makapagpadala ng mga mensaheng pampulitika.

Sa Hong Kong, gumagawa ng mga nilalamang maka-demokrasya at laban sa pamahalaan ang ilang manlalaro, kabilang ang mga watawat na may mga protest slogan gaya ng “Palayain ang Hong Kong, rebolusyon ng ating kapanahunan,” mga larawan ng burol ng lider ng Tsina na si Xi Jinping, at mga sesyon ng villain-hitting” na pinatamaan ang lider ng Hong Kong na si Carrie Lam.

Magmula noon, inalis ang laro mula sa mga online na platform sa pamimili sa Chinese grey market.

Kabilang ang hinirang na Pangulo ng Estados Unidos na si Joe Biden sa mga umasang samantalahin ang katanyagan ng laro. Bago ang eleksyon, inilunsad ng kampanya ni Biden ang sarili nitong virtual na isla na nagbibigay ng pagkakataon sa mga manlalaro na “magboluntaryo” sa campaign headquarters ng isla at bisitahin ang mga lugar ng botohan. Sa ilalim ng mga bagong alituntunin, malamang na ipagbawal ang isla:

Pinagbabawalan ng Nintendo ang mga brand sa paggamit ng Animal Crossing: New Horizons para sa pulitika

Sinabi ng aktibistang si Joshua Wong sa Hong Kong Free Press na nakilahok siya sa maraming virtual na protesta sa laro nitong taon:

What Animal Crossing represented was not just entertainment during lockdown, but also a reflection of happenings in real life. It provides an alternative when institutional channels of expression are restricted…It is a shame that Nintendo overlooked the significance of this game.

Hindi lamang libangan habang may lockdown ang Animal Crossing; ito rin ay repleksyon ng mga pangyayari sa tunay na buhay. Nagbibigay ito ng alternatibo kapag hinihigpitan ang mga institusyonal na paraan ng pagpapahayag…Nakapanghihinayang na ipinagsawalang-bahala ng Nintendo ang kahalagahan ng larong ito.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.