Gayunpaman, pinalakas online ang mga pamantayan ng kasarian at karahasan offline na ang ibig sabihin ay malabong makinabang ang kababaihan mula sa digital transformation gaya ng kalalakihan. Sa rehiyon ng Gitnang Silangan at Hilagang Aprika (MENA) [Note: Ang orihinal na kahulugan ng acronym ay “Middle East and North Africa.”], dahil sa online na pang-aabuso at panliligalig, ang ilang kababaihan ay napilitang isensura ang sarili at kumalas mula sa pampublikong diskurso.
Ang Internet ay may masama at mabuting epekto. Salamin ng reyalidad na offline ang mundong online. Ginagaya ng mga makabagong teknolohiya ang limitadong kapaligirang nina-navigate offline ng kababaihan. Pinalalawig at ipinagpapatuloy ng mga virtual space ang mga offline na hindi pagkakapantay-pantay ayon sa mga tuntunin ng dinamiko ng kapangyarihan at mga patriarchal na pamantayan ng kasarian.
Tumaas ng 50 porsyento ang online na pang-aabuso na tumatarget sa kababaihan noong Marso 2020 habang nananatili sila sa bahay katulad ng mabilis na pagtaas sa domestikong karahasan, ayon sa opisina ng eSafety Commissioner ng Australia.
Mga uri ng karahasan laban sa kababaihan online
May iba't ibang anyo ng online na karahasan laban sa kababaihan, kabilang ang mga mapopoot at nakasasakit na komento, mga pisikal na banta, seksuwal na panliligalig, pagsusubaybay nang palihim, pagto-troll, pagbabahagi ng mga intimate na litrato nang walang pahintulot, at pagtatanggap ng mga di-hinihinging litrato na may seksuwal na nilalaman.
Nagaganap ang karamihan sa mga pang-aabuso laban sa kababaihan online sa mga malalaking plataporma ng social media gaya ng Facebook, Twitter, Instagram, WhatsApp, at Youtube, ayon sa isang ulat noong 2017 ng Amnesty International.
Sa mga konserbatibong lipunan kung saan pasan ng kababaihan ang tinatawag na “karangalan ng pamilya,” maaaring may mga nakasisirang epekto ang pagsasapubliko ng imahe ng isang babae. Sa Yemen, kinatatakutan ng kababaihan ang pagpaparusa ng kani-kanilang pamilya kung kaya bihira nilang ipakita ang kanilang mga sarili sa social media.
Sinabi ni Dawla, isang taga-Yemen na aktibista ng karapatang pantao, sa Global Voices:
There is a strict segregation of sex and men should not see women’s appearance. Women don’t usually post their photos online. If a woman shares intimate photographs in a private conversation — which can be something as mild as a picture showing her face without the full traditional black cover — there is a risk that someone will use it to bully or blackmail her. If known it could ruin her reputation and bring shame to her entire family.
May mahigpit na pagbubukod ng kasarian at hindi dapat makita ng kalalakihan ang hitsura ng kababaihan. Bihirang mag-post ang kababaihan ng kanilang mga litrato online. Kapag nagbahagi ng mga intimate na litrato ang isang babae sa isang pribadong pag-uusap—maaaring ito ay malumanay lamang gaya ng pagpapakita ng kaniyang mukha nang wala ang kumpleto at tradisyunal na itim na takip—may posibilidad na gamitin ito ng isang tao upang i-bully o i-blackmail siya. Kapag nalaman ng iba, maaari itong ikasira ng kaniyang reputasyon at magdala ng kahihiyan sa kaniyang buong pamilya.
Mga babeng pinuno, target ng online na karahasan
Lalong tinatarget online ang mga babaeng aktibista at mamamahayag sa mga pagtatangkang manakot, magpakalat ng maling impormasyon, at siraan ang kanilang trabaho.
Kamakailan, sinabi ni Tawakkol Karman, isang taga-Yemen na prominenteng aktibista ng karapatang pantao at laureado ng Nobel Peace Prize, na napasailalim siya sa mailalarawan niyang “laganap na bullying” at isang “smear campaign.” Tinarget si Karman ng kampanya na pinamunuan ng media na kaanib ng pamahalaan ng Saudi at ng mga tagasuporta nito sa social media matapos siyang hirangin sa Facebook Oversight Board na itinatag ng kumpanya upang pangasiwaan ang content moderation para sa dalawa nitong plataporma—Facebook at Instagram.
[Thread]1/ This one is on the campaign “Facebook Caliphate”, which is a mostly Saudi-led protest against @TawakkolKarman . What was striking about the hashtag is the number of clearly suspicious accounts tweeting on it. Read on for more #disinformation
— Marc Owen Jones (@marcowenjones) May 17, 2020
[Thread]1/ [Note: Ang thread ay tumutukoy sa mga tweet na magkakarugtong. Madalas itong gamitin kapag hindi sapat sa isang tweet ang nais sabihin.] Itong isa ay tungkol sa kampanya na “Facebook Caliphate” na karamihan ay tungkol sa protestang pinamumunuan ng Saudi laban kay @TawakkolKarman. Ang kapansin-pansin sa hashtag ay ang bilang ng mga malinaw na kahina-hinalang account na nagte-tweet tungkol dito. Ipagpatuloy ang pagbabasa para sa karagdagang #disinformation [maling impormasyon]
Ayon sa pandaigdigang survey na isinagawa noong 2018 ng International Women's Media Foundation at Troll-Busters.com, “naging mas malinaw at organisado ang mga online na pag-atake sa nagdaang limang taon, lalo na sa pagyabong ng nasyonalismo sa buong mundo at sa paggamit ng mga digital network upang hadlangan ang mga prosesong pampulitika.” Tinanggap ng survey na “bahagi ng pang-araw-araw na gawain ng mga babaeng mamamahayag ang pisikal, seksuwal, at online na pang-aabuso.”:
Online attacks against journalists have become more sophisticated in nature, more insidious in their damage to the news enterprise and more dangerous for journalists, both online and offline.
Ang mga online na pag-atake laban sa mga mamamahayag ay naging mas sopistikado sa katangian, mas tuso sa kanilang pamiminsala sa news enterprise, at mas mapanganib sa parehong online at offline na mamamahayag.
Kababaihan, kumakalas at sinesensura ang sarili
Bilang resulta ng mapoot na online environment, madalas na isensura ng kababaihan ang kanilang sarili at umatras mula sa pampublikong diskurso. Kinilala ng United Nation's Human Rights Council ang laganap na online na karahasan laban sa kababaihan bilang isang mahalagang dahilan para sa pandaigdigang digital divide sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan.
Sa pag-aaral ng Amnesty, sinabi ng karamihan sa mga kababaihan na nababahala silang gumamit ng Internet matapos silang targetin. Isinara ng ilan ang kanilang mga social media account, samantalang tumanggi ang iba sa pagbabahagi ng mga partikular na uri ng nilalaman.
Nagreklamo rin ang mga kababaihang Palestino ukol sa “surveillance tower”—pampamilya at panlipunang pagmamatyag na sumusubaybay at namamagitan sa mga online na aktibidad at pakikipag-ugnayan na nagreresulta sa pagtaas ng pamimilit na isensura ang sarili.
“May mga epekto ang pagkakaroon ng presensya ng iyong mga magulang sa Facebook. Nagsisimula ka muling isipin ang mga post na gusto mong isulat, o mga litratong gusto mong ibahagi, o mga taong gusto mong makipag-ugnayan,” pahayag ni Susan, isang babaeng Palestino mula sa West Bank sa isang ulat noong 2017 tungkol sa online na karahasang nakabatay sa kasarian na isinagawa ng Arab Center for the Development of Social Media, 7amleh, at ang Swedish Kvinna Foundation.
Online na karahasan: Nakaliligtaan at hindi naiuulat nang buo
Tulad ng karahasan sa tahanan, madalas na hindi nasasabi at hindi naiuulat nang buo ang tunay na lawak ng online na karahasan laban sa kababaihan.
Ibinunyag ng isang pag-aaral sa Morocco noong 2019 na isa lamang sa sampung babae ang nagsumbong sa mga awtoridad ng online na karahasang nakabatay sa kasarian.
Bagaman kinilala ng United Nations ang cyber violence bilang “nakasisira sa kababaihan gaya ng pisikal na karahasan,” karaniwan pa ring hindi nakikilala at nakaliligtaan ang nasabing sitwasyon sa rehiyon ng MENA, sa kabila ng pagpapatibay ng maraming batas na ginagawang krimen ang cybercrime at online na karahasan sa nakalipas na ilang taon.
Ang sabi ng mga tagapagtaguyod ng mga karapatan ng kababaihan, ang mga batas na iyon ay madalas na hindi sapat sa kailangan upang maprotektahan ang kababaihan online. Sinabi ng Sisterhood Is Global Institute, isang oganisasyong Jordanian sa mga karapatan ng kababaihan, na hindi sapat ang bilang ng kababaihang may kamalayan ukol sa bagong batas kung kaya hindi sila nagsusumbong pa tungkol sa panliligalig.
Sa isa pang halimbawa, sa kabila ng pagpasa ng batas ng Tunisia ukol sa pag-aalis ng lahat ng uri ng karahasan laban sa kababaihan, nananatiling bihira ang mga pag-uusig para sa online na pang-aabuso at panliligalig laban sa kababaihan. Bagaman sa kauna-unahang pagkakataon, naglabas noong ika-8 ng Mayo ang isang korte ng Tunisia ng restraining order pabor sa mga biktimang niligalig online bago magsimula ang pagsusubaybay nang palihim offline.
Civil Society, kulang sa kapasidad
Sa pangkalahatan, kulang sa kamalayan at kapasidad ang civil society tungkol sa kung ano ang bumubuo ng cybercrime at mga kaugnay na karapatan. Habang nakatuon ang pansin ng mga grupo na nagtataguyod ng mga karapatan ng kababaihan sa mga adbokasiya ukol sa mga mahahalagang isyu na nakaaapekto sa kababaihan offline, maaaring wala nang sapat na maiiwan sa kanila para sa pangangalaga ng mga karapatang iyon online. Binabawalan ng pamantayang panlipunan ang kababaihan na ipahayag ang kanilang damdamin.
Bukod pa rito, karaniwang may kakulangan sa kaalaman sa teknolohiya ang mga manananggol at mga tagapagpatupad ng batas. Nakagawian ng kapulisan na maliitin ang online na karahasan at pang-aabuso laban sa kababaihan.
Sa pag-aaral ng 7amleh at ng Swedish Kvinna Foundation sa online na karahasang nakabatay sa kasarian sa Palestina, sinabi ng mahigit kalahati ng kababaihang sinurvey na takot silang maglahad ng damdamin at hindi nila pinagkakatiwalaan ang kapulisan upang hawakan ang mga kaso tungkol sa online na pang-aabuso. Sa halip, marami ang nagsabi na nilutas nila ang isyu katulong ang mga personal na kakilala.
Hinahadlangan ng online na karahasan ang kalayaan sa pananalita, pag-unlad ng sarili, pagpapalakas ng ekonomiya, at pangmamamayan at pampulitikang pakikilahok. Sa panahong mas lalong nagiging kritikal ang Internet para magamit ang mga mahahalagang karapatang pantao, mas marami ang kailangang gawin upang matiyak ang ligtas na pakikilahok ng kababaihan.