Bahagi ng pagdiriwang ng Taon ng Mga Katutubong Lengguwahe ng United Nations (IYIL 2019)
Si Gng. Dora Manchado, ang huling tagapagsalita ng Tehuelche, ay sumakabilang-buhay noong ika-apat ng Enero, 2019, sa edad na 86. Siya ay tanyag sa komunidad na kaniyang kinalakhan sa Patagonia, at marami ang humahanga sa kanya. Nakatrabahaho ng linguistic anthropologist na si Javier Domingo si Gng. Manchado sa mga huling taon ng buhay nito, bilang tagapag-rekord ng kanyang mga talumpati at naging malapit na kaibigan din nito. Sa pagpanaw nito, ay sinabi niya, “Si Dora Manchado ay itinuturing na “huling tagapagsalita” ng Tehuelche at isa ring inspirasyon ng pagkilala sa etnikong Tehuelche at pagbuhay nito. Lubos niyang naiintindihan na ang lengguwahe ay hindi lang tungkol sa pakikipag-interaksyon, ngunit tumutukoy din sa tiwala, mga kumplikasyon, at pagbabahagi sa iba. Salamat sa rekord ng kanyang mga talumpati, ang kabuuan ng mga miyembro ng komunidad ay mayroon nang paraan, kung naisin nila, ang posibilidad na kilalanin ang kanilang nakaraan at muling buuin ang kanilang pagkakakilanlan.”
Kilala ng mga lokal bilang aonekko ‘a’ien, ang kinabukasan ng Tehuelche ay nasa kamay ng ilang dosenang aktibista ng komunidad sa Patagonia na naglalayong panatilihing buhay ang kanilang lengguwahe sa pamamagitan ng mga lokal na meet-ups, mga learning groups, at malalim na mga aktibidad na pang-kultural. Ngunit dahil wala nang natitirang matatas na nagsasalita nito, ang hinaharap ng Tehuelche ay nananatiling malabo.
Bakit mahalaga ang mga lengguwahe?
Ang mga lengguwahe ay isang buhay na manipestasyon ng mahabang kasaysayan ng sangkatauhan sa ating planeta. Nananatili sa mahabang pahahon, gaya ng isang makulay na tela na binubuklod ang iba’t ibang henerasyon, ang mga lengguwahe ay nag-uugnay sa daan-taong mga karunungang nalinang kaugnay sa pakikibagay ng tao sa kapaligiran upang mabuhay. Ito ay naglalaman ng mahahalagang impormasyon na kaugnay sa pamamahala ng lupain, pamamaraan upang mabuhay, pagkakamag-anak, panlipunang relasyon, lokal na kaugalian, kosmolohiya, at marami pang iba. Ang bawat lengguwahe ay kumakatawan sa natatanging paraan ng pagbibigay-kahulugan at paghahatid ng karanasan ng tao sa isang tiyak na konstekto na kultural at pangkapaligiran. Ang mga lengguwahe ay patuloy na nagbabago – ang mga ito ay mga museo ng kaisipan. HIndi rin ito nananatili sa dating porma, ito ay umaakma sa pagbabaho ng panahon, depende sa pangangailangan ng mga tagapagsalitang ipahayag ang sarili at panlipunang konteksto.
Bawat isang lengguwahe ng tao ay may sariling panuntunan, sariling pattern ng tunog, at sariling paraan ng pag-istruktura ng impormasyon upang mapadali ang komunikasyon at pag-unawa. Ang isang lengguwahe ay hindi lamang salamin kung paano tinitingnan ng isang tao ang mundo, ngunit isang sasakyan na aktibong ginagamit upang galugarin ito. Ang lengguwahe ay isang pintuan na nagbubukas sa imahinasyon ng tao.Ang mga kasabihan, tula, liriko ng kanta — ay nagiging posible upang ipahayag ang kapangyarihan ng wika. Banayad na ibinubunyag ng mga salawikain, idyoma, at biro ang gawi ng isang kultura sa pamamagitan ng ritmo, tunog, at mga punchline. Ang potensyal ng malikhaing paggamit ng wika ay lumalagpas sa haba ng buhay ng isang indibidwal. Ito ang tunog ng sama-samang mga kaluluwa na nabuhay at namatay sa loob ng isang tagapagsalita. Kapag ang isang wika ay naipasa to susunod na henerasyon ng mga tagapagsalita, ang kaluluwa nito ay patuloy na nabubuhay.. Kapag ang isang wika ay hindi na ginagamit at hindi naipasa, ito ay automatikong naglalaho. Kung walang sistema ng dokumentasyon, kaunti ang magiging ebidensya na ang isang wika ay minsang umiral.
Napakaraming lengguwahe, kaunting oras
Mayroong higit sa 3,000 lengguwahe sa mundo ang nanganganib maglaho, marami sa mga ito ay maaaring mawala sa taong 2100, o mas maaga pa. Bagama’t natural para sa isang lengguwahe ang mabuo at maglaho sa panahon, tayo ay kasalukuyan nasa panahon kung saan matarik ang daan ng pagkakaiba-iba ng mga lengguwahe. Ipinapakita ng mga pag-aaral kamakailan na may isang lengguwahe na naglalaho tuwing ika 3.5 buwan, nangangahulugan na ilang beses sa isang taon, ang huling nagsasalita ng isang lengguwahe ay namamatay, at walang bagong tagapagsalita ang pumapalit sa kanya. Kapag naglaho na ang isang lengguwahe, napakahirap na para maibalik ito, ngunit hindi ito imposible. Ang muling pagtatatag at pagbuhay sa isang lengguwahe ay maaring magawa kung may akses sa mga legacy materials at mga naka-rekord na resources.
Bakit namatay ang mga wika? Ang pagbabago at pagkamatay ng mga lengguwahe ay komplikadong mga proseso na nagaganap sa iba’t-ibang paraan depende sa kasaysayan, heograpiya, at sosyo-ekonomikong estado ng isang lugar. Para sa bawat isang lengguwahe at mga dialekto nito, ang kuwento ay may kaunting pagkakaiba, ngunit marami sa mga pangunahing kadahilanan ay pareho.
Ang pagkawala ng lengguwahe ay kaugnay sa pagkawala ng pagkakakilalan sa ating pinanggalingan, na pangmatagalang epekto ng kolonisasyon, sistematikong pang-aapi at asimilisasyong kultural ng mga dominanteng grupo. Kung sa gayon, ang pananatili ng lengguwahe ay tungkol din sa pananatili ng kultura at pagpasa rito mula sa isang henerasyon patungo sa susunod. Subalit maaaring maging mahirap na madaig ang mabigat na epekto ng pagbibihag ng mga puwersang kolonyal, paga-angkin sa mga katutubong lupa at mga kinagawian at iba pang dahilan tulad ng nakakahawang mga sakit at digmaan.
Nakakadagdag din sa pagkawala ng mga lengguwahe sa pagdaan ng panahon ang epekto ng mga batas na umaayon sa diskriminasyon ng ibang mga lahi at nagbubura sa pagkakaiba-iba ng mga kultura at lengguwahe upang paboran ang isang nagkakaisang pambansang identidad sa ilalim ng isa o kaunting lengguwahe.
Ang mga lengguwahe sa mata ng publiko
Tayo ay nabubuhay sa panahon na kritikal para sa pagpapanatili ng lengguwahe. Sa patuloy na pagsisikap ng mga katutubo, suporta ng publiko at pondo para sa pagsasanay sa mga lengguwahe at mga program ang imersyon, presensya sa midya, at pagkilala sa mga katayuan ng local at pederal na mga gobyerno, maaaring magkaroon ng pagkakakataon na maibalik at patatagin ang mga naglalahong lengguwahe. Ang pagpapanatili ng mga naglalahong lengguwahe ay kaakibat ng pagbabago kung paano tinitingnan ang mga nagsasalita ng lengguwaheng ito sa kanilang sariling komunidad, kung paano pinapakilala sa lokal at pambansang midya ang mga lengguwahe, at kung paano pinahahahalagahan ng mga gobyerno ang isyung ito.
Ang mga wika ay pangunahing karapatan at pundasyon ng ibat’-ibang kultural na pagkakakilanlan ng sangkatauhan. Ang paggamit ng mas nangingibabaw na lengguwahe ay hindi nangangahulugan na ang mga komunidad ay dapat bitawan ang kanilang karapatan na panatilihin at palaganapin ang kanilang katutubong wika. Ngunit para sa ibang mga lengguwahe kung saan ang mga huling matatas magsalita nito ay pumanaw na, kailangan ng sapat na dokumentasyon upang ito ay muling buhayin.
Sa kaso ng wika na Tehuelche, ang mga rekord ng talumpati ni Gng. Manchado ay nagsisilbing bintana sa nakaraan, ngunit naglalatag ng balangkas para sa sa pagbuhay ng wika ng Tehuelche para sa kanyang mga kababayan. Sa mga huling gabi na nakatrabaho siya ng antropologo na si Javier Domingo, sinabi ni Gng. Manchado, “Aio t nash ‘a’ieshm ten kot ‘awkko” – maaaring bukas mayroon nang gagamit ng wikang Tehuelche.