Coronavirus at ang teknolohiya sa pagmamanman: Hanggang saan ang kayang gawin ng gobyerno?

Isang elektronikong pulseras na pang-monitor suot ng isang pasahero sa Hong Kong International Airport. Larawan sa file: Rachel Wong/HKFP.

Ang sumusunod na tala ay isinulat ni Shui-yin Sharon Yam, Assistant Professor ng Pagsusulat, Retorika, at Digital Studies sa University of Kentucky, at orihinal na nailathala sa Hong Kong Free Press noong ika-24 ng Marso 2020 at muling inilathala dito sa Global Voices sa ilalim ng isang kasunduan ukol sa content partnership.

Silipin ang ispesyal na coverage ng Global Voices tungkol sa pandaigdigang epekto ng COVID-19.

Simula nang lumabas ang COVID-19 bilang isang pandemyang mabilis na kumakalat, nagsimulang magpatupad ang mga gobyerno sa iba’t ibang bahagi ng mundo ng mga bagong patakaran upang mapabagal ang paglaganap ng virus.

Bukod sa pagsasara ng mga nakatalagang hangganan para sa mga hindi mamamayan, maraming pamahalaan din ang gumamit ng mga makabagong digital na teknolohiya  upang manmanan at i-monitor ang kilos ng mga tao, turista man o sariling mamamayan.

Noong Miyerkules, ang gobyerno ng Hong Kong ay nag-anunsyo na lahat ng mga bagong darating sa lungsod ay kailangang i-kuwarentina ang sarili sa loob ng dalawang linggo, habang may suot na elektronikong pulseras na naka-konekta sa location tracking app ng kanilang telepono.

Kapag nabasa ng app na nag-iba ang lokasyon ng isang tao, agad itong magbibigay alerto sa Kagawaran ng Kalusugan at mga pulis. Bago ipatupad ang bagong polisiyang ito, tanging mga tao lamang na bumisita kamakailan sa probinsiya ng Hubei sa China ang inaatasang magsuot ng pulseras na pang-monitor sa buong panahon ng kuwarentina.

Samantalang ang mga teknolohiyang ginagamit sa pagmamanman at ang mga bagong patakaran ay nakapagbibigay sa publiko ng seguridad na mako-kontrol ang pagkalat ng virus, dapat pa rin tayong manatiling alerto at mapagmatyag sa pagtuloy na paggamit nito kapag natapos na ang problema sa pandemya.

Ang mga bansa sa Europa at sa Hilagang Amerika tulad ng Italya, Espanya, at Estados Unidos ay kasalukuyang  matinding pinahihirapan ng coronavirus. Samantala, ang mga bansa sa Asya ay nakatanggap ng papuri mula sa internasyonal na midya dahil sa mabilis na pagtugon nito sa sitwasyon at sa paggamit ng mga teknolohiya sa pagmamanman upang makontrol ang paglala ng problema.

Halimbawa, ang gobyerno ng Singapore ay nagpatupad ng mga polisiya na epektibo at mabilis na makakatukoy ng komplikadong ugnayan ng mga kontak. Mula pa noong Pebrero, sinumang papasok sa gusaling pang-gobyerno o pang-negosyo sa Singapore ay kailangang magbigay ng impormasyon kung paano sila mako-kontak.

Gayundin, ang pamahalaan ay nagsisiyasat ng napakaraming datos na nagdedetalye hindi lamang tungkol sa isang kaso ng impeksyon kundi maging kung saan nakatira ang isang tao, saan nagtatrabaho, at mga grupo ng kontak kung saan siya may koneksyon.

Bagamat ang mga patakarang ito ay nagdulot ng positibong mga resulta, malinaw din nitong ipinakita ang kapasidad ng teknolohiya at kapangyarihan ng gobyerno na i-monitor ang kilos at buhay ng bawat indibidwal.

Sa Tsina, kung saan unang naitala ang COVID-19, ang pamahalaan ay nagpatupad hindi lamang ng mga agresibong mga polisiya patungkol sa lockdown, gumamit din sila ng mga teknolohiya sa pagmamanman upang masiguro na ang publiko ay susunod sa pag-kuwarentina at paghihiwalay ng sarili sa iba.

Bukod sa paggamit ng drones upang i-monitor ang pagkilos ng mga tao at masiguro na sila ay nananatili sa bahay, may limang siyudad sa Tsina kung saan nagpa-patrol ang mga pulis sa lansangan habang suot ang isang smart na helmet na gumagamit ng teknolohiya ng thermal screening upang makapagbigay alarma kapag may isang tao na ang temperatura ay mas mataas kaysa normal.

Ang gobyerno ay nakipag-ugnayan sa kompanyang Hanwang Technology Limited upang paghusayin ang kasalukuyan nilang teknolohiya sa facial recognition upang ito ay gumana kahit nakasuot ng mask ang isang tao.

Kapag naka-konekta sa isang sensor ng temperatura at sa kasalukuyang talaan ng gobyerno ng Tsina, maging sa intel ng pamahalaan, magagamit ang teknolohiyang ito upang agad na malaman ng mga awtoridad ang pangalan ng bawat tao na ang temperatura ay higit sa 38 degrees Celsius.

Ayon sa Hanwang Technology, ang pulidong teknolohiya na ito ay kayang makapagtukoy ng hanggang 30 tao sa loob lamang “ng isang segundo.”

Bagamat ang paggamit ng mga teknolohiya sa pagmamanman na ito ay nakatulong na pababain ang bilang ng mga positibong kaso sa Tsina, mayroon din itong panganib na dala.

Pagkatapos ng pandemya, ang gobyerno ng Tsina at ang kompanya ay parehong may malaking interes na lalo pang palawigin at palaganapin ang teknolohiyang ito: maaari itong gamitin ng gobyerno upang manmanan at supilin ang mga sumasalungat sa pulitika, samantalang ang kompanya ay maaaring kumita ng malaking halaga.

Maaari ring gamitin ng mga kinatawan ng Tsina sa paglaban sa terorismo ang teknolohiyang ito upang lalong i-monitor at kontrolin ang pagkilos ng mga taong Uighur, na itinuturing na terorista ng gobyerno ng Tsina at kasalukuyang puwersahang ikinukulong at pinagtatrabaho ng sapilitan.

Sa labas ng Asya, ang mga bansa sa Gitnang Silangan tulad ng Israel at Iran ay gumagamit na din ng mga katulad na teknolohiya ng pagmamanman, habang ikina-katwiran ang pangangailangan upang ma-kontrol ang paglaganap ng coronavirus.

Ang gobyerno ng Israel ay kasalukuyang gumagamit ng teknolohiyang ginawa upang labanan ang terorismo at magkolekta ng mga datos mula sa cellphone, upang malaman ng gobyerno ang grupo ng kontak ng mga tao, at makilala ang mga kailangang i-kuwarentina.

Ang datos ng heograpiyal na lokasyon ay nakukuha sa pamamagitan ng telepono ng mga tao at siyang ginagamit upang i-alerto ang publiko tungkol sa mga lugar na dapat iwasan base sa galaw ng impeksyon.

Bukod sa hindi inaasahan ang paggamit ng Israel ng mga datos laban sa terorismo upang labanan ang isang krisis sa pampublikong kalusugan, ang talaan ng mga datos na ito, ayon sa New York Times, ay hindi naiulat bago ang pangyayaring ito.

Noong ika-6 ng Marso, ibinulgar ng mananaliksik na si Nariman Gharib na sinisiyasat ng gobyerno ng Iran ang datos mula sa telepono ng kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng isang app na nagkukubli bilang isang tool sa pagsusuri ng coronavirus.

Kinumpirma ng dalubhasa sa seguridad na si Nikolaos Chrysaido na ang app ay nakakakuha ng mga personal at sensitibong impormasyon na walang kinalaman sa pandemya – halimbawa naire-rekord ng app ang galaw ng katawan ng user na tulad ng isang tracker na gamit sa pag-eehersisyo at pagpapalusog ng katawan.

Inalis na ng Gooogle ang app sa Google Play, ngunit ang kasong ito ay nagpapakita ng pangangailangan upang patuloy na magbantay ang publiko laban sa paggamit ng gobyerno ng mga teknolohiyang ito sa pagmamanman sa dahilang kailangang pangalagaan ang pampublikong kalusugan.

Makikita sa kasaysayan na ginagamit ng nangingibabaw na mga institusyon at mga kinatawan ng gobyerno ang pangangalaga sa kalusugan ng publiko upang bigyang-katwiran ang pag-kondena, pag-monitor, at pagkontrol sa buhay ng mga tao sa laylayan ng lipunan  – tulad ng mga emigrante, minoryang lahi, mga LGBTQ+, at mga mahihirap.

Kung hindi natin papanagutin ang gobyerno sa paggamit ng mga teknolohiya ng pagmamanman sa panahon ng pandaigdigang pandemya at pagkatapos nito, lalo nating ilalagay ang mga nasa laylayan ng lipunan sa panganib ng supresyon, at persekusyon.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.