Kung paano nakakatulong sa pag-angat ng kamalayang pangkalikasan sa Mekong ang pangangalaga ng mga kwentong-bayan at alamat

Ang Mekong Basin. Larawan mula sa website ng proyektong The People's Stories. Ginamit ng may pahintulot

Noong 2014, nagsimulang magtala ang may ilang katutubong pamayanan sa Mekong ng kanilang mga kwento at alamat sa tulong ng isang grupo ng ng mga mananaliksik na tumingin kung paano makatulong ang mga salaysay na ito sa pagbunyag ng nakakasirang epekto ng mga malawakang-projekto sa rehiyon.

Ang Mekong ay isa sa malaking ilog ng Asya na dumadaloy sa anim na bansa: China, Myanmar, Thailand, Laos, Cambodia, at Vietnam. Ito ay mayaman sa magkakaiba at magkaugnay na nilalang at mahalagang pinagkukunan ng kabuhayan para sa milyon-molyong magsasaka at mangingisda.

Sa mga kakalipas na mga taon, may ilang naglalakihang proyekto katulad ng mga dam na pang-kuryente na nagpalikas sa naninirahan dito habang inilagay sa panganib ang ecosystem na pumapalibot sa ilog. Sa kabila ng mga protesta, nagpatuloy pa rin ang pagtayo ng mga dam, lalo na sa Laos at Thailand.

Kasama ang Mekong Watch, isang grupong nakabase sa Japan na nagtataguyod ng sustainable development sa rehiyon at ilang nakatatanda sa Mekong ang nagsimulang magtala noong 2014 ng kanilang mga kwento at alamat na patungkol sa kalikasan. Naniniwala ang Mekong Watch na ang mga kwentong ito ay “may mahalagang kagampanan sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa pananamantala ng likas-yaman.”

Iginigiit ng Mekong Watch na ang yamang pampamayanan na kailangang pangalagaan ay hindi lang ang mga likas-yaman pero kasama din ang mga “di-napagmamasdang pamana” na maaring ibahagi at pakinabangan ng lokal na pamayanan. Idinagdag ni Toshiyuki Doi, nakatataas na tagapayo ng Mekong Watch:

Kailangan ituring, kilalanin, at igalang ang mga kwentong bayan bilang pampayanang-yaman ng Mekong, lalo na ngayong naisasantabi ang kanilang halaga ng mga mas makabagong media at hindi na naipapasa ang mga ito sa susunod na salin-lahi.

Mga lugar sa  Mekong kung saan naganap ang pananaliksik. 1. Kmhmu’ sa hilaga at sentral Laos; 2. Siphandon ng timog Laos; 3. Akha ng hilagang Thailand; 4. Thai So at Isan sa hilagang silangang Thailand; 5. Bunong sa hilagang silangang Cambodia. Ginamit ng may pahintulot.

Nakalipon ang grupo ng kabuuang 102 na kwento sa Cambodia, Laos, at Thailand. Ang mga kwento ay ini-rekord, isinulat, at isinalin sa wikang pambansa ng Thailand, Laos, at Cambodia bago isinalin sa Ingles. Inilathala ng Mekong Watch ang mga kwento bilang inilimbag at digital na polyeto, at ginamit sa mga pangkalikasang pagsasanay na ginanap sa mga pamayanan.

Simula noong bandang huli ng 2016, napakinabangan ang mga kwetong bayan sa paguturo ng kaalamang pangkalikasan sa mga bata sa mga probinsya ng Laos at Thailand. Nakapagsagawa kami ng mga pagsasanay sa mga paaralan at pamayanan upang gabayan ang mga bata, at kung minsan matatanda, na mangulekta ng mga kwento mula sa mga nakatatanda, matuto mula sa mga kwento, at ilimbag ang mga ito na babasahin.

Isang halimbawa ng pagsasanay ang muling pagsalaysay ng kwento ng ‘Ang Kwago at ang Usa’ mula sa pamayanang Kmhmu’ ng sentral at hilagang Laos. Ang kwento ay tungkol sa isang kwago na nawalan ng kakayahang makakita isang araw pagkatapos dayain ang isang usa.

Sa isang pagsasanay, tinanong ang mga nakababatang dumalo: “Anong uri ng mga hayop ang nasa kwento?”, “Makikita ninyo ba ang mga hayop na ito sa inyong nayon?”, and “Kung kumonti ang mga hayop na ito sa inyong nayon kumpara sa dati, bakit ito nangyari?”

Pagkatapos nito, hinimok ang mga dumalo na iugnay ang kwento sa pagkasira ng kalikasan sa kanilang pamayanan.

Sa probinsya ng Champasak, timog Laos, isinangguni ang alamat ng nanganganib na lumba-lumbang ilog at ang ibong Sida upang bigyang-diin kung paano ginagambala ng proyektong dam ang pana-panahong paglakbay ng mga isda sa Ilog Mekong.

Isa pang kwento mula sa timog Laos ang nagtuturo sa halaga ng pangangasiwa ng pinagkukunang yaman:

Ini-rekord ang kwento ng Ulo ng Rhino noong Nobyembre 16, 2014, sa tabing-ilog ng Songkram sa hilagang silanganng Thailand. Si Mun Kimprasert, sa gulang na 68, ang tagasalaysay. Pagmamay-ari ng Mekong Watch, ginamit ng may pahintulot.

Minsan, may isang sundalong lumasok sa isang mahiwagang kagubatan. May natuklasan siyang maraming dahon ng tabako doon at pinitas niya ang mga ito. Nang sinubukan niyang lisanin ang kagubatan, hindi siya makahanap ng daan papalabas. Ito ay dahil kumuha siya nga mga dahong tabako higit pa sa kaya niyang ubusing mag-isa. Gaano man kahirap niyang sinubukang maghanap, wala siyang matagpuang daan para makalabas. Nang napagtanto niya kung ano ang maaring naging suliranin, pinagpasiyahan niyang ibalik ang mga dahong tabako. Sa sandaling binitawan niya ang mga ito, bumungad sa kanyang harapan ang isang lagusan.

Sa hilagang Thailand, isang kwento ng mga taong Akha  tungkol sa pinanggalingan ng indayon ang nagtuturo ng  sariling sakripisyo sa pamamagitan ng magiting na pangyayari ng magkapatid na lalaki at babae na naglagay ng kaayusan sa mundo.

Sa hilagang silangang Thailand, isang kwentong-bayan ng Ta Sorn ayon sa pagsasalaysay ni Tongsin Tanakanya ang nagtataguyod ng pagkakaisa ng kapitbahayan ng mga magsasaka. May isa ring kwento na nagpapaalala na dahil sa pangangaso ng rhinoceros ay nasimulan ang pangangalakal ng asin sa bahaging ito ng bansa.

Sa Bunong, sa hilagang silangang Cambodia, may mga kwento tungkol sa mga ritwal upang ayusin ang mga kasal na hindi maganda ang kinahinatnan at seremonya ng pagtanim at pag-ani ayon sa pagsasalaysay ni Khoeuk Keosineam. Mayroon ding alamat ng elepante ayon sa pagsalaysay ni Chhot Pich na nagbunyag kung paano pinarusahan ng mga diyos at ginawang elepante ang taumbayang naglason ng ilog. Ipinapaliwanag nito kung bakit ang mga elepante ay dating kumportableng nakikitira sa mga tao, pero pagkatapos ng ilang salin-lahi, nakalimutan nila ang kanilang pinanggalingan at humayo sa kagubatan upang doon manirahan.

Ibinahagi ni Hea Phoeun mula sa pamayanang Laoka, Senmonorom, lalawigan ng Mondulkiri sa Cambodia ang isang ritwal ng kanilang lugar kung papaano ayusing ang isang kasal na hindi maganda ang kinahinatnan. Pagmamay-ari ng Mekong Watch, ginamit ng may pahintulot.

Para sa Mekong Watch at sa mga nanganganib na pamayanan ng rehiyon, ang pag-ingat sa mga mga kwento ay lubhang mahalaga para sa kampanya ng pagtutol sa mga proyektong nagpapa-alis ng libo-libong taong nakatira sa Mekong:

Nakakatulong ang mga kwentong ito sa pagbuo ng kamalayan bilang isang miyembro ng kanilang pamayanan at sa pakiki-isa sa kalikasan. Sa pamamagitan ng mga kwento, nakakahanap ang mga pamayanan ng mga paraan upang mapagbigyan o mapigilan ang mga pagbabagong nagaganap sa rehiyong pumapalibot sa Ilog Mekong.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.