Nagsiklaban Ang Mga Protesta sa Morocco Matapos ang Brutal na Pagkamatay ng Magbebenta ng Isda sa Loob ng Compactor ng Basura

Widely used image of Mouhcine Fikri with the two most popular hashtags used on social media "#طحن ـمو" ('crush his mother') and "#كلناـمحسن ـفكري" ('we are all Mohsin Fikri'). Source: SaphirNews.

Pinaka popular na retrato ni Mouhcine Fikri kasama ang dalawang pinaka popular na hashtags na ginagamit sa social media “#طحن ـمو” (‘durugin ang kanyang ina’) at “#كلناـمحسن ـفكري” (‘Tayo'ng lahat si Mohsin Fikri’). Nagmula sa: SaphirNews.

Namayapa na si Mohsin Fikri. Noong Sabado, 29 ng Oktubre, ang 31 taong gulang na nagbebenta ng isda galing sa El Hoceima, Norte ng Maruekos (Rif), ay namatay matapos siyang durugin ng trak ng basura habang sinusubukan nitong kuhain ang isang swordfish — ang kanyang tanging pinagkukunan ng kabuhayan. Nauna nang kinumpiska ng Pulis ang nasabing isda, alinsunod sa pagbabawal ng pagbebenta ng swordfish sa ngayon. Ayon sa mga aktibista,and mga pulis ang s'yang nag-utos na paandarin ang trak ng basura miyentras na si Fikri ay nasa loob nito.

Nang pumutok ang balita tungkol sa brutal na pagkamatay ni Fikri, kaliwa't kanan ring nag-siklaban ang mga protesta sa Maruekos, magmula sa El Hoceima hanggang sa Marrakesh at Rabat, ang kapital. Gamit ang hashtag na “#طحن_مو,” na halos ang ibig sabihin ay “durugin ang kaniyang ina,” inihayag ng mga Morokan ang kanilang galit at nag-upload ng mga bidyo and litrato ng mga kasalukuyang protesta. Ang ibig sabihin ng hashtag ay diumano patungkol sa sinabi ng isa sa mga pulis bago pinatay ng compactor si Fikri.

Maraming Internet user na ang nag-upload ng live videos ng mga protesta sa kani-kanilang kwenta sa Facebook. Ang sumusunod na bidyo ay kuha ng Morokan na retratista, direktor, at aktibista na si Nadir Bouhmouch noong Linggo ng gabi, Oktubre 30, sa Marrakesh.

Ang Morokan na aktibista at dating direktor ng Advox na si Hisham Almiraat ay nagbahagi ng bidyo ng libing ni Fikri:

At nag-bahagi ng letrato ng libing si Samir Kinani na kinunan sa malayo:

Hindi nakakagulat na marami ang kinumpara si Fikri kay Bouazizi, ang Tunisiyano'ng street vendor na sinunog ang sarili noong 17 ng Disyembre 2010, bilang kaniyang sagot sa pakaka-kumpiska ng kaniyang mga paninda, na nagsilbing katalista para sa Rebolusyon ng Tunisya at ang malawakang Arab Spring.

Mula ngayon si Mouhcine Fikri ay ang Mohamed Bouazizi ng Maruekos. Kagaya ng Tunisya noong 2011, naghahayag ng malawakang himagsikan ang Masa

Ngayon ay mayroon nari'ng sariling Bouazizi ang Maruekos at ang kaniya'ng pangalan ay Mohcine Fikri. Protesta bukas ng 7pm sa harap ng embahada ng Maruekos sa Paris.

Ito ang pinaka-bago sa mga magkakasunod na protesta na yumanig sa Maruekos sa mga nagdaang taon. Sa simula pa lamang ng taon na ito,  libo-libong mag-aaaral na trainees na ang nag-protesta sa kalye kontra sa mga pagkakaltas ng gobyerno, na ayon sakanila ay lalo lamang nagpahirap sa paghahanap nila ng trabaho sa sektor ng edukasyon.

Ang mga protesta kontra sa mga pagmamalupit ng mga kapulisan at higit sa lahat ang nakasanayang “hogra” (o panghihiya) ay naging pangkaraniwan na sa Maruekos. Mula pa noong 2011, mahigit sa labing dalawang Morokans na ang sinunog ang kanilang sarili dahil sa kawalan ng pag-asa. Noong Abril 2016, isang babaeng street vendor ang nagsunog ng kaniyang sarili matapos kumpiskahin ng mga pulis ang kaniyang tinapay at kakanin. Noong buwan din na iyon, isang street vendor ang siya ring nagpakamatay sa pamamagitan ng pagsunog sa kaniyang sarili matapos makumpiska ang kaniyan motorsiklo.

Noong 2015, ang mga street vendors sa Casablanca ay nagkaisa para mag-protesta kontra sa patuloy na panggugulo ng mga pulis. Ang protesta na ito ay dahil sa pang-aaresto sa mga street vendors sa Casablanca. Lagi na lamang biktima ng panggugulo, bugbog at aresto ang mga street vendors.

Noong 2013, mayroong tatlong kaso ng pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagsunog sa sarili ng mga kababaihan na nagsabi na binigo sila ng sistema ng hustisiya. Si Amina Fillali, na pinuwersang pakasalan ang gumahasa sa kaniya noong 2011, ay nagpakamatay noong Marso 2012. Noong Agosto 2016, isang babae ang  nagpakamatay matapos na palabasin ng mga pulis sa pagkakakulong ang gumahasa sa kaniya sa loob ng walong taon at pinagbantaan siya na mag-popost ito ng mga letrato niya online nang panggagahasa sa kaniya.

Karagdagang impormasyon

Ang Haring Mohammed VI ay minana ang Maruekos noong 1999 matapos na mamatay si Hassan II. Ito ay nagdulot ng problema sa Rif, isang mabunduking pook sa norte ng Maruekos. Noong himagsikan sa Rif magmula 1958 hanggang 1959, pinadala ni Hassan II ang 80 persentahe ng hukbo ng Maruekos para tapusin ang mga demonstrasyon. Noong 1984, kasabay ng malawakang protesta para sa tinapay, nagbigay ng tanyag na talumpati  si Hassan II kung saan tinawag nitong mga ‘masamang-tao’ ang mga Riffians.

Ang Haring Mohammed VI ay pinili na mamahala sa ibang paraan.

Mula 2011 hanggang 2015, sumailalim ang Maruekos sa mabilisang proseso ng privatisation. Noong 2014, sa  Guich Oudaya ng Rabat, giniba ng mga autoridad ng gobyerno ang mga bahay ng mga mamamayan doon upang ma-ibenta ang lupa sa isang real estate company. Pinalayas ang mga residente sa kanilang mga bahay at dahil dito napilitan silang tumira sa mga kubo.

Noong 2015, libo-libong Morokan ang nag-protesta laban sa mataas na singil sa kuryente ng Amendis, isang kompanyang Franses.

Noong pa man ding 2008 ay nag-siklaban na ang mga protesta sa isang palaisdaan sa Sidi Ifni matapos makasagupa ng mga kapulisan ang mga mangingisda na walang trabaho, na sa huli ay nagdulot ng pagkakasawi ng sampung protesters.

Noong 2014, pumirma ang Maruekos ng kontrata sa pamimingwit sa Unyon ng Europea (UE). Para sa napakababang halaga na €30 milyon bawat taon, halos 120 na barko galing sa 11 na bansa sa UE (Espanya, Portugal, Italia, Francia, Aleman, Litwaniya, Latbiya, Olanda, Irlanda, Polonya, at United Kingdom) ang bumili ng karapatan para mamingwit malapit sa baybayin ng Maruekos.

Kakaunti lamang ang natitira ng mga malalaking kompanya para sa mga mangingisdang lokal. Minsan pa nga ay hindi pwedeng mamingwit ang mismong mga mangingisdang lokal, na nagdudulot ng kawalan ng trabaho at pagka-desperado kagaya na lamang ni Mohsin Fikri.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.