Noong ika-12 ng Enero, isang mensahe ang dumating mula sa kapatid ko sa Gaza, hatid nito ang isang masamang balita: ang tahanan ng aming mga magulang, dambana ng mga alalaa, inararo ng mga Israel F16 rocket, na dumurog sa mahal naming bahay.
Hindi ito ordinaryong bahay. Sa pagitan ng mga dingding nito, ginawa ko ang mga kauna-unahan, mabuway kong hakbang at umalingawngaw sa pinaka-pundasyon nito ang mga tawa at iyak ko. Sagradong lugar ito, kung saan ako lumaki kasabay ng mga mahal kong kapatid, ligtas sa mundo ng pagmamahal at proteksiyon.
Habang naiisip ko ang katotohanan ng nakakadurog ng puso na balitang ito, isang bagyo ng galit at pagkadismaya ang nabubuo sa loob ko, nagbabantang ubusin ang buo kong pagkatao. Kalaunan, noong araw na ‘yon, habang mas maraming detalye ang nabubunyag, mas lumalim pa ang bigat na dala ng nawala sa amin.
Tulad ng karamihan sa mga Palestinian, nakatira kami malapit sa mga lolo at lola at mga tito, inaalagaan ang aming lupa at pinahahalagahan ang tibay ng aming samahan. Ang bombang dumurog sa maliit na bahay ng lolo at lola ko, isang tahanang gawa sa damo at putik na itinayo mahigit pitong dekada na ang nakararaan. Itinayo nila ang dambanang ito gamit ang sariling mga kamay, simbolo ng katatagan at pag-asa na nabuo matapos tumakas sa mga masaker sa kanilang bayan, Bayt Tima.
Noong Oktubre, 1948, naging biktima ng pananakop ang Bayt Tima sa panahon ng brutal na Operation Yoav ng Givati Brigade, isang Zionist gang na nagmamartsa at minamasaker ang mga nadadaanang bayan. Ang Bayt Tima, na dating mapayapang bayan, naging target ng mga pambobomba mula sa himpapawid at mga kanyon, kaya napuwersa ang exodus ng mga refugee.
Sa kabila ng matapang na pagtutol ng mga falaheen’s (“mga tagabaryo”) laban sa Negev Brigade, isa pang Zionist gang na sinubukang sakupin ang baryo nang kasing-aga ng Pebrero, 1948, nauna pa sa the Nakba, at kalaunan, nanalo ang Givati Brigade. Kinitil ng pagsalakay nila ang buhay ng 20 tagabaryo, sinira ang pinagkukunan ng tubig, at giniba ang lugar ng kamalig, inatake ang sentro ng kabuhayan at lakas ng aming komunidad.
Malungkot at nagdadalamhati, ang mga Katutubo ng Bayt Tima, na napag-alaman ang tungkol sa iba pang masaker sa kahabaan ng mahal naming Palestine, kabilang ang Deir Yaseen Massacre, ay nangamba para sa kanilang buhay at sa kanilang pamilya. Kinailangan nilang lumipat sa Gaza.
Ang trahedya ng mawalan
Sa pagsisikap na mabuhay at makapagsimula ulit sa kabila ng trauma at kaguluhan ng puwersahang relokasyon, bumili ng lupa ang pamilya ko sa Gaza at itinayo ang bahay. Madalas alalahanin ng lola ko ang takot at pag-aalinlangan, at ang matinding pakiramdam ng kawalan noong panahon na iyon, pero higit sa lahat, iyong halos di makayanan na kalungkutan.
Sa panahon ng malupit at marahas na paglalakbay, nasawi ang maraming kamag-anak ng pamilya mula sa bayan, kasama ang isa sa kanilang mga anak, ang tito ko, ang sanggol na si Mohammed, na namatay habang nasa biyahe, habang tumatakas sa Gaza.
Madalas ikuwento ng lola ko ang nangyari sa Tito kong si Mohammed, pinapatunayan ng bawat pagkukuwento ang sakit na hindi nawawala:
“Noong tumatakas kami para makaligtas, kinakarga ko minsan si Mohammed sa likod ko at minsan ng kanyang ama. Walong buwan pa lang siya noon. Maraming oras kaming naglakad, tumitigil paminsan-minsan sa ilalim ng puno para magpahinga at magpasuso. Isa sa mga oras na ito, hindi siya tumugon sa tawag ko noong sinubukan ko siyang gisingin.
Tinawag ko ang kanyang ama para tingnan ang aming anak. Nang makita niya si Mohammed, sabi niya, “Allah Yirhamoh,” (“Kaawaan sana siya ng Diyos”). Sumigaw ako. ‘Hindi, hindi! Hindi si Mohammed.’ Ang dibdib ko ay puno ng gatas na hindi na maiinom ng sanggol, at umiiyak ang puso ko para sa binatang hindi ko na makikita.
Itinaas ko siya at nagdasal sa Diyos nang nag-aalab ang puso, ‘Ya Allah, ya Allah.’ Niyakap ko nang mahigpit ang mahal kong si Mohammed sa loob nang higit anim na oras, hindi ko siya mabitawan o mapaniwalaan ang nangyari. Pero noong nagkaroon na ako ng lakas para bumitaw, naghukay ng libingan ang kanyang ama para sa kanya, isang lugar sa tabi ng daan, sa ilalim ng puno, at ibinalik namin siya sa aming ina, sa lupa.
Nakiusap ako sa lupa na na maging mabuti sa kanya. Malambing siyang bata. Hiniling kong maging malumanay ito sa kanya, dahil kinuha niya ang isang bagay na pinakamahalaga sa akin —- ang kaluluwa ng aking kaluluwa.
Kaunting minuto lang ang meron kami para magpaalam, bago nakalapit ang mga gang na Israeli at pinagbabaril kami. Kinuha nila ang lahat sa amin, pati ang huli naming pamamaalam.
Mga puno ng olibo at ugnayan sa mga ninuno
Nakarating ang pamilya ko sa Gaza, sa lupang ito, kung saan sila nanatili sa loob ng higit 70 taon.
Nagtanim sila ng maraming puno ng olibo, sumasama ang mga ugat nito sa mga puno, bumubuo ng koneksiyon sa mga ninuno na nabuhay at namatay sa lupang ito, ilang libong taong na ang nakararaan. Nagtrabaho sila sa lupa halos buong buhay nila, nagpapatubo ng sarili nilang gulay at prutas, at nag-aalaga ng kambing at manok para itinda sa lokal na pamilihan.
Sa paglipas ng panahon, mas lumalim ang koneksiyon nila sa lupain ng Gaza habang pinanghahawakan ang pangarap na isang araw, makabalik din sa dating bayan. Tinago ng lola ko ang susi ng bahay niya sa Beit Tima, nakabitin sa kuwintas na malapit sa puso niya, hanggang mamatay siya noong 2016.
Ang bahay na iyon ang puso ng aming pamilya, tumitibok sa bawat salo-salo ng pamilya, pagdiriwang ng kaarawan, mga tawanan sa hatinggabi, at pagtingin sa mga bituin kapag walang kuryente. Saksi ito sa mga kasalan at libing, hawak nito ang kahulugan ng mga buhay namin.
Kapag pinagninilayan ko ang mga sandaling iyon, nadudurog ang puso ko. Hindi lang bahay ang winasak ng mga bomba, winasak din ang aming pag-asa at malalalim na alaala. Mga pinahahalagan naming sandali na nakuha sa mga litrato, ang mga libro namin, ang bubong namin, at ang magandang taniman namin ng puno ng olibo — nawasak lahat
Mga alaala at trauma sa Gaza
Naging karaniwan sa buhay namin sa Gaza ang malalim na trauma ng giyera at pagpapaalis. Apat na malalaking pagsalakay sa Gaza ang naranasan ko sa pagtira dito hanggang umalis ako limang taon na ang nakararaan. Maraming beses, may mga bombang sumasabog malapit sa bahay namin, at nabuhay kami sa mga nakakapangilabot na pagsabog at sa takot na bawian kami ng buhay.
Malinaw kong naaalaa ang giyera noong 2008 sa Gaza noong pinasabugan ng mga eroplano ng Israel ang isang taong naglalakad sa labas ng bahay namin. Nasa loob kami noong umalog ang buong bahay, at napuno ng usok ang lahat ng kuwarto, kaya hindi kami makahinga. Takot na takot at di sigurado kung saan pupunta, nagdesisyon kaming lumabas para lang makita ang sunog at wala nang buhay na katawan ng na-target na lalaki. Unang beses kong makakita ng sunog na katawan.
Habang tumatakbo kami sa bahay ng tito ko, ilang metro lang ang layo, muling nagsimula ang mga pagsabog. Nasugatan ang isa sa mga kapatid kong babae sa piraso ng nasusunog na debris, napahiyaw siya sa sakit. Paano namin malalagpasan ang ganoong alaala?
Pinakaapektado ako sa pangta-target sa mga puno ng olibo, ano’ng kasalanan ng mga puno? Itananim ito ng lola ko mahigit 70 taon na ang nakararaan. Apat na henerasyon ng pamilya ko ang nagtiis sa kalupitan ng pananakop sa ilalim ng pamumuno ng kolonya.
Dala ng mga katawan namin ang kaalaman. Nakatatak sa DNA namin ang mga kalupitang tiniis at maipapamana sa aming mga anak at apo sa mga susunod pang henerasyon.