Mula kamatayan sa Syria hanggang kuwarentina sa Madrid

Sa Madrid sa panahon ng kuwarentina, Abril 2020. Larawan ni Mousa Mohamed, ginamit ng may permiso.

Isang refugee mula sa Syria na naghahanap ng pag-asa at kalayaan matapos ang lahat ng paghihirap na naranasan niya sa paglalakbay mula Syria patungong Espanya, ay muling humarap sa isang hindi inaasahang bagay: sa isa na namang pagkakakulong, ngayon naman ay dahil sa pagkalat ng COVID-19.

Hindi kami handa. Wala kaming mga maskara o guwantes pantakip sa  malillit na mga kamay o kahit anong pang-isterilisa maliban sa kaunting sabon na nahaluan ng kaba.

Hindi kami masyadong nababahala dito sa maliit at di nakikitang organismong tinatawag na Coronavirus. Naniniwala kami na napakaliit nito upang makapagdulot ng sakit sa katawan ng mga taong napakarami nang pinagdaanang sikolohikal at pisikal na paghihirap sa kanilang bayang tinubuan, sa Syria, at muling naghirap nang tahakin ang ruta ng mga kontrabado sa Turkey at kalaunan ay sa isang kapaligiran na walang kasiguruhan sa Espanya, patungo sa isang kuwarantina na hindi namin inakala.

“Huwag kayong mag-alala, matatapos din ang krisis na ito, ” ang sabi ko sa dalawa kong anak na babae, edad lima at tatlo … “ang maitim na ulap na ito ay maglalaho, at bawat isa sa atin ay babalik sa ating sariling mga tula.”

“Huwag kayong mabahala, ang ‘Corona’ ay hindi isang lider na pilit nangunguyapit sa posisyon hanggang sa kaniyang huling hininga. Hindi nito nagagawang sunugin hanggang maging abo ang isang siyudad, hindi ito basta-basta pumapatay ng mga nilalang nang hindi man lang kumukurap.  Hindi ito sakim sa pananatili sa puwesto ng kapangyarihan, kaya walang dapat ipag-alala,” ang sabi ko sa kanila.

“Pagkatapos ng kuwarentina, muling lalaya ang mga tao at babalik sa normal ang kanilang mga buhay… Kayo din, ay babalik sa mahal niyong paaralan at sa parke kung saan kayo naglalaro at nagsasaya.”

Sa mga salitang ito – hindi sa “Magandang Umaga” — ganito ko sinisimulan ang bawat araw, sa pagsagot sa daluyong ng kanilang mnga tanong.

“Kailan tayo aalis ng bahay? Ilang gabi pa tayo matutulog at gigising bago mawala ang Corona? Ano ang gagawin natin ngayong araw? Ano ang iguguhit natin? Anong kuwento ang babasahin niyo sa amin? ” at ilang dosenang mga pangungusap pang tulad nito na nagtatapos sa tandang pananong.

Ganito nila sinisimulan ang araw sa maliit na apartment kung saan sila nakulong mula nang ideklara ang kuwarentina na nagsimula noong nakaraang Marso.

Noong umpisa, halos normal lang. Pero unti-unti itong nagbago hanggang ang mundo ay naging malumbay at nawalan ng kulay, maliban sa mga pinta ng watercolor na aming hinahalo upang gugulin ang aming araw sa pagpipinta.

Di kalaunan ay naisip namin na dapat naming gugulin ang araw na iyon sa kapaki-pakinabang na mga gawain. Nagsimula kaming mag-ehersisyo sa bahay, pagkatapos ay almusal, na sinusundan ng pagaaral at pagtuturo. Lahat ng iyon sa isang maliit na kuwarto na halos hindi kaasya ang isang kama, na napapalamutian lamang ng mga piraso ng papel na puno ng mga malabong sulat-kamay na kami lamang ang nakakaintindi.

Gayunpaman, ang entablado kung saan nagaganap ang araw-araw naming mga gawain ay isang maliit na bulwagan na napapalamutian ng isang lamesa at ilang silya at isang halaman na kamukha ng mayroon kami sa dati naming bahay. Kinukuwentuhan ko ang aking mga anak tungkol sa mga letra at tinuturuan sila kung paano iyun bigkasin, habang ang aking asawa ay ginagamit ang mga brush niya ng pintura upang gumuhit ng mga mahiwagang obra, bago ito ibigay sa mga bata na papalamutian naman ito ng pinakamagagandang kulay.

Ang mga paulit-ulit naming gawain ay nagagambala sa ilang sandali ng pagtanaw sa labas ng bintana upang tingnan ang mga nagdaraan patungo sa bilihan ng pagkain o para maglibang sa pamamagitan ng paglalakad kasama ang kanilang aso- ilan sa mga pinahihintulutang gawain sa pagalis sa kanilang mga bahay.

Ang mga sandaling ito ay nagbabalik sa amin sa mga lumang alaala. Dumanas kami ng mahihirap na mga araw, at nalagpasan namin ito dahil kami ay magkakasama.

Naaalala namin ang mga nakakapangilabot na pangyayari na hindi namin kinukuwento sa aming mga anak. Sa halip, nakangiti kaming naglalaro kasama ang buong pamilya. Nagkaroon kami ng magagandang karanasan at umasang makagawa ng bago at ibang klaseng mga alaala. Subalit walang pinto para ikandado ang aming mga masasamang alaala, may naiiwang nakaangat na espasyo kung saan malayang lumulutang ang mga ulap.

Ang araw ng pagkakakulong ay nakakapag-paalala ng panahon na kami ay nagtago sa basement upang protektahan ang aming sarili sa walang awang mga bomba at armas. Binabalot kami ng kaba, ngunit ang takot na naramdaman namin dito sa Madrid ay malayong-malayo sa naramdaman namin sa Syria.

Ang mga araw ng kuwarentina ay makakapag-paalala sa isang dating bilanggo ng mataas na pader ng preso. Nakakapagpaala sa mga araw na siya ay nangangarap lumipad ng malaya at malayo sa mga mapagmatyag na mata ng mga taong nagkulong sa kanya sa hindi mawawasak na pader. Ngunit iba sa gabi; ang pagkakakulong sa preso ay iba sa pagkakakulong sa likod ng iyong sariling bintana.

Ngunit tila hindi tama na sila ay ikumpara. Dito sa Madrid, ang kalayaan ay ipinagbawal para sa iyong proteksyon, samantalang sa Syria, ang pagkakait ng kalayaan ay dinisenyo upang mamatay ka ng ilang daang libong ulit. Tapos aasahan ng mundo na mabubuhay ka ng normal, na para bang hindi naganap ang lahat ng iyon.

Ang pagkakakulong dito ay hindi nangangahulugang kailangan mong iwanan ang bayang sinilingan. Dito, ikaw ay inaasahan na manatili, samantalang doon kailangang mong tumakas upang mabuhay. Dito, ang tahanan ay isang kanlungan – marahil sa kamatayan; doon ito ay isang target. Subalit, nakamamangha ang parehong paghihirap na dulot nito.

Ang mga araw namin sa kuwarentina ay iba sa mga panahong ginugol namin sa paglipat, paikot-ikot sa mga hangganan ng iba’t-ibang bansa sa pag-asang makahanap ng kaligtasan. Dito, sasabihin nila na ikaw ay ligtas.

Subalit pareho ang pakiramdam na walang kasiguruhan. Kapag nakatira ka sa isang bansa kung saan ikaw at ang iyong pamilya ay binibigyan ng isang pulang dokumento ng asylum na nagpapahintulot sa iyong manatili ng ilang buwan, ito ay paalala na malayo ka sa iyong tahanan at kailangan mong umalis sa lalong madaling panahon. Isang paalala ng paghahanap ng isang permanenteng tahanan para sa iyong pamilya, isang tahanan na aabutin ng buwan bago matagpuan.

Kapag ikaw ay isang refugee, nililisan mo ang iyong tahanan sa pag-asang makapagsimula ng bagong pahina sa iyong buhay, ngunit tila tumatangging umalis ang lumang pahina.

Pagkatapos ng kuwarentina, magsisimula kami ng bagong buhay na puno ng pag-asa. Tutuparin naming ang mga pangarap na naudlot sa loob ng isang dekada. Malalagpasan namin ang mga araw na ito sapagkat napagtagumpayan namin ang iba pang mas mahirap na mga araw, ngunit tunay nga bang napagtagumpayan namin ang mga araw na iyon? O patuloy pa rin naming itong kinakaharap? Balang araw, mapapagtagumpayan naming lahat ito.

Lalaban kami at magtatagumpay—Resistiré, orihinal na kanta mula kay Dúo Dinámico.

Isang video na kinuhanan sa Puçol, Espanya ni Manuel José Gongora Aguilar, ginamit ng may permiso.

“Cuando pierda todas las partidas; Cuando duerma con la soledad; Cuando se me cierren las salidas; Y la noche no me deje en paz; Cuando sienta miedo del silencio; Cuando cueste mantenerse en pie; Cuando se rebelen los recuerdos; Y me pongan contra la pared. Resistiré, erguida frente a todo; Resistiré para seguir viviendo…”

Sa pagkatalo sa lahat ng laban. Sa pagtulog ng nalulumbay. Kapag ang lahat ng lagusan ay isinara para sa akin. At ang gabi ay ayaw akong lubayan. Sa panahong mahirap tumindig. Kapag ang alaala ay nagrerebelde. At ako ay itinulak sa pader. Lalaban ako, tatayo ng matikas sa harap ng lahat. Ako ay lalaban para patuoy na mabuhay….”

Sa liriko ng isang awiting Espanyol, “Resistiré”na naging simbolo ng pag-asa sa panahon ng kuwarentina sa Espanya, habang patuloy na dumarami ang bilang ng mga biktima ng COVID-19 —isang kurtina ang bababa sa pagtatapos ng isang araw ng kuwarentina.

Mula sa bintana ng aming pansamantalang tahanan nakikiisa kami sa aming mga kapitbahay at sa buong Espanya sa isang masigabong palakpakan gabi-gabi upang pasalamatan ang mga matiyagang nagtatrabaho upang labanan ang virus at upang basagin ang katahimikan ng aming mga araw.

Ang mga bata ay nagaabang kada gabi upang pumalakpak at sumigaw mula sa aming bintana at sa kanilang mga hiyaw, kanilang isinisigaw – Magtatagumpay kami

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.