Japan: Mamamahayag, Hindi Pinayagang Magbalita sa Diet Press Hall

Tuwing Biyernes sa Tokyo, nagtitipon-tipon sa harap ng tanggapan ng Punong Ministro ng Japan ang mga demonstrador na tutol sa paggamit ng enerhiyang nukleyar. Hulyo 6, 2012 nang sumama sa nasabing grupo ang kilalang mamamahayag sa internet na si Hajime Shiraishi, na pinuno ng website na Our Planet TV [jp]. Naisip ng mamamahayag na ang pinakamainam na posisyon upang kunan ng bidyo ang kilos-protesta ay mula sa tuktok ng gusali ng Diet Press Hall. Laking gulat niya nang harangan siya ng mga tagapagbantay ng Diet Press Hall, dahil hindi raw ito kabilang sa opisyal na Press Club.

Nakilala si Shirashi matapos makatanggap ng mga parangal mula sa mga grupong Japanese Women in Radio and Television, at Japan Congress of Journalists. Naniniwala siyang mahalagang makunan ng Our Planet TV ang mga kaganapan sa naturang kilos-protesta, dahilan upang dumulog siya sa korte upang humingi ng permiso na makaakyat sa rooftop ng gusali. Noong Hulyo 27, nagdesisyon ang Tokyo High Court na hindi bigyan ng pahintulot ang mamamahayag, kaya't umapela naman ito sa pangasiwaan ng Press Hall.

Kilos protesta sa harap ng Pambansang Diet, Hulyo 6

Kilos protesta sa harap ng Pambansang Diet (Kongreso) ng Japan, Hulyo 6, 2012. Litratong mula sa ustream video ng Ourplanet-TV

Narito ang bidyo ng Ourplanet TV noong Hulyo 6 sa website na Ustream, kung saan humihingi ng pabor si Shirashi na makaakyat ito sa rooftop ng Diet Press Hall.

Bidyo mula sa Ustream

Marami ang nadismaya sa kakulangan ng balita tungkol sa mga kilos-protestang tutol sa isyung nukleyar mula sa mainstream media ng Press Club.

Bagamat ginigiit ng Press Club ng tanggapan ng Punong Ministro na ipinagtatanggol nila ang kalayaan sa pamamahayag, hindi naman sila nagbibigay pahintulot sa mga mamamahayag sa mga proyektong online news media at freelance.

Itinatag ang Diet Press Club mahigit 120 taon na ang nakakaraan. Subalit para kay Shiraishi, ang pagsasantabi sa mga Internet-based media at mga freelance journalist ay kumikitil sa diwa ng malayang pamamahayag. Iginigiit niya na “gamitin sa patas na paraan ang mga gusali ng Pamahalaan, para na rin sa kapakanan ng publiko at ang karapatan nito sa impormasyon.”

Ang ulat na ito ay hango sa akdang unang inilathala ng Ourplanet TV [ja] (Creative Commons License).

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.