Mga Bidyo ng Mayo Uno: Pagmartsa, Kilos-Protesta at Pag-aaklas sa Iba't Ibang Panig ng Mundo

Sa maraming lungsod sa iba't ibang panig ng mundo, nagtipon-tipon ang mga obrero at taumbayan sa mga lansangan upang gunitain ang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa [en]. Kinunan ng bidyo ng pangkat na The Real News ang mga kaganapan sa buong mundo sa araw na iyon.

Samantalang naging mapayapa ang mga kilos-protesta sa ilang lugar, sinalubong naman ang ibang bayan ng karahasan sa pagitan ng mga nagpoprotesta at armadong pulis. Sa unang bahagi ng bidyo [en], pinakita ang mga kilos-protesta sa Asya, Aprika, Gitnang Silangan at Europa.

Screenshot ng taong-bayan na nagmartsa sa bansang Venezuela mula sa Bidyo ng Real News

Martsang Mayo Uno sa bansang Venezuela

Sa Malaysia, inireklamo ng mga aktibista ang lumalawak na pagitan ng estado sa buhay ng mga mamamayan doon. Sa Pilipinas, ipinagsigawan ng mga obrero ang seguridad ng trabaho at mas mataas na suweldo. Iprinotesta naman sa Indonesia ang mababang pasahod at mahirap na kalagayan ng mga manggagawa. Humingi naman ang mga taga-Cambodia ng taas-sweldo.

Hiniling naman ng mga taga-Bahrain na ibalik ang mga obrero na tinanggal sa kanilang trabaho dahil sa utos ng gobyerno. Sa Ehipto, ipinaglaban naman ng mga mamamayan na isama ang mga karapatan ng mga manggagawa sa ginagawang bagong saligang-batas ng kanilang bansa.

Sa Europa, mariing tinutulan ng mga nagpoprotesta ang mga polisiya ng pagtitipid ng gobyerno na sa tingin nila ay nakakasama sa kalagayan ng mga mamamayan. Sa bansang Ruso, nagdaos ng kani-kanilang rally ang mga namamahalang partido at ang oposisyon. Sa Pransiya, nagprotesta ang mga maka-kaliwa laban sa pagtitipid ng gobyerno. Sa lungsod ng Londres, nagdaos ng strike ang mga mamamayan doon, kung saan hindi tinuturing na holiday ang Mayo Uno.
 

 
Mapapanood naman ang mga protesta sa Hilaga at Timog Amerika sa pangalawang bahagi ng bidyo [en]. Tinutulan ng mga taga-Canada ang pagtapyas sa badyet at ang pagtaas ng matrikula sa kolehiyo. Sa Estados Unidos, naging pangunahing pakay ng mga protesta ang mga bangko sa ilang malalaking siyudad, na humantong sa pakikipagsalpukan sa mga pulis, sa panawagan ng strike, at sa pagtatayo ng mga harang sa kalye.

Sa Mehiko, nagmartsa ang mga manggagawa para sa mas maayos na pamumuno ng gobyerno sa kabila ng kaliwa't kanang karahasan sa bansa. Sa Honduras, naging panawagan sa mga kilos-protesta ang pagtutol sa katiwalian at sa pribatisasyon ng pampublikong serbisyo, samantalang sa Cuba, ipinagdiwang ng mga malawakang parada ang Himagsikang Cuban.

Sa Venezuela, nagtagpo ang mga taga-suporta at kumokontra sa gobyerno hinggil sa mga isyu ng mga repormang ipinasa kamakailan. Sa Colombia inaresto ang ilang nagprotesta doon, samantalang sa Chile, nagmartsa ang ilang mga mag-aaral doon.
 

 

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.