Living Tongues: Mga Kasangkapang Teknolohiya Upang Sagipin Ang Mga Wikang Nanganganib Mawala

Saksi tayo sa mabilis na takbo ng globalisasyon sa buong mundo kung saan nangingibabaw ang mga wikang may higit na impluwensiya sa ekonomiya kaysa sa ibang lenggwahe. Dahil dito, lalong nanganganib mawala ang mga wikang madalang gamitin at namamatay kalaunan. Hindi na naituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang katutubong wika at napipilitan pa ang mga ito na gumamit ng ibang wika sa pang-araw-araw gaya ng nangyayari sa mga paaralan.

Mayroong 6,809 wika na kasalukuyang nakatala sa listahan ng Ethnologue: Mga Wika ng Mundo [en], kung saan 330 wika lamang ang may higit sa 1 milyon ang gumagamit.

Humigit-kumulang 450 wika [en] ang nasa mga huling sandali ng kanilang buhay, dahil iilang matatanda na lang ang natitira at gumagamit sa kanila. Mas nakakabahala ang pananaw na aabot sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga wika sa mundo ang mamamatay sa loob ng 100 taon.

Layon ng Living Tongues Institute for Endangered Languages [en] (Suriang Living Tongues para sa mga Wikang Nanganganib Mawala) mula sa Oregon sa Estados Unidos na tugunan ang suliraning ito. Batid nito na kasamang nabubura sa ating kamalayan ang kasaysayan ng isang bahagi ng lipunan sa bawat katutubong wika na namamatay. Sa ngayon, nagsasagawa ang nasabing surian ng masinop na pagdodokyumento ng mga lenggwaheng sinasabing nasa peligro, at nagbibigay gabay sa mga pamayanan upang mapanatili o buhaying muli ang kanilang kaalaman tungkol sa katutubong wika, sa tulong ng ICT at mga kagamitang likha ng kanilang komunidad.

Pakikihalubilo kasama ang mga koro-aka. Litrato mula sa Living Tongues.

Misyon ng Living Tongues Institute for Endangered Languages na “maisulong ang pagdodokyumento, pagpapanatili, pangangalaga, at pagbibigay-sigla sa mga wikang nanganganib mawala sa bawat panig ng mundo sa pamamagitan ng mga proyektong pagrerekord ng mga wika sa tulong na rin ng mga lingguwista, multi-media, at pagsisikap ng naturang komunidad.” Narito ang isang maikling trailer kung paano nila isinasagawa ang mga tungkuling ito:

Noong isang taon, nakipagtulungan ang National Geographic sa Living Tongues Institute for Endangered Languages upang maisakatuparan ang kanilang Proyektong Enduring Voices [en] (Mga Wikang Nagtatagal). Nagsisimula naman ngayong mangalap ang Suriang Living Tongues ng panibagong pondo para sa isa pang proyekto na tinatawag na “Endangered Language Technology Kits” [en] (Mga Kasangkapang Teknolohiya Para Sa Mga Wikang Nanganganib Mawala). Pakay nito ang makalikom ng sapat na pera upang bumili ng kagamitang pangrekord at mga kompyuter para sa 8 napiling indibidwal na nagsusulong ng sariling katutubong wika sa kanilang lugar sa Indiya, Papua New Guinea, Chile at Peru.

Karaniwang nilalaman ng isang Language Technology Kit (LTK), na tutulong sa mga makakatanggap nito na mairekord ang kani-kanilang lenggwahe, ang isang laptop kompyuter, isang handheld na digital audio recorder, isang digital kamera, at isang portable na kamerang pangbidyo. Makakatanggap din ang 8 indibidwal na ito ng pagsasanay at pagpapayo mula sa mga experto ng media.

Maraming kagamitan na rin ang naipamigay ng Suriang Living Tongues sa mga indibidwal sa mga liblib na pook sa mga nakalipas na taon, kasabay ang maraming kwento ng tagumpay. Madalas nakakagawa sila ng mga dokyumentaryo ng kani-kanilang wika at ibinabahagi nila ito online. Makikita sa album na ito ang mga litrato [en] ng mga aktibidades ng mga indibidwal na unang nakatanggap ng ganitong tulong.

Sundan ang proyektong ito sa kanilang account sa Twitter [en] at Facebook [en].

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.