Hitik sa iba't ibang kulay, tunog at punung-puno ng buhay ang mga palengke at pamilihang bayan, saang dako man sa mundo. Samahan niyo kami sa aming pagbisita – sa pamamagitan ng mga litrato at bidyo – sa mga palengke ng El Salvador, Mehiko, Indiya, Indonesia at Thailand.
Matapos mapanood ang bidyo ni RocaCristo na inilalarawan ang palengke ng Santa Tecla sa El Salvador, ito ang naging pahayag ni varistojamonbanua tungkol sa pagkakahalintulad ng palengkeng iyon sa palengkeng kanyang nakagisnan sa kanyang bayan:
…im from manila , i like your video, it looks like you are in the philippines wet market, the vegetables, the fruits , the sweet potatoes, and the little round fruits there we call it seneguelas here in the philippines we can see it during summer. i love this video
Sa Indonesia, ang pagtitinda at pagpapalitan ng mga produkto ay ginaganap sa tinatawag na floating market sa Lok Ba Intan sa Timog Borneo.
Binisita ng MVMTelevisionDigital [es] ang mga palengke sa Oaxaca, Mexico. Pinapakita sa maikling bidyong ito ang mga makukulay na lugar kung saan nakakabili ang mga taga-roon ng mga damit, alahas, at pagkain gaya ng mga kakaibang putahe gaya ng tipaklong at bulate, o ‘di kaya isang tasa ng mainit na tsokolate?
Kakaiba naman ang palengkeng ito sa Mumbai, Indiya [en]: sa halip na mga prutas at gulay, mabibili dito ang iba't ibang piraso at parte ng kotse, mga antigo, mga pinaglumaang refrigerator at telebisyon sa mas maliit ng halaga. Sa bidyong ito na gawa ni Parasher noong 2007, ipinaliwanag niya ang pinagmulan ng pangalan ng palengkeng ito: Ayon sa isang nagtitinda ng goma ng gulong, ang orihinal na tawag dito “Shor” o ang “maingay” na palengke, ngunit matapos ang pananakop ng Englatera, ang pangalan nito ay naging “Chor” o ang palengke ng mga “magnanakaw”. Pabiro namang sabi ng isa pang tindero, dahil madali namang makakahanap ng mga nakaw na gamit sa palengkeng ito, hindi na rin mali ang pangalang Chor.
Dumadaan ang mga tren ng walong beses sa isang araw sa gitna ng palengke ng Maeklong sa Thailand. Hinahawi ng mga nagtitinda ang kani-kanilang tolda at nililinis ang riles sa tuwing dumadaan ang mga tren. Bagamat pangkaraniwan na ang ganitong eksena sa mga taga-roon, kakaiba naman ang tingin ng mga turistang dumarayo sa lugar upang mapanood lamang ang kalakaran dito.