Japanese superfood: Hindi man nakagagamot sa COVID-19, pampahaba naman ng buhay

natto over rice with miso soup

“納豆ごはん” (Nattō sa ibabaw ng kanin) ng Flickr user na si Masafumi IwaiCC BY-NC 2.0

Tunghayan ang special coverage ng Global Voices ukol sa pandaigdigang epekto ng COVID-19.

Sa gitna ng patuloy na paglaganap ng COVID-19 pandemic, mas lalong naging tanyag ang isang kinahihiligang pagkaing Hapones. Katulad ng toilet paperhand sanitizer, at mga medical mask, naglaho sa mga istante ng mga supermarket sa Hapon noong Marso at Abril ang nattō, isang malagkit, mahibla, at, sabi pa nga ng ilan, mabaho na binurong pagkain na gawa sa soybeans na pinaniniwalaang nakapagpapalakas ng immune system. Gayunpaman, sa kabutihang-palad, makagagawa ang kahit sino ng nattō sa kaniyang bahay.

Ang nattō, minsang inihahambing sa keso, ay isang tradisyunal na pagkaing Hapon na gawa sa binurong soybeans na hinaluan ng bacillus subtilis culture o nattō-kin. Kinahiligan dahil sa lasang umami [Note: Ang “umami” ay salitang Hapon na ang ibig sabihin ay “malinamnam.”] nito, ang nattō ay isang tanyag at murang pang-araw-araw na pagkain sa maraming lugar sa Hapon, at kinakain ito sa ibabaw ng kanin o tustadong tinapay, sa mga nirolyong sushi, sa ispagetio kahalo lamang ng mainit na karashi mustard at citrus ponzu na sawsawan.

Sa kalagitnaan ng Marso, napag-alaman ng Nexer, isang kumpanya sa consumer research sa Hapon, na isinama ng halos 40 porsyento ng mga Hapones na sinurvey nila ang mga natatanging pagkain sa kanilang diyeta upang “palakasin ang kanilang mga immune system” (免疫力を高める). Bagaman mga tanyag na pagkain sa survey ang bawang at luya, nanguna sa listahan ang mga binurong pagkaing gaya ng yogurt at nattō.

Noong Marso rin kumalat sa social media ang mga tsismis na pinipigilan umano ng nattō ang COVID-19. Nagsimula ang mga tsismis na ito dahil higit sa lahat, sa mga prefecture na nakaugalian nang nauugnay sa nattō, gaya ng Ibaraki at Iwate, medyo mababa ang mga rate ng impeksyon ng COVID-19. Habang nagsimulang mag-hoard ng nattō ang mga mamimili, naglabas ng patalastas ang Consumer Affairs Agency ng Hapon na binabasura ang ideya na pumoprotekta laban sa COVID-19 ang naturang pagkain.

Sa bandang huli ng Abril, may mga kakulangan pa rin ng nattō sa Japan, at nagsimulang makilala sa media ang naturang pagkain bilang isa lamang sa iba't ibang pekeng “lunas” sa COVID-19 kung saan kabilang din ang “wood creosote” (正露丸, seirogan), itim na tsaa, bawang, at cocaine.

Nattō, konektado sa mahabang buhay sa Hapon

Gayunpaman, bagaman tiyak na hindi makatutulong magtanggol laban sa COVID-19 ang nattō, maaaring may kaugnayan sa mahabang buhay ang binurong “superfood,” ayon sa dalawang pag-aaral na ginawa kamakailan sa Hapon. Sa isang pag-aaral, kung saan sinubaybayan ang mga eating habit at mga health outcome ng halos 29,000 katao sa lungsod ng Takayama mula 1992 hanggang 2008, nagkaroon ng 25 porsyento na mas mababang panganib na mamamatay mula sa sakit sa puso ang mga lumahok na umubos ng isang pakete ng nattō kahit isang beses bawat linggo kaysa sa mga nag-ulat na bihirang kumain nito.

natto strings

Malagkit at mahiblang nattō, handa nang ihain. Litratong kuha ni Nevin Thompson.

Napag-alaman sa isa pang pag-aaral ng humigit-kumulang 90,000 na mga nasa katanghaliang-gulang at matatanda na isinagawa sa loob ng mahigit 15 taon ng National Cancer Center ng Hapon na ang pagkonsumo ng binurong pagkain na gawa sa soy, lalo na ang nattō, ay may kaugnayan—kung hindi man direktang konektado sa—mas mababang panganib ng pagkamatay mula sa sakit sa puso at kanser.

Bagaman hindi napatunayan ang koneksyon sa pagitan ng pagkonsumo ng nattō at mahabang buhay, may isang teorya kung saan naipakita na ang nattokinase, isang ensaym na matatagpuan sa mga malalagkit na hibla ng nattō, ay nakatatanggal ng mga blood clot at makatutulong na mapagaan ang sakit sa puso.

‘Nagdadala ng kalasingan, kasiyahan, at kalayaan ang pagbuburo’

Sa kabila ng hindi maitatangging umami [Note: malinamnam] nitong lasa o ang reputasyon nito bilang isang superfood, nawawalan ng gana ang ilang tao dahil sa natatanging nutty aroma at malagkit sa panlasa ng nattō. Kadalasang mas tanyag ang nattō sa Tokyo at sa iba't ibang panig ng silangang Hapon kaysa sa ibang bahagi ng bansa.

natto starter

Shortcut sa pagbuburo na gamit ang nattō sa pakete kapag gagawa ng nattō sa bahay. Litratong kuha ni Nevin Thompson.

“Hindi rin ako mahilig sa nattō noong una,” saad ng mamamahayag, manunulat, at litratista na si John Ashburne sa isang panayam ng Global Voices. “Saka ko lamang sinimulang magustuhan ito nang lutuin ito ni Sasha (isang chef at asawa ni Ashburne) kasama ng hilaw na itlog ng pugo at hiniwang mga scallion–parehong nagsilbing pantanggal kahit kaunti ng masamang amoy.”

Si Ashburn na matagal nang naninirahan sa Kyoto at naglalarawan sa sarili bilang maglilinang at forager ng kabute ay isang kilalang manunulat tungkol sa pagkaing Hapones na sumulat ng isang Lonely Planet guidebook tungkol sa naturang paksa.

Gumagawa rin si Ashburne ng sarili niyang nattō sa bahay.

“Nagdadala ng kalasingan, kasiyahan, at kalayaan ang pagbuburo. Makatatakas ka mula sa magaspang na gawi ng industriya ng pagkain sa pamamagitan ng paggawa ng sarili mong nattō,” pahayag ni Ashburne. “May pahiwatig ng paglikha ng isang bagay na natatangi, pansarili, at isang bagay na halos imposibleng ma-kopya nang tiyak sa ikalawang pagkakataon. Gustuhin ko man, sa tingin ko ay hindi magiging eksaktong magkatulad ang nattō ko sa tuwina.”

Sabi ni Ashburne, gusto niyang gumamit ng iba-ibang uri ng beans at proseso⁠—minsan ay ini-steam ang beans, minsan ay pinakukuluan ang mga ito, o kaya minsan ay inihahanda ang mga ito sa mababang temperatura na may kasamang konbu, madalas na wala.

“Tila may pagkapilyo ang mga mikroorganismo na may kani-kaniyang mikroskopikong isip. Ang pagbuburo sa hindi pang-industriyang sukat ay parang alkimya sa halip na pagluluto,” saad ni Ashburne.

Paano gumawa ng nattō sa bahay

Sa labas ng Hapon at ibang mga bansa kung saan tanyag din ang nattō, mahirap itong hanapin sa mga supermarket. Gayunpaman, gamit ang tamang mga sangkap at kagamitan sa pagluluto, magagawa ang nattō sa bahay.

Gamit ang isang paraan ng pagluluto sa mababang temperatura, maaaring lutuin ang nattō sa oven gamit ang mga isterilisadong garapon na gawa sa salamin o kahit mga plastik na lalagyan. Ang pinakamadaling paraan sa paggawa ng nattō ay ang paggamit ng Instant Pot o pressure cooker. Isang pangunahing hamon ay paghahanap ng nattō starter spores na naglalaman ng nattō-kin na kakailanganin sa pagbuburo. Isang shortcut ay ang paggamit ng nattō na nasa pakete bilang panimula para sa mas malaking batch.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.