Matapos ang paghahayag ng Batas para sa mga menor de edad noong Mayo 18, 2015, nai-angat ng Trinidad at Tobago ang edad na naghihintulot sa seksuwal na gawain sa edad na 18, na noon ay 16. Ngunit, balintuna nga, dahil ang Batas para sa pagpapakasal ng 1923 ay nasusulat pa rin sa mga libro, ang pinaka-batang legal na edad para sa pagpapakasal ay 12 taong gulang pa rin para sa mga kababaihan at 14 taong gulang para sa mga kalalakihan, kapag mayroong pahintulot mula sa mga magulang.
Ang isyu ay nag-dulot ng malaking gulo noong Mayo 2016. Ito ay matapos na ihayag ni Brother Harrypersad Maharaj, lider ng Inter-Religious Organisation (IRO) — na siyang mga miyembro ay kumakatawan sa iba't-ibang relihiyosong grupo ng bansa — na hindi dapat baguhin ng gobyerno ang Batas patungkol sa pagpapakasal dahil “hindi naaayon sa edad ang pagkamaygulang ng isang tao”.
Bagamat ang gawaing ito ay patuloy paring sinusuportahan ng ilang miyembro ng mga relihiyon na Hindu, Muslim at Orisha sa Trinidad at Tobago, ang pagdiin ng mga mamamayan na baguhin ang batas ay labis na nakatulong sa situwasyon. Ang gobyerno, na nangakong muling susuriin ang situwasyon, ay tinupad ang nauna na nitong ipinangako. Noong Enero 10, 2016, ang attorney general ng bansa, Faris Al Rawi, ay inihayag ang Panukalang batas ng Sari-saring Panustos sa Pagpapakasal sa senado ng bansa. Ang panukalang batas ay naghahangad na maging parehas ang edad ng pagpapakasal sa bagong edad na naghihintulot sa seksuwal na gawain at “para protektahan ang opinyon ng mga bata”. Ayon sa mga sagot sa social media, ang aksyon na ito ay tanggap ng marami — at matagal nang hinihintay.
Ngunit, tila ang oposisyon ng bansa, na binubuo ng ilang tagasunod ng mga relihiyong nagpapahintulot ng pagpapakasal sa mga bata, ay hindi suportado ang panukalang batas. Ang kontribusyon galing sa mga partida ng oposisyon na pinaka-nakakuha ng pansin ay nanggaling sa pansamantalang senador na si Dr. Waffie Mohammed. Ang isang pansamantalang senador ay naatasan na gampanan ang tungkulin ng mga senador na nagliban sa opisina alinsunod ang kahit anong rason, kahit na si Mohammed ay naatasan diumano na gampanan ang tungkulin ng isang senador sa loob lamang ng isang araw ng debate sa pambatasan, upang diumano kontrahin ang pagbabago ng batas. Inilahad niya ang mga sumusunod:
Kaya naman maiintindihan natin ang importansya ng batas na ito, dahil ang edad ng pagdadalaga o pagbibinata ay naaayon sa klima ng iba't-ibang lugar. Kung inilathala natin, kagaya ng United Nations, 18 gulang, o kahit ano paman, mag-iiba parin ito ayon sa pamantayan ng disisyon.
Ang pahayag na ito ang nag-udyok sa peryodista at taga-gamit ng Facebook na si Vernon O'Reilly Ramesar na ihayag ang kaniyag dismaya sa isang bidyo patungkol sa isyu:
Minsan kapag nanunuod ako ng Parliament Channel, gusto ko'ng iuntog ang ulo ko ng paulit-ulit sa pader. May mga tao na nagsasabi na dapat na payagang magpakasal ang mga batang babae kapag sila ay halos nagdadalaga na … dahil sa klima.
Idinagdag pa ni senador Mohammed na walang pinagbago ang Quran at ang ano mang pagbabago sa batas tungkol sa pagpapakasal ay “isang pagmamalupit sa mga Muslim”, isang pahayag na binira ni Ramesar:
Ito kasi ang hindi nila naiintidihan eh, hindi nila ikakamatay kung mag-iintay sila na ang dalawang partido ay parehas nang 18 taong gulang at isa pa, maari nitong maisalba ang buhay ng isang batang babae. Walang nais na pagmalupitan ang mga isinusulong na pagbabago sa batas. Kung nais ninyong pag-usapan ang pagmamalupit, sa Trinidad at Tobago ang pinaka-mababang edad para sa pagpapakasal ng mga magkapareho ng kasarian (o kahit unyon sibil lamang) ay wala (hindi ito maari).
Ang sikat na pam-politika at isport na website, Wired868, ay inakusahan ang ilan sa mga lider ng mga relihiyon sa bansa ng pagkakaroon ng “masamang intensiyon para sa ating mga anak”, inilahad pa niya na:
Ang Quran, para sa mga hindi sumasampalataya na bumabasa ng artikulong ito, ay pinaniniwalaang isinulat 1,385 taong nang nakakaraan. At, alam natin na ang opinyon ng publiko sa iba't-ibang isyu — mula sa pag-aasawa ng magkaibang lahi, homoseksuwalidad, pagpapalaglag, pag-init ng globo at sinturong pangkaligtasans—ay palaging nagbabago ayon sa panahon, impormasyon at kultura.
Matapos mapakinggan ang pananaw ng mga tagasalungat, nag-biro ang tagagamit ng Facebook at pampolitikang komentarista na si Rhoda Bharath:
Matapos ang dalawampung taon na pagkikipagpulong kasama ang mga parokyano sa napakaraming okasyon, ang Team Paedophilia (Kupunan ng mga pedopilya) alyas ang mga Tagasalungat ay nagnanais ng isang Joint Select Committee (Piling Komite) para pag-usapan ang kanilang karapatan na makipag-talik sa mga 12 taong gulang.
#EndChildMarriage (#TapusinAngPagpapakasalSaMgaBata)
Binatikos ni Bharath at Ramesar ang pag-aalangan ng mga Tagasalungat patungkol sa isyu. Noong nakaraang taon, sinabi ng lider ng mga Tagasalungat na si Kamla Persad-Bissessar “Malinaw ang aming paninindigan na [ang Pagaasawa ng mga Bata] hindi dapat ito pahintulutan ng batas; hindi dapat ito iturin na tama o kaayaaya ng publiko at hindi dapat ito magpatuloy dahil lamang nakaugalian na o dahil sa kahit ano pa mang situwasyon” — salungat sa nauna nang pahayag ni Senador Mohammed.
Nag-komenta ang peryodista at tagagamit ng Facebook na si Wesley Gibbings na:
May mga politiko, klero at partisan hacks (mga politikong miyembro ng isang partidong politikal na naglalayon na manalo lamang at hindi ang matulungan ang sambayanan) sa bansa ko na naniniwala na katanggap-tanggap ang ipakasal ang isang bata. Dapat siguro ay nakaharap nila ang doktor na taga Yemen na isang beses kong nakausap kung saan isinalaysay niya kung ano ang nangyayari sa katawan ng isang 12-13 taong gulang na batang babae sa kaniyang ‘pulot-gata’, na laging nagtatapos sa ospital. Hindi ito tungkol sa pamantayan ng kultura, sa halip ito ay tungkol sa malupit na ugaling pang kriminal.
Ang mga Netizens (mga taong gumagamit ng Internet) ay labis na binatikos ang isyu. Sinabi ng tagagamit ng Facebook na si Steven Mawer na:
Habang ang isang senador ay nakalakip ng maraming suporta online sa pag-tawag sa gawaing ito bilang “Abuso sa mga bata”, iba't-ibang opinyon ang makikita sa pampublikong grupo na Trinidad and Tobago Muslims Chat Group sa Facebook. Isa sa mga nag-komento ay ” hindi naniniwala na ang isang babae ay dapat na 18 taong gulang upang masabing ito ay handa na para magpakasal”, samantala isa sa mga miyembro ng grupo ang nagsabi “mas maigi na magpatupad ng hadlang sa agwat ng edad sa kasalukuyang batas sa kasal para malutasan ang isyu ng pedopilya.” Iminungkahe ni Irshaad Ali na salungat ang pamantayan ng sistema:
Nabubuhay tayo sa panahon na pinahihintulutan ng lipunan ang mga gawain na hindi katanggap-tanggap ngunit ipinag-babawal ang mga gawain na ang Maykapal na mismo ang nagpapa-hintulot, halimbawa, mas pinipili ng mga magulang o tagapangalaga na hayaan ang mga kabataan na gawin ang ano mang kanilang gustuhin kagaya ng pakikipagtalik at pag-inom ng alak, pagsasaya, pagpapakita ng kanilang katawan, ngunit ang ipakasal sila upang mapigilan sa mga gawaing katulad nito ay mali, ang baluktot naman ng lipunan natin
Sa labas ng nasabing grupo [sa Facebook], marami ang nagpahayag ng kani-kanilang negatibong opinyon sa katwiran na ito. Ang blog na What's the Idea? (Ano ang ideya?) ay nagsabi na katumbas ng pagpapakasal ng mga bata ang pang-aabuso sa bata:
Ang pagpapakasal sa bata ay labis na naaapektuhan ang mga batang babae at isa ito sa patuloy na nagpapalakas sa patriarka na sama-sama nating pinipilit alisin. Sinisigurado [ng batas] nito ang legal na pag-angkin ng mga kalalakihan sa katawan ng mga batang babae sa panahong wala silang kakayahan para mag-bigay ng may-kabatirang pag-sangyon na siyang kinikilala ng batas tungkol sa kahalayan sa buong mundo.
Sa bansang ito, mula 1996 hanggang ngayon, 97% ang mga babae sa mga kasalan na naganap kung saan mayroong bata ang ikinasal. Ang mga batang babae na ito ay maaaring kasimbata ng 12 taong gulang lamang, kagaya noong 2008. At kung ang balitang ito ay hindi pa kapangi-pangilabot, ang mga datos na ibinahagi ng AG ay naglalathala na ang mga lalaki na ‘pinakasalan’ ang mga batang babae ay kasing tanda ng 52 taong gulang. Ang pagpapakasal sa mga batang babae ay isang abuso o seksuwal na imoralidad. Ginagawa ng batas na ito na angkop ang isang gawain na sa totoo lamang ay isang seksuwal na pang-aabuso sa mga bata. Bakit hindi ito magiging isang tipo ng pang-aabuso sa mga bata?
Kahit na kailangan ng gobyerno ng mga botong hindi sangayon dito para mai-pasa ang panukalang batas, inaasahan ng marami na ito ay maipapasa.