Pinaigting ng The New York Times ang kritisismo laban sa patakarang panlabas ng U.S. hinggil sa Cuba sa pamamagitan ng serye ng mga editoryal na nalathala mula Oktubre 11.
Inilarawan ng makapangyarihang pahayagan ang kalagayan ng relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Cuba na “nakadidismaya,” at nanawagan kay Pangulong Barack Obama na “masusing tingnan muli ang Cuba, na ang mayor na pagbabago sa patakaran ay magdudulot ng makabuluhang tagumpay sa patakarang panlabas” para sa kaniyang administrasyon.
Sa editoryal na pinamagatang “A Cuban Brain Drain, Courtesy of the U.S.”, matinding binatikos ang doble-karang pamantayan ng Estados Unidos, na sa isang panig ay pumupuri sa bansang Caribbean sa pagpapadala nito ng mga Cubanong doktor upang gamutin ang mga pasyenteng may Ebola sa Kanlurang Africa, subalit sa kabilang panig naman ay ang pampublikong patakaran na nagpapadali [nanghihikayat] sa mga tauhang medikal na itinalaga sa ibang bansa na bumaligtad.”
Mahigit 1,278 na Cubanong propesyunal sa pangkalusugan na opisyal na gumagampan ng mga tungkulin sa ibang bansa ang nakatanggap ng pahintulot na manirahan sa Estados Unidos sa 2014 bilang bahagi ng programang ito, na siyang nagbibigay “oportunidad na bigwasan ang pinakaubod na kasangkapang diplomatiko ng isla, habang ipinapahiya ang rehimen ni Castro,” ayon sa The New York Times.
Ayon sa pahayagan:
For the first time in more than 50 years, shifting politics in the United States and changing policies in Cuba make it politically feasible to re-establish formal diplomatic relations and dismantle the senseless embargo.
Sa unang pagkakataon sa mahigit 50 taon, ang nagbabagong pulitika sa Estados Unidos at ang mga pagbabago ng patakaran sa Cuba ay maaaring magtulak sa muling pagbubuo ng pormal na diplomatikong relasyon at pagbaklas sa walang saysay na embargo.
Isang sarbey ng 2,000 mamamayan ng U.S. ang inilathala noong Pebrero 2014 ng Atlantic Council, isang think-tank sa relasyong internasyunal, ang nagpapakita na mayorya ng mga Amerikano ay handa na sa pagbabago ng patakaran higgil sa Cuba, kabilang na rito ang mga naninirahan sa estado ng Florida, na may layong 100 milya (160 kilometro) mula sa isla at tahanan ng pinakamalaking populasyon ng mga Cubano sa labas ng Cuba. “Ito ay isang mahalagang pagbabago mula sa nakaraan,” sabi sa ulat. “Dati-rati'y hindi mapaamo ang Cuba sapagkat hindi rin mapaamo ang Florida. Binibigyang katwiran ng sarbey na hindi na ito totoo ngayon.”
Limampu't anim na porsiyento ng mga Amerikano at mahigit 60 porsiyento ng taga-Florida ang pabor sa pagbabago ng patakaran hinggil sa Cuba, batay sa sarbey. Habang ang suporta sa pagbabago ng patakaran ay mas karaniwan sa mga Democrats at Independents, mayorya naman ng mga Republicans ang nagtataguyod sa normalisasyon ng relasyon.
Sa harap ng ganitong opinyon ng publiko, nagmungkahi ang The New York Times na “kailangan nang tanggalin ng administrasyong Obama ang Cuba sa listahan ng Kagawaran sa Estado patungkol sa mga bansang tumatangkilik sa mga teroristang organisasyon.” Noon pang 1982 napabilang ang Cuba sa listahan dulot na rin ng pagsuporta nito sa mga rebeldeng kilusan sa Latin Amerika, isang pag-uugnay na hindi na umiiral ngayon. “Kinikilala ng mga Amerikanong opisyal ang mabuting papel na ginagampanan ng Havana sa sigalot sa Columbia bilang tagapamatnugot ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga pinunong gerilya,” ayon sa pahayagan.
Dagdag pa, nanawagan din ang pahayagan na tapusin na ang embargo, ibalik muli ang relasyong diplomatiko, suportahan ang mga kompanyang interesado sa sektor ng telekomunikasyon sa Cuba, ipagpalit ang Amerikanong kontratista na si Alan Gross sa tatlong espiyang Cubano na nakakulong sa Estados Unidos ng mahigit 16 na taon, ang pagtigil ng mga proyektong patago na pinopondohan ng USAID upang patalsikin ang gobyerno, at paghahanap ng “paraan na mabigyang kapangyarihan ang mga ordinaryong Cubano sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga programang mag-aral sa ibang bayan, palitang propesyunal at pamumuhunan sa mga maliliit na negosyong umuusbong sa isla.”
Isang posibleng tunguhin ay maaaring mangyari sa ikapitong Summit of the Americas, pagpupulong ito ng matataas na pinuno sa Hilagang Amerika, Sentral Amerika, Caribbean, at Timog Amerika. Matapos patalsikin noong 1962, inimbitang muli ang Cuba na makibahagi sa pulong, na nakatakda sa Abril 2015 sa Panama, isang hakbang ito na tinagurian [es] ng Pangalawang Pangulo at Tsanselor ng Panama na si Isabel de Saint Malo na umaayon sa “posisyon ng Panama hinggil sa pagtataguyod ng dayalogo at konsensus sa larangan ng patakarang panlabas ng bansa.”
“Asiwa ang administrasyong Obama sa pagdalo ng Cuba sa pulong at hindi pa nagpasiya si G. Obama kung dadalo siya,” sabi ng The New York Times. “Dapat siyang dumalo — at kailangang tingnan niya ito bilang isang oportunidad na makagawa ng kasaysayan.”