Parating na ang Netflix sa Cuba — Ngunit May Kostumer Kaya?

Yara Cinema in downtown Havana. Photo by Sandino235 via Wikimedia (CC BY-SA 2.5)

Yara Cinema in downtown Havana. Photo by Sandino235 via Wikimedia (CC BY-SA 2.5)

Inanunsyo ng Netflix noong ika-9 ng Pebrero na “makaka-subscribe na sa Netflix at agarang makakapanood na ng mga popular na piling palabas sa sine at TV ang mga tao sa Cuba na may koneksyon sa Internet at may access sa mga internasyonal na paraan ng pagbayad.”  Tila hindi alam ng kompanya na hindi ganoon kalakas ang koneksyon ng Internet ng mga  naturang Cubano na may access dito upang makapanood sila ng mga online video. Wala rin silang mga credit o debit card na pambayad sa serbisyo.

Ang kinakailangang bilis ng koneksyon na broadband para mapanood ang mga palabas na sine at TV sa Netflix ay 0.5 megabits bawat segundo at ang rekomendadong bilis ng koneksyon ay 1.5 megabits bawat segundo. Ang Unibersidad ng Havana, halimbawa, ay nagsisiwalat ng 18 megabits bawat segundo sa mahigit na 6,000 estudyante araw-araw. Sinabi sa Global Voices ni Yudivián Almeida, isang propesor sa Kagawaran ng Matematika at Mga Agham ng Computer, na “posibleng makapanood ng Netflix pagkalagpas ng ika-6 ng gabi, kapag ang karamihan ng mga estudyante ay wala na sa campus.”

Napamamahalaan ng karamihan sa mga kolehiyo sa Cuba ang access sa Internet ng mga estudyante at propesor nila sa pamamagitan ng paglilimita ng oras ng mga ito sa online, o ng dami ng impormasiyon na naida-download nila. Halimbawa, ang isang propesor ay makaka-download lang ng 80 MB ng data sa isang buwan. Sa kabila ng lahat ng benipisyong pang-Internet na naibibigay sa antas na pang-unibersidad, mahirap pa rin isipin na sinumang nasa ganitong posisyon ay manonood ng kalahati lang ng isang yugto ng isang TV serye minsan sa isang buwan.

Ang pinakahuling statistics na inilabas ng PambansangTanggapan ng Statistics at Impormasiyon,  na para sa taong 2013, ay nagpapakita na 26 porsyento lang ng populasyon ng Cuba ang may access sa serbisyong pang-Internet o network sa kabahayan,  na siyang nagdudulot ng serbisyong e-mail at paggamit ng mga website na nakabase sa bansa. Ito ay isa sa mga pinakamababang rate sa Latino Amerika at sa Carribean. Iniuulat din ng survey na ito na sa bawat 1,000 na naninirahan sa bansa, 90 lang ang may computer.

Ang patakaran ng pag-access sa Internet sa Cuba ay nagpapahintulot ng libreng paggamit sa mga unibersidad at sentro ng pananaliksik, ngunit nililimitahan nito ang paggamit ng mga indibiduwal sa mga lugar na may access na pampubliko dahil sa mga napakamahal na presyo, kung ikukumpara sa karaniwang sahod ng mga mamamayan.  Ang isang oras ng Internet browsing ay nagkakahalaga ng US $4.50 at US 60 cents kung ito ay lokal lang na nabigasyon. Kulang sa isang porsyento ng mga lokal na naninirahan ang may koneksyon sa Internet sa mga bahay nila, at halos walang may malakas na koneksyon para sumuporta sa dumadaloy na video files o sa pag-download ng mga ito.

Para magamit ang mga serbisyo ng Netflix, kailangan ng mga subscriber na Cubano ang access sa tinatawag ng kompanyang “international payment methods” o mga internasyonal na paraan ng pagbayad. Ngunit karamihan sa mga Cubano ay walang credit o debit card at hindi rin sila makagamit ng Paypal. Nitong nakaraang Disyembre, pinangako ng Pangulo ng US na si Barack Obama na di-magtatagal at ang mga US citizen na nasa Cuba ay makakagamit na ng mga credit card na nakabase sa US, bilang bahagi ng bagong relasyon ng dalawang bansa.  Ngunit walang palatandaang nakikita na ito ay mangyayari rin para sa mga Cubano sa nalalapit na panahon.

Ayon sa isa sa mga tagapagtatag at CEO ng Netflix na si Reed Hastings, “Natutuwa kaming maidulot ang Netflix sa mga tao sa Cuba sa wakas, at maikonekta sila sa mga kuwentong magugustuhan nila na mula sa buong mundo.” Ngunit kung mayroon mang maaabot ang Netflix, malamang ito ay ang mga turistang banyaga lang na nasa mga mamahaling hotel ng pulo, na siyang mayroong koneksyon sa Internet na broadband.

Inaasahan din ni Hastings na maihahatid niya ang mga nilikha ng Cuban filmmakers sa higit na 57 milyong pandaigdigang manonood ng Netflix.  Bagama’t ang bahagi ng anunsyong ito ng Netflix ay hindi gaanong binigyang-pansin ng media, maaaring  ito ang pinakamakatotohanan (at pinakakapuri-puring) layunin ng kompanyang ito para sa Cuba sa ngayon.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.