See all those languages up there? We translate Global Voices stories to make the world's citizen media available to everyone.

Learn more about Lingua Translation  »

Uganda: Nodding Disease, Hadlang sa Kinabukasan ng mga Kabataan

[Lahat ng link sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles.]

Ang nodding disease ay isang sakit na nakakapinsala sa utak at katawan ng mga batang may edad 1 hanggang 10 taong gulang. Matatagpuan ang karamdamang ito sa ilang bahagi ng Timog Sudan, Tanzania at hilagang Uganda.

Sa kasalukuyan walang gamot ang naturang karamdaman at hindi pa rin malaman ang pinanggalingan nito. Kamakailan may ilang matatanda na rin ang nagpapakita ng mga sintomas nito. Ang mga apektadong lugar ay matatagpuan sa may bandang hilaga ng bansang Uganda. Isang malaking balakid sa pagiging produktibo ang nasabing karamdaman para sa mga kabataan, dahil hindi magawang humawak ng kutsilyo ng mga kababaihan para makapagluto, at hindi naman makahawak ng araro ang mga kalalakihan para makapagtanim.

Halimbawa, ang 18 taong gulang na binata ay mistulang 3 taong gulang na bata, at kinakailangan pa itong akayin upang hindi malamigan ang kanyang katawan. Ang mga maagang senyales at sintomas ng sakit na ito ay ang walang tigil na pagtango ng ulo, at ang kawalang-kakayahang kumain at uminom. Sa kinalaunan, mapag-iiwanan ang batang ito sa pangangatawan at sa pag-iisip.

Naisipan ng mamamahayag na si Florence Naluyimba, na taga-Uganda, na imbestigahan ang kalagayang ito at ipaalam ito sa nakakarami. Ayon sa kanya, bagamat pinipilit ng pamahalaan na magpaabot ng mga medisina sa mga biktima sa tulong ng 3 pampublikong sentrong pangkalusugan, karamihan sa kanila ay kinakailangang maglakad o magbisikleta upang makarating sa mga klinika. Hindi naman magawa ng mga may sakit na ipagamot ang sarili, at madalas kailangan pa silang buhatin o isakay sa bisikleta na may layong 30 kilometro.

Madalas nagkakaroon ng pangingisay ang mga biktima at minsan nahuhulog sila sa mga apoy, mga matutulis na bagay o sa mga sapa at ilog, na kanilang ikinamamatay o pinagmumulan ng mga sugat. Maraming bata ang napuputulan ng iba't ibang bahagi ng katawan gaya ng mga daliri dahil sa mga aksidenteng ito. May ilang pagkakataon din na nawawalan sila ng lakas para umiyak.

Balak ng Center for Disease Control ng Estados Unidos na magsagawa ng aerial spray upang puksain ang mga black flies, na hinihinalang sangkot sa karamdamang ito. Hindi naman malinaw kung may maitutulong ito.
Nagrereklamo naman ang mga taga-Ugandang nakatira sa mga nayon dahil magmula nang mangolekta ang US ng mga sample noong 2010, wala pa silang natatanggap na impormasyon hanggang sa ngayon kung ano ang sanhi at kung may gamot ba dito.

Narito ang ilang mga larawan at mga bidyo sa YouTube tungkol sa sakit na ito.

Ang maagang senyales at sintomas ng nodding disease.
Litrato mula sa ugandaradionetwork.com

Nagtamo ng sugat ang batang ito matapos mahulog sa baga dahil sa pangingisay
Litrato mula sa 256news.com

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.