[Lahat ng link sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles.]
Ang ulat na ito ay bahagi ng aming espesyal na pagtalakay sa Halalan sa Egypt 2011/2012.
Noong ika-16 ng Hunyo, idinaos ng mga mamamayan ng Egypt ang pangalawang salang ng botohan sa pagkapangulo, sa kabila ng mga hakbang ng Supreme Council for the Armed Forces (SCAF) na manatili sa kapangyarihan. Matapos buwagin ang Parliyamento at tuluyang napasakamay sa SCAF ang pamumuno sa bansa batay sa idineklarang Bagong Saligang-Batas, naging mahirap para sa karamihan ang magdesisyon sa pagitan ng dalawang magkatunggali sa pagkapangulo: si Mohamed Morsi na kandidato ng partidong Muslim Brotherhood na o si Ahmed Shafiq na nagsilbing Punong Ministro sa rehimeng Mubarak.
Sa katunayan, tila hindi kumbinsido ang mga taga-Egypt sa dalawang kandidato, marahil dahil nakakabit pa rin sa rehimeng Mubarak ang unang kandidato, samantalang isang taksil sa rebolusyon ang turing sa pangalawa.
Ang mga sumusunod ay mga litratong kuha sa mismong araw ng eleksyon na ini-upload ng mga netizen sa mga social networking site:
Mga kabataan sa Egypt tangan ang mga paskil na nagsasabing "Ako ay Kristiyano at hindi ko iboboto si Shafik". Litrato mula kay Khaled Mohammed (Facebook)
Hawak ng batang paslit ang isang paskil para kay Shafik. Litrato mula kay Jonathan Rashad (Flickr, CC BY-NC-SA 2.0)
Mga mamamayan sa Egypt, ibinandera ang dalawang magkatunggali na sila Morsi at Shafik. Litrato mula kay Jonathan Rashad (Flickr, CC BY-NC-SA 2.0)
Matandang botante, ipinagmalaki ang kanyang daliring minarkahan ng tinta matapos bumoto. Litrato mula kay Jonathan Rashad (Flickr, CC BY-NC-SA 2.0)
Inipon naman ng Egyptian na si @TheMiinz ang mga litrato ng mga balotang pinawalang-bisa na may halong biro at katatawanan:
Nais ng botanteng ito na iboto ang bellydancer na si Hayatem kaysa sa dalawang kandidato. Litrato mula kay @Shaheeeer (Twitter)
Pinili ng isang ito na hindi bumoto at sa halip ay ginamit ang balota upang sabihin ang "Mahal kita Sara". Litrato mula kay @Qoutb (Twitter)
Pinili ng botanteng ito si Batman kaysa kina Morsi o Shafik. Litrato mula kay @Wessam_S (yfrog)
Ilan naman sa mga kinanselang balota ay may pasaring sa pulitika:
Pinawalang-bisa ang balotang ito na may mensaheng "Paumanhin, ngunit may kirot ang tawag ng konsensiya". Litrato mula kay @YoussraSelim (Twitter)
Bilang pagkilala sa sentimiyento ng karamihan tungkol sa eleksyon, pinawalang-bisa ang botong ito na may nakasulat na "Hindi ako pipili ng mamamatay-tao o ng isang traydor. Ibagsak ang pamunuang militar, ipagbunyi ang mga martir". Litrato mula kay Mobteloon (Facebook)
Hindi na isinama sa bilang ang botong ito na may "Void" na nakadikit. Litrato mula kay @Amiralx (Twitpic)
Pangungutya kung iisipin ang balotang ito na nagsasabing "Parehong magaling ang dalawa, wala akong mapili. Salamat, SCAF". Litrato mula kay Mobteloon (Facebook)
Ang ulat na ito ay bahagi ng aming espesyal na pagtalakay sa Halalan sa Egypt 2011/2012.