[Lahat ng link sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles.]
Ipinagmamalaki naming ihandog ang “Blogging Positively“, isang koleksyon ng mga panayam at mga mahuhusay na halimbawa ng citizen media patungkol sa HIV/AIDS. Makikilala niyo rito ang ilan sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng mga samahan ng HIV-positive bloggers, pati na ang mga proyektong citizen media na nagsisikap ipalaganap ang kamalayan tungkol sa dumadaming bilang ng mga nagkakaroon nito. Laman ng nasabing manwal ang gabay para sa mga guro at para sa mga nagsasagawa ng pagsasanay, at ilang magagandang sanggunian para sa mga nais magsimula ng kani-kanilang blog.
Nagsimula ang proyektong Blogging Positively noong 2007 nang simulan ng blogger na si Serina Kalande mula Kenya ang isang pangkat na tatalakay sa papel ng citizen media sa HIV/AIDS. Karamihan sa mga proyektong iminumungkahi sa Rising Voices ay tungkol sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa pandemic. Mula sa mga mungkahing natatanggap namin – at sa mga inisiyatibong citizen media sa panahon ngayon – inalam namin kung paano magagamit ang makabagong media upang iangat ang kamalayan ng lipunan at isulong ang pagtalakay sa mga isyu ng HIV/AIDS. Inalam din namin ang mga panganib at balakid na kinakaharap ng mga blogger na HIV-positive at ng mga blogger na nagsusulat tungkol sa HIV/AIDS.
Idinaos ang tatlong online chat sa internet kung saan nagsama-sama ang mga mamamayan mula sa iba't ibang panig ng mundo, mula sa samu't saring larangan at propesyon. Kasabay ng paglikha ng naturang manwal, nilikha rin ang isang mapa at talaan ng mga HIV-positive blogger na buong tapang na hinaharap ang diskriminasyon at stigma upang malaman ng buong mundo ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon.
Sa pagdiriwang ng paglalathala ng manwal ng Blogging Positively, na gumugol ng dalawang taon, kasabay na inilunsad ang kampanya upang madagdagan ang nilalalaman ng nasabing mapa. Kung ikaw ay positibong blogger, o may mga nais idagdag sa aming talaan, magpadala lang ng mensahe kay Juhie Bhatia, ang Global Voices Public Health Editor .
Ang gabay na Blogging Positively ay sinulat ni Janet Feldman mula sa Kenya AIDS Intervention Prevention Project Group at ActAlive, isang pangkat na isinusulong ang paggamit ng sining at midya bilang tugon sa HIV/AIDS at sa iba pang hamon sa kaunlaran. May kontribusyon din sila Solana Larsen, Sahar Romani, at Juhie Bhatia. Si Daudi Were ang nagmungkahi ng katagang “Blogging Positively.”
Ang halaga ng lathalaing ito ay nakasalalay sa sama-sama nating paggawa upang maipaabot ito sa lahat ng blogger at mga nagsusulong sa isyu, bilang suporta sa kanilang mahalagang ambag sa pandaigdigang talakayan. Ito ang patuloy na misyon ng Global Voices. Hinihiling namin na ibahagi ninyo ang proyektong ito sa inyong mga kaibigan at i-blog ang tungkol dito. Maaari niyo ring ipaalam ito sa mga grupong nagsusulong at tumutulong sa usaping HIV/AIDS sa inyong lugar.
Panghuli, bilang bahagi ng espeyal na diskurso ng Conversations for a Better World, narito ang aming ulat tungkol sa mga blog na tumatalakay sa HIV/AIDS, mula Aprika, Tsina, Cambodia, at Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.