Ang nakapagpapagaling na pag-ibig sa pagitan ng kababaihang katutubo

Si CC ang nakatayo at si Castro ang nakaupo, parehong nakasuot ng tradisyonal na damit sa kanilang kultura. Ang larawan ay libreng ibinahagi ng mga nakapanayam.

Ang artikulong ito ay isinulat ni Tatiana Suarez Patiño para sa Muy Waso, at muling inilathala sa Global Voices sa ilalim ng isang kasunduan sa pakikipagsosyo sa media.

Ang pag-ibig ay nasa mga detalye, at walang sinumang makakapagkumbinsi sa akin na ito ay mali. Iyan ang dahilan kung bakit nabighani ako sa sining, dahil puno ito ng mga detalye na sumasalamin sa buo at walang hanggang dedikasyon ng artista.

Kung pag-uusapan natin ang tungkol sa plastic arts, ang detalyeng iyon ay maaaring ang maliit na liwanag sa loob ng balintataw ng isang mata na nagiging isang nagmamasid na subject, o sa banayad na paraan kung saan ang dilaw na pintura ay nagiging araw sa kalagitnaan ng hapon.

Ginugol ko ang mga taon ng aking buhay sa paghahanap ng mga ganitong senyales na nagpapakita ng pag-ibig, at hindi sa pagmamayabang, itinuturing ko ang aking sarili na dalubhasa sa paghahanap ng mga ito. Hindi ko lang sila nakikita, nararamdaman ko rin sila.

Iyan ang dahilan kaya noong unang beses kong makitang magkasama sina Castro at CC,  nakita ko ang pag-ibig na nagmumula sa mga detalye, at dahil sa mahikang iyon, naramdaman ko ang pagnanais na humiling sa kanila ng isang panayam para maisulat ang kuwentong ibabahagi ko sa inyo sa ibaba.

Si Castro (sa kaliwa) at CC (sa kanan). Ang larawan ay libreng ibinahagi ng mga nakapanayam.

Nasa Phoenix, Arizona ako sa U.S. nang makilala ko sila. Doon sila nakatira at doon nila ginagawa ang kanilang pagtutol. Nakilala ko sila sa Cahokia, isang adhikain na pinamumunuan ng mga Katutubong Amerikanong kababaihan, na kumikilos para makabuo ng mga sustainable na ekonomiya sa pamamagitan ng paglikha ng mga masining na proyekto na nagsusulong ng pagkamalikhain, pagpapanumbalik ng ancestral memory at pagpapalakas ng Indigenous entrepreneurship.

Castro ang apelyido at palayaw ni Stephanie Guillermina; siya ay 32 taong gulang, ipinanganak sa Queens, New York. Ang mga magulang niya ay mula sa Colombia at Chile at siya ay may lahing Muisca at Mapuche. Ipinakikila niya ang sarili bilang Queer, at isang multidisciplinary artist, event planner, at doula.

Si Stephanie Guillermina Castro habang nagpo-pose kasama ang kanyang likha. Ang larawan ay libreng ibinahagi ng mga nakapanayam.

Si Carrie Sage Curley, mas kilala bilang CC, ay ipinanganak sa sagradong lupain ng San Carlos Apache sa Arizona 34 taon na ang nakalipas, isang lesbiana, multidisciplinary artist, community organizer, at tagapag-ingat ng kultura.

Si Carrie Sage Curley habang nagpo-pose sa tabi ng kanyang likha. Ang larawan ay libreng ibinahagi ng mga nakapanayam.

Noong 2020, nagkita ang dalawa sa debosyon sa Apache Stronghold ceremonial center sa Oak Flat, isang sagradong bundok sa Apache. Noong 2022, pagkatapos makilahok sa isang event na Women of the Desert sa Phoenix, naramdaman nilang hindi dalawa, kundi iisa ang kanilang landas, mula noon ay magkahawak-kamay na silang naglalakad sa parehong direksyon.

Ang lahat ay nakasalalay sa direksyon na iyon. Wala silang relasyon, may layunin silang makapagpagaling: bigyan ng boses ang mga katutubong kababaihan at mapanumbalik ang kanilang karunungan sa pamamagitan ng sining. Hindi madaling pakikibaka ang pagpapanumbalik sa kanilang imahe na binura ng siglo ng kolonisasyon, at isa iyon sa kanilang mga layunin — ang itayo ang kanilang imahe palayo sa mga visual cliché na ipinataw ng nangingibabaw na puting ideolohiya, at ginagawa nila ito sa pamamagitan ng bawat isang mural na kanilang pinipipinta. Ang mga likhang sining nila ay makikita sa mga kalye ng Phoenix, gallery, social space, at sa mga pribadong koleksyon, gamit ang kanilang mga ilaw at anino na naglalarawan ng malakas, malaya, at mga Katutubong kababaihan na may autonomo.

Sa bagay na ito, sinabi ni Castro:

Umaasa akong makakuha ng tunay na representasyon ng aking mga ninuno sa pamamagitan ng mata ng mga espiritu na gumagabay sa akin at sa aking pinsel. Umaasa ako na makapukaw ng koneksyon sa Andes para sa mga nawalan ng tirahan sa pamamagitan ng migrasyon. Sana ay maramdaman ng aking mga kamag-anak at mga nakakakita ng aking sining ang kapangyarihan at liwanag na dumaan sa akin. At na makita nila ang kagandahan at malalim na kahulugan ng karunungan at pagmamahal na dumaan sa maraming henerasyon.

Si CC at Castro sa isang mapayapang protesta para sa mga karapatan ng mga sagradong lupain ng Katutubo. Ang larawan ay libreng ibinahagi ng mga nakapanayam.

Para kay CC,  ang sining niya ang koneksyon sa sarili at sa kanyang pinanggalingan sa pamamagitan ng kultura. Sinisiyasat nito ang kanyang pagkatao. Sinabi niya:

Ginagamit ko ang aking sining bilang sandata para sa mga tao. Masaya akong ipinta ang aking mga kababayan, lalo na ang mga kababaihan. Isang karangalan ang maging Apache. Sino man ang makakita sa aking likha, gusto kong makadama sila ng pagmamahal at pagmamalaki sa sarili.

May tinig ng ninuno na gumagabay sa kanila at nag-uugnay sa nakaraan at kasalukuyan para mabuo ang kinabukasan, at ang mga tinig na iyon ay nagkakaroon ng buhay sa likhang sining, gaya ng ipinaliwanag ni CC:

Tayo ang ang ating mga lola sa tuhod, lola, nanay. Ang angkan ay naipapasa ng henerasyon sa susunod na henerasyon. Ang  koneksyon natin sa lupa ay sa pamamagitan ng ating angkan. Ipinipinta ko ang matatapang na babae ng nakaraan at kasalukuyan. Ang nanay ko ay isang lokal na mananahi na patuloy na pinananatiling buhay ang diwa ng pananamit. Kinukuhaan ko ng larawan ang kanyang mga likha kasama ang aking pamilya at ng mga kababaihan ng komunidad, at iyon ang dahilan kung bakit ako ganito. Nakuha ko ang  lakas ko sa aking kultura at lupain.

Si CC habang nagpipinta ng mural sa kalye ng Phoenix, Arizona, U.S. Ang larawan ay libreng ibinahagi ng mga nakapanayam.

Ang kuwento na pareho nilang binubuo ay lubos na nakapagbibigay-inspirasyon, dahil ito ay kuwento ng pagpapalaya. Ang pagpapalaya sa ating mga katawan at imahe, gaya ng sabi ni Castro:

Sa tingin ko ko ay ninakaw ng kolonisasyon ang senswalidad at koneksyon natin sa ating banal na sekswal na kapangyarihan at enerhiya. Masigasig akong nagtatrabaho para maibalik ang senswal na kamalayan at koneksyon sa aking katawan at sekswal na kapangyarihan. Kung mas malaya tayo bilang indibidwal, mas malaya tayo bilang tao. Ang pagbalik sa ating mga gawi kung saan sinusunod natin ang espiritu at kalikasan. Dahil ang sekswalidad natin ay banal na kalikasan — habang nagpaparami ang mga halaman at puno, gayundin tayo.

Ang rebolusyong sekswal ay isang nakabinbing isyu sa Latin America, at mas lalo pa sa mga Katutubong komunidad; gayunpaman, ang kuwentong ito ng pagbabago at liwanag ay nagpapakita sa atin na posible ang isa pang realidad, kung saan ang mga tradisyon, espirituwalidad, at pagkamalikhain ay hindi salungat sa sekwal na pagkakaiba-iba, ngunit sa halip ay umaakma sa isa't isa at nagiging isa.

Sa bagay na ito, ibinahagi ni CC ang sumusunod na repleksyon para sa lahat ng tao na may panloob na debate sa pagitan ng kanilang sekswalidad at kanilang mga tradisyon:

Dapat mong malaman na walang mali sa iyo. Ibinigay sa iyo ng lumikha sa atin ang espiritung dinadala mo. Alam kong nakakatakot isipin ang  mga sinasabi ng iba kapag naiisip ka pero pakitaan mo sila ng kabaitan at pagmamahal dahil ganyan ka. Kailangan mo ng panalangin, ang mundo, at mga tao para maayos na masuportahan.


Si CC at Castro ay pinagdikit ng isang mapagmahal na yakap. Ang larawan ay libreng ibinahagi ng mga nakapanayam.

Nagpasalamat ako sa kanila para sa mga sandaling nagalak akong kasama sila at nagpasalamat ako sa pagpayag nilang ibahagi ko ang kanilang kuwento. Pakiramdam ko ay isang tungkulin na ibahagi ang buhay ng mga makapangyarihang kaluluwang ito, upang ang puwersang nagbuklod sa kanila ay mapalakas, at makapagbigay-inspirasyon sa iba ang karanasan nila para magkaroon ng mas malayang buhay, malayo sa paniniil ng mapanghusgang sulyap ng mga tumutuligsa sa nakapagpapagaling na pag-ibig sa pagitan ng mga Katutubong kababaihan.

Sa pagtapos kong isulat ang artikulong ito, bumalik sa alaala ko ang unang araw na nakilala ko sila. Tumingin si Castro kay CC at ngumiti sa kanya, at isang buong kalawakan ang lumantad sa silid. Mga planeta, lengguwahe, katahimikan, at ecosystem ang nanirahan doon na walang ibang makakaintindi kundi sila lamang. Kaya naman, muli kong igigiiit ang aking paninindigan: ang pag-ibig ay nasa pinakamaliliit na detalye.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.