Dating Bilanggo sa Guantanamo ay Nanganganib na Mamatay dahil sa kaniyang Hunger Strike para Makasama muli ang Pamilya

jihad02

Jihad Diyab noong panayam sakanya sa Montevideo. YouTube

Buong buhay nang mangangailangan ng panaklay si Jihad Diyab—isang panghabang-buhay na paalala ng mga pasakit na kaniyang tiniis sa loob ng 12 taon, 8 buwan, at 7 araw bilang isang preso sa Guantanamo Bay, kung saan ikinukulong sa loob ng walang takda at nililitis ng militar ng Estados Unidos ang sino mang pinaghihinalaan na isang kriminal ng digmaan.

43-taong gulang sa araw na ito, nagkaroon ng permanenteng sakit sa kaniyang likod si Diyab habang siya ay nasa pangangalaga ng gobyerno ng Estados Unidos. Sa isang panayam sa unang bahagi ng taong ito sa Urugway, sinabi niya sa isang Peryodistang taga-Argentina na nililigalig parin ng Guantanamo ang mga preso na masuwerteng nakalabas na. Yung mga nakalabas, sabi niya, “ay mga preso parin ng Estados Unidos sa kaloob-looban.”

Isa si Diyab sa anim na mga preso sa Guantanamo (apat na Siryano, isang Palestino, at isang Tunisian) na siyang napalaya at sinalubong sa Urugway noong Disyembre 2014, matapos ang isang kasunduan sa pagitan ng Presidente ng Estados Unidos na si Barack Obama at ng Presidente ng Urugway na si José “Pepe” Mujica.

Matapos ang bigo niyang kampanya para makasama muli ang kaniyang pamilya, na tumakas galing Sirya patungo sa Turkiya, nag-deklara si Diyab ng hunger strike noong kalagitnaan ng Agosto. Noong 15 Setyembre, sinisi niya ang gobyerno ng Urugway at Estados Unidos sa nangyari sakanya at sa kaniyang situwasyon.

Mi situación de salud está muy precaria, estoy mal, mi energía está muy baja y yo responsabilizo personalmente al gobierno de EE.UU. y también al de Uruguay si yo muero.

Nanganganib ang aking kalusugan. May sakit ako, wala na akong masyadong lakas, at walang ibang dapat sisihin kundi ang gobyerno ng Estados Unidos at Urugway kung sakali man na ako ay mamatay.

Sa huling bahagi ng Setyembre, matapos makatanggap ng kasiguraduhan na maayos ang situwasyon ng kaniyang pamilya sa Turkiya, nag-simula muli siyang kumain ng mga pagkaing hindi solido.

Ulo ng balita si Diyab nitong Hunyo matapos niyang lisanin ang Urugway patungo sa Brasil. Tinawag siyang “walang utang na loob”, “rebelde” ng pamahayagan ng Urugway matapos nitong lisanin ang bansa na siyang tumanggap sakanya matapos ang kaniyang pagkakakulong sa Estados Unidos. Matapos ang isang buwan na walang kasiguraduhan sa kaniyang kinaroroonan, lumitaw si Diyab sa Caracas, Venezuela, kung saan panandalian siyang ikinulong sa loob ng 17 araw at pagkatapos, ipinatapon pabalik ng Montevideo.

Nananatiling malabo ang istorya patungkol sa pagpapatapon kay Diyab. Bagama't inilahad ng mga opisyal na ”malaya” na ang mga dating bilanggo sa Guantanamo, hindi ganito ang kanilang realidad.

Ayon sa peryodikong Brecha, nakipagkasundo umano ang Urugway na panatiliin ang mga malayang bilanggo sa bansa sa loob ng dalawang taon bago makatapak sa ibang bansa, bagaman nauna nang pinasinungalingan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno ng Urugway na sumangayon sila sa kondisyon na ito.

Kahit ano pa man ang napagkasunduan ng Urugway at Washington, maliwanag ang katotohanan na tanging tarheta ng pagkamamamayan sa Urugway lamang ang inisyu sa mga dating bilanggo sa Guantanamo, na walang bisa sa pag-biyahe sa ibang bansa.

Sa ngayon, nagbago ang opinyon ng publiko tungkol sa mga dating bilanggo sa Guantanamo, at kahit na ang dating presidente ng Urugway na nakipag-usap tungkol sa pagpapalaya ng mga bilanggo ay nagsabi na ang pagtanggap sa mga dating bilanggo ay ang presyo na kinailangang bayaran ng kaniyang bansa upang mapanatili ang “pagbebenta ng kahel sa Estados Unidos” at mapanatili ang magandang ugnayan ng dalawang bansa.

Protesta ng mga Bilanggo

Four of the Six of Guantanamo protest in front of the US Embassy, in Uruguay | Photo: Reproduction/YouTube

Protesta ng apat na miyembro ng “Six of Guantanamo” sa harap ng embahada ng Estado Unidos sa Urugway. YouTube

Limang buwan matapos makarating sa Urugway, apat sa “Six of Guantanamo” ay nag-protesta sa harap ng embahada ng Estados Unidos sa Montevideo. Hindi kasama si Diyab sa nag-protesta. Nag-tipon ang mga kalalakihan matapos nilang malaman na tumanggi ang Washington na bigyan sila ng tulong pinansyal.

Sa isang blog, inilahad ng mga kalalakihan na ipinatapon sila sa isang banyagang bansa nang walang trabaho, pamilya o katatasan sa lokal na wika. Dahil dito, at sa 13 taon na kanilang ininatili sa kulungan ng walang kaso, narararapat lamang na tulungan sila ng responsableng gobyerno, nangatuwiran sila noong Abril na:

Dapat nila [Estados Unidos] kaming tulungan upang maaari kaming mamuhay ng normal. Hindi nila pwedeng ipasa ang kanilang pagkakamali sa iba, dapat nila kaming tulungan makakuha ng bahay at bigyan ng tulong pinansyal. Hindi imposible ang aming hinihiling sa kanila matapos nila kaming ikulong ng 13 taon at dapat nila kaming tulungan sa mga susunod pang taon. Sa aming palagay, dapat nila itong gawin at ito lamang ang aming hiling.

Sa isang dokumentaryo tungkol sa buhay ni Jihad Diyab sa Urugway, inihayag ng Anfibia magazine na ang kasunduan na nagpalaya sakanya ay isang “hindi-pormal” na kasunduan sa Estados Unidos. Sa ibang salita, walang opisyal na dokumento na naglalahad ng mga karapatan ng dating bilanggo. Ang tanging pormal na papel tungkol sa mga bilanggo ay isang sulat na pinirmahan ng Kalihim ng estado ng Estados Unidos John Kerry kung saan nakatala ang mga pangalan ng anim na dating bilanggo at sinasabi dito na “walang impormasyon tungkol sa kanilang kaugnayan sa mga pangsasalakay ng mga terorista sa Estados Unidos o sa mga kaalyado nito.”

Ang dokumentaryo ng Anfibia ay sinuri din ang pamumuhay ng iba pang dating bilanggo sa Guantanamo na nananatili ngayon sa Europa at Aprika, kung saan marami sa kanila ay hinaharap ang similar na mga problema. Isa sa mga ito, na siyang nakatira na ngayon sa Eslobakya, ay nagsabi sa magasin na, “Hindi ito kalayaan. Nakakulong parin kami. Nakaalis nga ako ng Guantanamo, pero nandito parin sa kalaliman ko [ang Guantanamo]—araw-araw.” Isa pang dating bilanggo na na-interview sa pelikula ang nagsabi na ang kaniyang buhay matapos ang pagkakakulong ay parang “pangalawang Guantanamo”.

Mula Abril, lahat ng dating bilanggo sa Urugway maliban kay Diyab ay pumirma ng isang kasunduan sa Ecumenical Service for Human Dignity (SEDHU sa Kastila) para makakuha ng tulong pinansyal. Hindi sumangayon na pumirma si Diyab. Inilahad niya na hindi siya sangayon sa mga kondisyon, bahay at pera sa loob ng dalawang taon. Sinabi ni Diyab na hindi siya makapag-trabaho dahil sa pinsala niya sa likod, at idinagdag niya na ang tulong pinansyal na inaalok sa kaniya ay hindi pa sapat para masuportahan niya ang kaniyang sarili, o ang kaniyang pamilya.

Si Diyab lamang ang may asawa at anak sa anim na nabilanggo sa Guantanamo. Siya din lamang ang nais na umalis ng Urugway patunggo sa isang bansang Arabe, kung saan gusto niyang manatili kasama ang kaniyang pamilya.

Ngayon, ang tanong ay ‘Saan?’

Ang susunod na hamon kay Diyab ay ang paghahanap ng bagong bahay. Sa isang panayam sa independent na peryodikong La Diaria, nangako si Senador Lucía Topolansky—na siyang nakulong noong diktadura sa Urugway—na naghahanap ng solusyon ang gobyerno:

Lo que hay que hacer es buscar un país que lo quiera. Y ese no es un problema de Uruguay ni tampoco de él, es un problema del mundo. 

Ang kailangan nating gawin ay ang maghanap ng isang bansa na tatanggap sa kanya. Hindi lamang ito problema ng Urugway o problema ni Diyab—problema ito ng buong mundo.

Noong Setyembre, naghayag ang gobyerno ng Urugway na naghahanap ito ng isang bansa na handang tanggapin si Diyab at ang kaniyang pamilya. Sinabi ng mga opisyal na ginagawa nila ang lahat at hinihiling na itigil na ni Diyab ang kaniyang hunger strike “bilang respeto sa prinsipyo ng buhay.”  

Gayunpaman, walang kinahantungan ang mga negosasyon. 

Ayon sa Gitmo Files ng Wikileaks, si Diyab—na siyang tatay ay isang Siryano at ina ay taga-Argentina—ay isang truck driver sa loob ng maraming taon sa Sirya. Nang maaresto siya sa Lahore ng mga pulis na taga-Pakistan noong 2002, nakatira siya sa isang apartment na pagaari ng mga Taliban at nagbebenta siya ng pulot-pukyutan para masuportahan ang kaniyang pamilya.

Ang mga rekord ay ang siyang nag-ugnay kay Diyab sa mga miyembro ng al-Qaida, kinilala siya dito bilang “mapanganib,” “matalino,” at “isang banta sa Estados Unidos.” Siya diumano ang responsable sa paggawa ng mga pekeng dokumento at pasaporte para sa samahan ng mga terorista. Nakulong sa pamamahala ng Estados Unidos sa mahigit isang dekada, hindi siya pormal na naakusahan ng kahit anong krimen. Itinanggi ni Diyab ang lahat ng bintang sa kanya.

Ang mga taga-suporta ni Diyab ay mayroong Facebook page at isang petisyon, Avaaz petition na nananawagan sa gobyerno na agad gawan ng paraan “para makasama muli ni Diyab ang kaniyang pamilya sa isang bansa na maaaring magbigay ng family reunification (muling pagsasama ng pamilya).” Samantala, nag-aantay muli si Diyab, kagaya ng ginawa noon sa kulungan sa loob ng 13 taon. Sa isang panayam sa CNN, inilahad niya:

Yo no quería hacer esta huelga de hambre pero me cerraron las puertas y me dejaron sin solución y es el único camino que encontré.

Hindi ko ginustong mag hunger strike, pero wala silang itinirang opsyon sa akin at hindi nila sinu-solusyonan ang problema kaya ito na lamang ang paraan na alam ko.

Ngayong linggo, matapos ang 54 araw na hunger strike, nasuri si Diyab na mayroong “superficial coma” (pagkawala ng malay). Ayon sa peryodikong La Diaria, nauna na siyang pumirma ng isang dokumento na tumatanggi ng tulong medikal, “kahit na nasa peligro na ang kaniyang buhay,” pero sa dakong huli ay pumayag na sumailalim sa intravenous feeding (pagsasalin ng substansyang likido sa bena). Ang doktor na siyang tumitingin kay Diyab ay nagsabi na ang kaniyang kasalukuyang kalusugan ay “kritikal” na may “malaking tendensiya ng biglaang pagkamatay.” Bukod pa sa lumalala niyang kondisyon, nagbitiw na ang kaniyang tagapamagitan sa gobyerno ng Urugway.

Gayunpaman, nagpapatuloy pa din ang hunger strike ni Diyab habang hinihintay niya ang sagot sa kaniyang hiling.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.