
Ang screenshot ng video ng talumpati ni Yásnaya at ang salin sa Espanyol.
Upang gunitain ang Pambansang Taon Ng Mga Katutubong Wika, ang gobyerno, mga akademiko, at mga institusyon sa sambayanan ay magsasagawa ng iba’t ibang aktibidad. Isa sa mga ito ay naganap sa Kongreso ng Mexico noong Pebrero 26, kung saan ang linguista at aktibista ng Mixe na si Yásnaya Aguilar ay nagbigay ng talumpati sa wikang Mixe (o Ayuujk)) sa Lehislatibong Palasyo ng San Lázaro tungkol sa mga lengguwahe at mga dahilan kung bakit ito ay nananatili o naglalaho. Ang makasaysayang talumpating ito ay mariing inilantad ang mga masasakit na kaganapan sa kasaysayan, kawalan ng hustisya, pandarambong, at diskriminasyon na nagtatago sa pangalan ng Mexico.
Ang sumusunod na teksto ay ang pagsasalin mula sa na-edit na bersyon ng talumpati sa wikang Espanyol. Ang orihinal na teksto sa wikang Mixe ay narito.
Nëwemp. Lugar ng tubig. Mixe.
Giajmïï. Sa ibabaw ng katubigan. Chinateco.
Nangi ndá. Ang lupang napapaligiran ng tubig. Mazateco.
Kuríhi. Sa loob ng tubig. Chichimeco.
Nu koyo. Maalinsangang nayon. Mixteco.
Ito ang pangalan na ibinigay nila sa siyudad na ito. Noon, ang Estado, ang Estado ng Mexico: Mexico. Ano ang nagkukubli sa mga katubigan ng Newemp?
Nais kong magbahagi ng mga ideya at sagutin ang isang katanungan. Bakit namamatay ang mga lengguwahe? Sa ngayon, may humigit kumulang na 6,000 lengguwahe sa mundo. Mula sa Talaan ng Mga Namimiligrong Lengguwahe sa Amerika ng University of Hawaii, nai-report na may isang wikang namamatay kada tatlong buwan sa mundo. Gamit ang report na ito, sinabi ng UNESCO na sa loob ng 100 taon, halos kalahati ng mga wika sa planeta ang maglalaho.
Sa buong kasaysayan ay hindi pa ito nangyari. Hindi pa kailanman nagkaroon ng ganoong karaming lengguwaheng naglaho. Bakit namamatay ang mga wika ngayon? Mga 300 taon na ang nakalipas, nagsimulang mahati ang mundo at nagkaroon ng mga panloob na hangganan, ang mga dibisyon ay nanatili, at kung walang mga papeles, imposible na ang paglalakbay sa ibang lugar. And planetang Earth ay nananatiling hati sa 200 mga bansa, bawat isa ay may sariling pamahalaan, may iginagalang na watawat bilang sagisag, pagiisip na mulat sa kanilang mga karapatan, at upang buuin ang internal na pagkakaisa, may isang sariling wika na kaakibat ng pagpapahalaga sa Estado. Ang ibang mga lengguwahe ay nakakaranas ng diskriminasyon at patuloy na sinisiil.
200 taon na ang nakalipas, ang Estado na na ngayon ay tinatawag nating Mexico ay itinatag. Matapos ang 300 taon ng pananakop ng mga Kastila, noong 1862, 65 porsyento ng populasyon ang nagsasalita gamit ang katutubong lengguwahe. Ang Espanyol ay minoryang wika pa noon.
Ngayon, tayong nagsasalita ng mga katutubong lengguwahe ay binubuo ng 6.5 porsyento. Ang Espanyol na ang nangingibabaw na wika ngayon. Dalawang siglo na ang nakararaan, ang Náhuatl, Maya, Mayo, Tepehua, Tepehuano, Mixe, at lahat ng mga katutubong wika na nangingibabawanoon ay mga minoryang wika na ngayon.
Paano sila naging minorya? Sa isang iglap ba ay nagdesisyon tayong abandunahin ang ating mga wika? Marahil ay hindi. Ito ay may kinalaman sa proseso ng mga polisiya ng gobyerno na nagtatanggal sa kanilang halaga upang paburan ang isang wika; Espanyol. Upang tanggalin ang ating lengguwahe, ang ating mga ninuno ay nakatikim ng mga hampas, kaparusahan, at humarap sa diskriminasyon dahil sa paggamit ng ating katutubong wika.
“Ang inyong wika ay walang silbi,” paulit-ulit nilang sinabi. “Upang maging mamamayan ng Mexico, kailangan gamitin ang pambansang wika, Espanyol. Itigil ang paggamit ng inyong lengguwahe,” kanilang iginiit.
Ang Estado ay gumawa ng mga matinding hakbang upang sapilitang ipagamit ang Castillianong wika, sa layuning tanggalin ang ating lengguwahe, at ito ay kanilang sinimulan sa paaralan.
Mexico ang nagtanggal ng ating mga lengguwahe, binura nito ang mga katubigang bahagi ng kanyang pangalan at tayo ay pinatahimik. Kahit nagbago na ang batas, patuloy pa rin ang diskriminasyong ating nararananasan sa mga sektor ng edukasyon, pagkalusugan at hudikatura.
Ang ating wika ay hindi naglalaho, ito ay kusang sinisiil.
Pinatay nila ang ating lengguwahe ng hindi nagpakita ng respeto sa ating mga lupain, habang ito ay kanilang binebenta at sinasakop, habang kinikitlan ng buhay ang sinumang magpakita ng pagtutol.
Paanong yayabong ang ating wika kung ang mga gumagamit nito ay pinapatay, pinatatahimik, o naglalaho?
Paano mabubuhay ang ating salita sa lupain kung saan tayo ay tinanggalan ng karapatan?
Sa aking komunidad, Ayutla Mixe, sa Oaxaca, wala kaming tubig. Dalawang taon na ang nakalilipas, may mga armadong grupo na nagalis ng aming karapatan sa mga natural na bukal na sa loob ng mahabang panahon ay aming gingamit para sa aming pangangailangan, at ang di makatarungang gawain na ito ay nagpapatuloy hanggang ngayon, kahit ito ay hindi namin tinatanggap at sa kabila ng mga demostransyong isinagawa para sa aming layunin. Kahit may batas na nagsasabing ang tubig ay likas na karaparatan ng tao, hindi ito umaabot sa aming mga bahay, isang bahay na patuloy na nagpapahirap, higit sa lahat, sa mga bata at nakatatanda.
Ang aming lupain, tubig, at mga puno, ang nagbibigay buhay sa aming mga lengguwahe. Kung ang aming bayan ay patuloy na inaatake, paano mabubuhay ang aming lengguwahe?
Ang aming lengguwahe ay hindi naglalaho, ito ay kusang pinapatay. Ito ay binura ng Estado ng Mexico.
Binubura nito ang tanging paraan ng aming pag-iisip, aming tanging kultura, ang tanging Estado, na kaakibat ang tubig sa pangalan.
Mapapanood ang video ng buong talumpati sa Mixe sa ibaba: