Ang sumusunod na istorya ay mula sa Afro-Salvadoran na pintor at aktibistang si Carlos Lara na ibinabahagi ang ilan sa likhang sining niya sa Global Voices. Lahat ng larawan ay mula kay Carlos Lara at inilathala rito nang may pahintulot niya.
Ayon sa pinakahuling sensus (2007), 7,400 lamang na taga-El Salvador ang kumikilala sa Aprikanong pinanggalingan nila, bagaman iginigiit na hindi sumasalamin ang bilang na ito sa katotohanan. Itinago ng maraming tao ang tunay nilang pinanggalingan dahil sa mga pasista at rasistang polisiya ni Heneral Maximiliano Hernández Martínez noong 1930s sa pamamagitan ng isang migration law na “naimpluwensiyahan ng isang pag-iisip, ng isang diskurso, at ng mga gawing naaayon sa siyentipikong rasismo na nagraranggo ng mga grupo, bumubuo ng mga lahi, at nagtatakda sa mga puti bilang nakatataas at ang mga katutubo at itim na lahi bilang nakabababa.” Magmula noon, itinago ng maraming Afro-Salvadoran ang etnikong pinanggalingan nila.
Ginunita ang People's Day of the Salvadoran Afro-descendants noong ika-29 ng Agosto, 2020 nang may layuning ibahagi ang hindi makitang kwento ng komunidad ng Afro-descendant sa El Salvador. Base sa ideya ng isang kaibigan, ang pintor na si Jesús Cerén, bumuo ng isang gawaing tinatawag na “Arte Afrogosto” ang mga kasapi ng samahang AFROOS, kung saan inanyayahan namin ang mga pintor at mga ilustrador na ilarawan ang 31 salitang (isa kada araw sa buwan ng Agosto) nagmula sa Aprika na partikular na ginagamit sa El Salvador. Ang ideya ay i-highlight kung gaano kalalim ang impluwensiyang Aprika sa wika at kultura namin sa kabila ng katotohanang madalas itong itinanggi nang mahabang panahon.
Amigos, amigas, amigues artistas! En algún momento ustedes han participado en el ‘inktober’, que como ya sabrán, es una dinámica para dibujar cada día según una palabra que se encuentra en la lista oficial. pic.twitter.com/NaNbdNKPqd
— Carlos Lara (@carloslaradibuj) July 28, 2020
Mga kaibigang pintor! Lumahok kayo sa “inktober” na, sa inyong pagkakaalam, ay isang pagsasanay ng pagguhit araw-araw ayon sa isang salitang makikita sa opisyal na listahan.
Narito ang ilan sa mga salitang inilarawan ko para sa event na ito, at panandalian kong ipaliliwanag ang etimolohiya at mga gamit nila sa rehiyon:
Chingar: Isa itong laganap na salita sa Mexican Castellano. Ang ibig sabihin nito ay “manggulo,” “mang-asar,” “manaway,” at “hindi pabayaang mag-isa ang isang tao.” Ayon sa RAE Dictionary, nagmula ito sa salitang Romani (“gypsy”) na “cingarár” na ang ibig sabihin ay “lumaban.” Gayunpaman, natunton ng iba ang pinanggalingan nito sa mga wikang Bantu ng mga inaliping Aprikano na dinala ng mga Portuges at mga Kastila.
Sa Brazil, ang ibig sabihin ng Xingar (binibigkas bilang “chingar”) ay “manakit ng damdamin,” “mang-insulto,” at mula ito sa mga wikang Kimbundu and Kikongo Singa ng rehiyong Gitnang Aprika.
Cumbia: Isa itong tanyag na sayaw na karaniwang mula sa Colombia at Panama na pinaghahalo ang puti, Aprikano, at indigenous na mga kaugalian. Ayon sa ilang teorya, mula ito sa cumbé, isang sayaw mula sa Equatorial Guinea. Ayon sa ibang mananaliksik, maaaring isa itong daglat ng cumbancha mula sa Mandinka ng Kanlurang Aprika, o nagmula sa mga salitang kumba, kumbé, at kumbí, kung saan nagiging “c” ang “k” kapag isinama ang wikang Espanyol sa kahulugan ng “mga tambol” o “mga sayaw.”
Isa sa mga pinakamahalagang katangian ng pagkakakilanlan ng mga taga-El Salvador ang Cumbia.
Gallina Guinea: Literal na isang inahin mula sa Guinea na “maliit, may mabutong palong, kalbo, may balahibong bluish-black na may mga puting batik, at may maikli at matulis na buntot.”
My tatlong bansa sa Aprika na may pangalang “Guinea” na matatagpuan sa rehiyon ng parehong pangalan: Guinea, Guinea-Bissau, at Equatorial Guinea. Isang bansang nagsasalita ng Portuges ang huli.
Guineo: Prutas ng puno ng saging. Ang guineo, kilala rin bilang saging, ay nagmula sa Timog-Silangang Asya; kasunod ay umusbong ito sa Aprika at kalaunan sa Amerika. Gayunpaman, ang panglang guineo ay pinaniniwalaang nagmula sa Kanlurang Aprika na dating kilala bilang “Guinea” na nangangahulugang “lupain ng mga Itim” sa wikang Berber.
Ang pinakamalaking taniman ng saging sa mundo ngayon ang India, at may isang bansa sa Timog-Silangang Asya na may pangalang “Guinea”: Papua New Guinea.
Jelengue: Sa Puerto Rico, nangangahulugan ito ng “pagkainis,” “abala,” “istorbo,” at “kapahamakan.” Sa El Salvador, kasingkahulugan ito ng chonguenga (isang pagtitipon), pachanga (isang pagdiriwang na may sayawan), molote (isang pagsasalo-salo), jolgorio (kasiyahan), movimiento (paggalaw), desvergue (isang magarang salu-salo), o fiesta (isang pagdiriwang).
Marimba: Kapag may naririnig tayo tungkol sa marimba, naiisip natin minsan ang Guatemala at iniuugnay ito sa mundo ng mga indigenous people. Gayunpaman, may Aprikanong pinanggalingan ang marimba. Isa itong instrumentong perkusyong katulad ng saylopon, at ang pangalan ay nagmula sa mga wikang Kimbundu o Bantu dahil ang mga Aprikanong alipin ang nagdala nito sa Amerika. Kilala rin ito sa mga wikang iyon bilang Kalimba o Malimba.
Mondongo: Isa itong uri ng nilaga o casserole na inihanda kasama ang tiyan (mondongo) ng baka o ng baboy, ibang karne, gulay, butong gulay, at pampalasa. Tradisyonal ito sa maraming bansang nagsasalita ng Espanyol at kinikilala ito bilang pambansang putahe ng Venezuela. Ang salitang mondongo ay nagmula sa salitang mondejo na tila nagmula naman sa bandujo na hindi tiyak ang pinanggalingan.
Unang ginamit ang salita ng mga Aprikanong aliping nagsasalita ng Bantu na binigyan ng mga bahagi ng bakang iwinaksi ng mga amo nila upang kainin.
Pachanga: Isang sayaw na nagmula sa Cuba na nangangahulugang “kaguluhan,” “pagdiriwang,” at “magalaw na libangan.”
Sa El Salvador, tumutukoy ito sa tanyag o pampamilyang pagdiriwang na kadalasang may kasamang sayawan.
Malamang na nagmula ang pachanga sa isang pagdiriwang “para Changó” (literal na “para kay Changó”). Si Changó ay isa sa mga malalaking diyos ng relihiyon ng mga Fon at Yoruba ng Benin at Nigeria, ayon sa pagkakabanggit. Nagbago ang “para Changó,” naging “pa’Changó,” at naging pachanga sa wakas. Magagamit din ito bilang isang pandiwa at isang pang-uri: pachanguear (pandiwa) at pachanguera/o na naglalarawan ng taong “mahilig mag-pachanguear” o “pumunta sa pachangas.”
Ruco: Sa Colombia at Mexico, nangangahulugang “matanda” ang ruco.
Sa El Salvador, narinig ko ito nang may dalawang kahulugang may koneksyon sa isa't isa: “Matanda” ang isa sa kanila at “bungal” (kasingkahulugan ng sholco) ang isa pa. Gayunman, tumutukoy ang salitang “bungal” sa may edad na at nawalan na ng mga ngipin, queda ruco.
Zombi: Isang nilalang na, sa isa o ibang paraan, ay muling nabuhay. Nagmula ito sa “Vodou” na relihiyon ng mga bahagi ng Kanlurang Aprika. Ayon sa paniniwala, maaaring mabuhay muli ang isang namatay na tao sa pamamagitan ng isang houngan o isang bokor na nagsasagawa ng isang ritwal; sa oras na mabuhay muli, mapasasailalim ang tao sa kalooban ng bumuhay sa kaniya.
Isinulong na ang maraming posibleng ugat ng katawagang “zombie,” at karamihan ay Aprikano. May saliksik din ukol sa Haitian na pinanggalingan ng mga zombie na sa kasaysayan ay konektado sa pagkaalipin at pang-aapi sa Haiti.
Si Carlos Lara ay isang kasapi ng NGO na Afrodescendientes Organizados Salvadoreños (AFROOS), “isang samahang nagtatrabaho para sa pagkilala, paglaban, at pakikibaka ng mga mamamayang Afro-Salvadoran.” Maaari niyo siyang i-follow sa Facebook, Instagram, at Twitter, o sa YouTube channel niya upang malaman ang mga gawa niya at matuklasan ang marami pang Africanism sa wikang Salvadoran.