Hindi pagkamuhi o awa: Hayaan lang akong mabuhay sa sarili kong katawan

Iginuhit ni Lucia Jiménez Peñuela, disenyo ni Giovana Fleck.

Sa Colombia, ang karaniwang taas ng mga kababaihan ay 1.54 m at 1.71 m sa mga kalalakihan. Siyempre, para ito sa mga Cisgender na lalake at babae. Ang katawan ko, na 1.88 m ang tangkad, ay lubos na nakakatawag pansin sa ngayon, higit kailan pa man. Sa “luma kong buhay,” pinupuri ang tangkad ko, sa dahilang para sa mga maskuladong tao, karaniwang maganda ang maging matangkad. Ako ang laging unang napipili pagdating sa pagbubuhat ng anumang mabigat dahil ang mga lalake ang malalakas, simula pa noong Panahon ng Bato, tama ba?

Noon, ang katawang ito ay nakikita bilang “matipunong lalake na nakadamit pambabae.” Kalaunan, hindi na ito nakikita bilang katawan ng isang tao at naging tampulan na ng pampublikong pagsusuri.

Ang mga maingat na tao ay magsasabing namamangha silang makakita ng taong sobrang tangkad. Gayunpaman, mas madalas ang mga matang tumititig sa katawan mo hanggang sa hindi ka na komportable, kahit anong klaseng damit pa ang isuot mo. Ang katawan ng mga trans na nagpalit mula sa pagiging maskulado patungo sa pagiging babae ay palaging tinitingnan sa paraang sekswal. Ang maseselang bahagi ng kanilang katawan ay sinusuri at palaging kinukumpara sa modelo ng isang perpektong puting babaeng cis. Ang tinutukoy ko ay ang passing: ang lawak kung gaano kami ay o hindi gaanong kamukha ng modelong babae —o kung gagamitin ang mas tradisyonal na termino, ang lawak kung gaano kami hindi mukhang trans.

Kahit gaano pa namin baguhin ang hugis ng aming katawan, genitalia, dibdib, pananamit, at iba pa, hindi pa rin sapat, puwede pa kaming magka-regla, at kahit na iyon, hindi pa rin magiging sapat. Uunlad ang siyensiya at ang mga babaeng trans ay puwede nang magbuntis, pero kahit na, sasabihan pa rin sila na hindi tunay tulad ng ibang babae.

Kaya, ito ako ngayon: isang matangkad na babaeng may kulay-tansong balat, na hanggang noong nakaraang taon ay nakakatanggap ng halos tatlong komento bawat araw mula sa mga estranghero tungkol sa kung gaano kamali ang katawan ko. Mga tingin ng pagkamuhi, takot, at pagnanasa. At hindi pa kasama riyan ang mga berbal at pisikal na pag-atake na hinarap ko dahil sa babae ang pagkakakilanlan ko.

Isang taon na ang nakalipas, lumala ang pagkilos ko dahil sa mahabang araw ng pagtatrabaho ng nakaupo at walang pahinga. Binigyan ako nito ng malala at nakakaparalisang sakit at kawalang-tatag habang naglalakad, kaya ngayon, gumagamit na ako ng tungkod. Samantalang hindi lubusang nawala ang mga titig, komento, at mga galit na mula sa poot, naramdaman kong napalitan ng awa ang mga tingin ngayong may kapansanan na ako. Hindi dapat ganoon, pero kahit paano, ibinalik ng awa sa akin ang ilang bahagi ng pagkatao ko na nawala dati…Mas gusto kong tingnan na kinaaawaan kaysa sa karaniwang kinamumuhian.

Dati rati, ang ilang mga komento, “mga pangungutya,” ay kaugnay sa kaisipang siguro ay nagbebenta ako ng laman (dahil tingin nila ay para doon lang ang silbi ko). Ngayon, ang katawan kong may tungkod ay hindi na kaakit-akit para sa mga taong gumagawa ng ganoong klaseng mga komento.

Ano ang nais kong mangyari sa lahat ng ito? Hindi ako nanghihikayat ng awa sa mga nagbabasa nito, ang gusto ko ay idiin na ang mga taong lubos na sumusuri sa iba't ibang katawan ay walang ideya sa kung ano ang kailangan naming pagdaanan para magkaroon, maghilom, at/o pangalagaan ang katawang mayroon kami,

Wala silang ideya sa mahigpit na routine na sinunod ko para makapaglakad sa pinakahindi masakit na paraan.

Wala silang ideya kung gaano ka dapat katapang para maipagtanggol na tama ang katawan mo sa lahat ng oras.

Wala silang ideya na ang boses kong ito na pinagtatawanan nila sa pagiging “boses lalake” ay saklaw talaga ng pambabaeng boses, at na dumaan ako sa maraming therapy sa pagsasalita  para mangyari ito, parang isang mangaawit na naghahanda para sa isang palabas.

Wala silang ideya kung gaano karaming doktor ko kinailangang patunayan na babae ako para makuha ang karapatan ko sa kalusugan. Ang mga doktor na nakikita ako bilang isang malakas na lalake, na sumisipot lang sa appointment para makabawi sa pagkakamali. Na dahil sa hindi ako nireregla ay sapat na para hindi ako kilalanin bilang isang tao.

Wala silang ideya sa post-traumatic stress na naranasan ko dahil sa mga pagsunod sa akin at muntikan nang mabugbog, o kung gaano nakakapagod ang ipikit ang mga mata ko o tumitig sa sahig ng bus para iwasang makita ang tingin ng mga pasahero sa paligid ko na para bang isa akong produkto ng promosyon sa isang tindahan.

Wala silang ideya sa mga pangungutya, mga tingin, mga paninisi, at lahat ng uri ng karahasan na kailangan danasin ng mga kaibigan at kakilala ko na may mas malalang kapansanan kaysa sa akin sa kalsada at sa tuwing may mga appointment na medikal.

Wala silang alam kung gaano kasakit ang electrolysis at ang mga kumplikasyon dahil sa laser na pag-aahit ng buhok para alisin ang buhok sa mukha. Para bang ang ang tanging sakit lang na puwede para sa isang babae ay sakit na dulot ng pagreregla at panganganak. Nasasaktan ang katawan at kaluluwa ko dahil dito na para bang nagiwan na ng mga peklat sa puso ko.

Sa ilang pagkakataon, lahat tayo ay naging kritiko ng mga katawan na hindi sa atin. Tayo ay nagsusuri . Gaano kadaling sabihin sa isang babaeng trans na hindi siya babae at ibalewala ang paglikha sa kanya samantalang wala ka naman ibang ginawa kundi magpakatotoo sa sarili mo, na hindi mo kinailangang tinanong kahit minsan kung sino ka. May ari ka na pambabae, nireregla ka, at nabuntis ka na o kaya mong magbuntis. Sapat na iyon para ituring ka bilang babae. May ari ka na panglalake? Isa kang lalake.

Paulit-ulit mong sinasabi na ang mga trans na babae ay mga lalake dahil may prostate gland sila. Salamat sa pag-aalala sa aming kalusugan, pero parang mas mabuting ideya kung ituon mo ang konting pag-aalala sa sarili mong katawan at pumunta sa iyong taunang check-up na medikal. Kailangan mo talagang alagaan ang iyong prostate at ari, lalo na kung iyan lang ang tanging bagay na dahilan ng iyong pagkalalake.

Umuupo ka sa mga silyang nakareserba para sa mga taong may mga isyu sa paglalakad at iba pang kondisyon, at nagdedesisyon ka kung karapat-dapat akong gumamit nito. Wala kang pakialam kung makita mo na muntik na akong matumba sa pagandar ng bus, habang sinusuri mo ako mula ulo hanggang talampakan, sa mga tinging tumatagos sa maseselang bahagi ng katawan ko. Tulad ng sa pampublikong palikuran, kung saan nagdedesisyon ka kung sino ang puwedeng umihi rito, nagdedesisyon ka rin kung sino ang may kahirapan sa paglalakad.

Kaya naman, iniimbitahan ko kayong tingnan ang sarili niyong mga katawan, hindi ang sa akin, hindi ang kaninuman. Wala sa iyo ang karapatang manghusga, sa simpleng dahilan na hindi ikaw ang ibang tao na iyon; ikaw ang sarili mo. Alalahanin na ang mga katawang sinusuri mo ay dumaan sa mahaba at mahirap na proseso para maging o manatiling sila.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.