[Lahat ng link na nakapaloob dito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles.]
Isa sa mga kapita-pitagan at nangungunang organisasyon sa mundo na nagtataguyod ng karapatang-pantao ang Robert F. Kennedy Center. Tumatanggap ito ngayon ng mga nominasyon para sa Journalism Award on International Photography and International Social Media [Gantimpala sa Pamamahayag para sa Pandaigdigang Potograpiya at Pandaigdigang Social Media] na pinangangasiwaan ng kanilang tanggapan sa Europa sa Florence, Italy. Kinikilala ng nasabing award ang kagalingan ng mga propesyonal at mga mag-aaral sa pagsisiyasat sa mga isyu ng karapatang-pantao at sa pagsusulong ng pagbabago.
Ang naturang paligsahan ay ang unang hakbang ng RFK Center sa pagpapatupad ng Smart Dissident Project, na naglalayong magbigay ng pisikal na tanggapan (ang lumang bilangguan ng Le Murate sa Florence, na ipinaayos at ipinaganda) para sa lahat ng mga digital na aktibista mula Gitnang Silangan at Hilagang Aprika, upang mabigyang ang mga ito ng oportunidad na ipaglaban ang kalayaan sa pagpapahayag at ipagtanggol ang karapatang pantao. Ang mga mananalo sa mga kategoryang propesyonal ay makakapagbakasyon sa Le Murate complex sa loob ng dalawang linggo.
Bilang bahagi ng proyekto ng Center, idadaos ang isang kurso tungkol sa “Social Media and Human Rights: Can Smart Dissidents Create Change?” [Social Media at Karapatang Pantao: Lilikha Ba ng Pagbabago ang mga Aktibista?] na nakatakda sa ika-18 at 19 ng Hunyo, 2012 (kasali na dito ang mga taga-Global Voices). Susundan naman ito ng seremonya ng pagbibigay ng mga gantimpala.
Sa pagsusumite ng nominasyon, kasamang magbibigay ang lalahok ng mga detalye tungkol sa mga dahilan, sitwasyon at lunas sa kawalang-hustisya, at magsusulat ng kritikal ng pagsusuri tungkol sa mga polisiya at programa ng pamahalaan, sa pampublikong pananaw, at sa mga pribadong simulain.
Ang palugit sa pagsusumite ay noong ika-15 ng Mayo, 2012. Maaaring makita ang entry form dito.
Bagong balita sa Twitter mula sa Tanggapan ng RFK sa Europa:
@RFKennedyEurope: RFKennedy Journalism award 2012 on SM and human rights is open to blogs: http://bit.ly/AwardEntryForm – http://bit.ly/JournalismAward #egypt #syria
Bawat taon nagbibigay ng mga gantimpala para sa karapatang pantao at pamamahayag ang Robert F. Kennedy Center. Noong Setyembre 2011, nanalo ng Gantimpala para sa Karapatang Pantao si Frank Mugisha, Executive Director ng Sexual Minorities Uganda, isang malaking organisasyon na nangangalaga sa mga pangkat ng LGBTI sa bansa.