Cambodia: Mga Awit tungkol sa Facebook

Ang papel na ginagampanan ng social networking site na Facebook sa pagpapadali ng mga kilos protesta ay pinatotohanan sa mga pag-aalsa sa Tunisia at Ehipto; kaya ang mga pamahalaan sa maraming bansa, kabilang ang Tsina, ay nagiging maingat sa mga gawaing pulitikal ng kanilang mga mamamayan sa Facebook. Ngunit sa Cambodia, ang Facebook ay hindi pa naituturing na isang banta sa pamahalaan.

Gumawa ang mga pulitiko, sa pamumuno ni Punong Ministro Hun Sen (na nasa kapangyarihan na noon pang 1985), ng kanilang sariling pahina sa Facebook kung saan sila nakikipag-ugnayan sa mga mamamayan ng Cambodia.

Gayunpaman, mayroong isang mas bago at interesanteng bagay na nauuso ngayon sa Facebook sa bansa: lumilikha ang mga mamamayan ng Cambodia ng mga kanta tungkol sa Facebook. Gaya na lamang ng ‘Tinapos na Pag-ibig ng Facebook‘ na ini-upload sa YouTube ng user na si noong ika-11 ng Marso, 2011:

Lumikha ang industriya ng musika ng mga awitin na may kinalaman sa Facebook. Habang sinasabing hindi sila tagahanga ng mga nasabing materyal, sinasabi ng Cambodia Khmer Magazine na napapabilib sila sa katotohanang marami sa mga mamamayan ng Cambodia ang lubusang natutuwa sa mga ‘kantang Facebook’.

Narito pa ang ilan sa mga halimbawa ng kantang ini-upload sa YouTube (lahat ay sa wikang Khmer)

Nabigla ang Khmerbird sa biglaang pag-usbong ng mga awiting ito, ngunit nagpahayag siya ng pagsang-ayon sa ilang mga awiting sinisisi ang Facebook dahil sa pagkakasira ng mga relasyon. Sa kanyang artikulo na ‘Nakasulat sa mga awit ng mga Cambodian ang epekto ng Facebook‘, nasasaad:

Nabigla ako noong una kong narinig ang kanta, ngunit may katotohanan din ito kahit paano.

Sumipi si Khmerbird ng isang kanta ni Khemarak Sereymon na pinamagatang ‘Ginambala ng Facebook ang aking Pag-ibig’ at ipinaliwanag ang mensahe nito:

Isinaad niya sa awit na mula nang dumating Facebook, hindi na siya naaasikaso ng kanyang nobya gaya dati. Pakiramdam niya ay naiwan siya. Mas ginugugol pa ng nobya niya ang kanyang oras sa pakikipag-usap sa iba't-ibang tao sa Facebook. Maaaring maging isang sanhi ito ng isang mabigat na suliranin sa relasyon.

Ayon sa socialbakers.com, mayroong 250,000 miyembro ang Cambodia sa Facebook, na bahagi ng 1.73% na impluwensiya nito sa bansa. Ngunit dahil sa mga pulitikong nage-endorso ng Facebook at sa mga sumusulat ng awit tungkol sa tanyag na social networking site, maaaring makaakit pa ang Facebook ng mas maraming miyembro sa Cambodia.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.