Ang mga karapatang-pantao ba na para sa pagiging ina ay para lamang sa mga may asawa? Nagiging usap-usapan ngayon sa mga blogs ng mga Pilipino ang isang bagong batas para sa karapatan ng mga nagdadalantaong kababaihan na makapag-aral at makapaghanap-buhay.
Isang makabuluhang batas sa karapatan ng mga kababaihan ang naipasa matapos ang pitong taon nang pagtatalo. Ito ay binansagang Batas Republika 9710, na kilala rin sa tawag na Dakilang Kasulatan ng Kasunduan para sa Kababaihan. Nakasaad sa batas na ito na ang karapatan ng mga kababaihan ay karapatang pantao, na ang kanilang mga karapatan ay nararapat na igalang sa tahanan, sa trabaho at maging sa paaralan, at tinatalakay rin dito ang mga paksa tungkol sa planadong pag-aanak sa kalaunan, pagdadalantao, at ang mga karapatang kaakibat nito.
Isa sa mga pinakapinag-uusapang paksa sa Dakilang Kasulatan ng Kasunduan para sa Kababaihan ay ang karapatan ng mga dalagang ina na mapanatili ang kanilang mga hanapbuhay, at sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral. Ito ang tinuran sa sumusunod na talata:
Ang pagpapaalis at hindi pagtanggap sa mga kababaihan dahil sa pagdadalantao sa labas ng kasal ay labag sa batas. Walang paaralan, maging elementarya o sekondarya, ang maaring tumanggi na magpapasok sa mga babaeng mag-aaral para lamang sa dahilan na nagdalantao sila sa labas ng kasal at habang sila ay nag-aaral.
Malinaw na isinasaad ng Dakilang Kasulatan ng Kasunduan na labag sa batas ang pagpapaalis sa mga nagdadalantao kahit hindi pa sila kasal, ngunit pilit na itinutulak ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) na maialis sa sakop ng batas na ito ang mga kababaihang nag-aaral o naghahanap-buhay sa mga paaralang Katoliko. Naniniwala sila na mayroon silang karapatan na mapaalis ang mga babaeng nagdadalantao ngunit hindi kasal, dahil naniniwala silang ito’y labag sa mga aral ng Simbahang Katoliko.
Upang mas maunawaan pa ang tungkol sa Dakilang Kasulatan ng Kasunduan, naririto ang isang video mula sa Pambansang Komisyon sa Papel ng Kababaihang Pilipino kung saan kanilang ipinaliwanag ang dahilan kung bakit mahalaga ang Dakilang Kasulatan ng Kasunduan at ang mga nilalaman nito:
Mga Tugon sa Simbahang Katoliko
Kinalaban ni Lindy Lois Gamolo, isang Pilipinong blogger, ang katayuan ng Simbahang Katoliko. Hindi lamang nila sinubukang ipagwalang-bahala ang Dakilang Kasulatan ng Kasunduan sa pamamagitan ng pagtititiwalag at pagtangging mabigyan ng sakramento ng komunyon ang mga mambabatas na umaayon sa nasabing batas; ngayong naipasa na ito ipinipilit nila na hindi nila susuportahan ang mga kakandidato na aayon sa nasabing batas dahil hindi nailagay sa batas na aalisin sa sakop nito ang mga paaralang Katoliko. Hiniling niya na huwag magpadala ang mga mambabatas sa mga pananakot na ito dahil:
Ipaalala natin sa kanila [sa mga mambabatas] na sila ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa nakapangyayaring sambayanang Pilipino at hindi sa Simbahang Katoliko at sa mga obispo nito.
Gayunpaman, may mga bloggers na nauunawaan kung bakit ganito ang tayo ng Simbahan tungkol sa batas. Isang halimbawa nito ay ang nag-komento sa blog ng The Feed, kung saan isinulat ni olive:
Naniniwala ako na kapag nagdadalantao ka habang nag-aaral pa lamang sa isang paaralang Katoliko ay dapat kang paalisin. Hindi ito isang magandang halimbawa sa nakararami. Isipin mo, tinuturuan nila tayo na makipagtalik lamang kapag kasal na, pagkatapos isa sa mga tinuturuan nila ay may dalang sanggol sa kaniyang tiyan!?!?! Parang “etong sayo!”
Sa katunayan, hindi lahat ng paaralang Katoliko ay sang-ayon sa panukalang huwag silang magpasakop sa batas. Ayon kay Rachel C. Barawid, na sumusulat sa Manila Bulletin Publishing Corporation, may mga paaralan na naniniwalang ang pagtanggi ng edukasyon sa mga nagdadalantao na hindi kasal ang magdudulot lamang ng hindi maganda kaysa mabuti, at kanyang binanggit kung ano ang sinabi ng Dekano ng Ugnayang Pangmag-aaral ng isa sa mga paaralan na ito na nagpapaliwanag bakit hindi nila paaalisin ang mga mag-aaral:
“Kapag pinaalis mo ang estudyante dahil hindi siya kasal, dobleng kamalasan ito para sa kanila. Ngayong magiging mga ina na sila sa murang edad, ipinagkait mo na agad sa kanila ang pagkakataon nilang makakuha ng kaantasan sa kolehiyo at sa kalaunan, pagkakaroon ng hanapbuhay na panggagalingan ng kanilang ipapakain sa magiging anak nila. Ngayon hindi lang pagiging isang dalagang ina ang kanilang kakaharapin na pagsubok, kung hindi pati na rin ang kahirapan sa paghahanap ng magandang hanapbuhay at hindi na sila makakapagbigay pa ng kahit na ano para sa kanilang anak”, paliwanag niya.
Pagsasaligal ng Diskriminasyon laban sa Kababaihang Nagdadalantao?
Tinatalakay din ng mga Pilipinong bloggers ang usapin kung tama nga ba na itanggi ng Simbahang Katoliko, ayon sa kanilang mga aral, sa mga dalagang ina ang karapatang pantao, gaya ng pagpapanatili ng hanapbuhay o pagtamasa ng edukasyon, ngunit hindi man lang binabanggit ang mga hindi kasal na ama ng bata. Tila lumalabas na isa itong diskriminasyon laban sa mga kababaihan na nilalayong itama ng Dakilang Kasulatan ng Kasunduan.
Sinasabi ni Bong C. Austero na ang panukala ng Simbahang Katoliko ay purong diskriminasyon laban sa mga kababaihan, at labag sa mismong aral nila na nagsasabing ang dapat pinarurusahan ay ang kasalanan at hindi ang nagkasala:
Pinaparusahan ang kababaihan dahil sa kanilang pagiging babae; at ito ay dahil sa kanilang tungkulin na magdala ng buhay sa kanilang mga sinapupunan. Hindi pinarurusahan ng mga paaralang Katoliko ang mga lalaking guro na nakabuntis sa kanilang mga nobya, kung saan responsable rin sila sa pagdadalantao ng dalaga.
Sa I am Nobe na blog, kung saan ang may-akda ay nagpapanggap bilang isang bahagi ng usapin sa bawat post, ay nagpapanggap bilang isang dalagang ina.
Ngayon sinasabi mo sa akin na hindi ako pwedeng pumasok sa paaralan? O di kaya’y makapagtrabaho man lang?
Hindi ko ginawa mag-isa itong batang ito no! Kung gusto talaga ninyong gawin sa akin ito, dapat idamay na rin ninyo yung mga binatang ama. At utang na loob, huwag ninyong gamitin ang ngalan ng Diyos!
Ipinaliwanag ni Joyce Talag, na isa ring dalagang ina, kung bakit hindi makakabuti sa mga dalagang ina kahit parusahan pa ng Simbahang Katoliko ang mga binatang ama. Dahil lahat ng mga nag-iisang magulang ay ina, ang pagtanggi sa kanila na magkaroon ng pagkakataong makapagtrabaho o makapag-aral habang nagdadalantao ay nangangahulugan lamang na hindi sila makakapagbigay ng kahit na ano para sa kanila at sa kanilang magiging anak:
Ang pinag-uusapan dito ay ang nag-iisang magulang. Ang pagiging isang magulang ay nangangahulugan na dapat mong ibigay ang mga pangangailangan ng bata. Kaya mas naaapektuhan ang mga dalagang ina ay dahil halos lahat ng mga nag-iisang magulang ay dalagang ina. (Tanging ang US Single Parent Statistics ang nakita ko sa Internet. Sinasabi nito na “noong 2006, 5 mula sa 6 na nag-iisang magulang ay mga ina”. Hindi naiiba ang Pilipinas dito.)
Sinasabi ni Jun Bautista na isang blogger tungkol sa mga batas sa Pilipinas na malabong idamay ng Simbahang Katoliko ang mga binatang ama sa usaping ito, gayong ang batas na pinag-uusapan ay tungkol sa mga kababaihan.
May ibang nagsasabi na malalagay sa panganib ang buhay ng mga dalagang ina dahil sa panukalang ito ng Simbahang Katoliko. Kung sakaling maisakatuparan ito, maging dahilan kaya ito ng mga dalagang ina na kitilin na lamang ang buhay ng sanggol sa kanilang sinapupunan? Ito ang iniisip ni Janette Loreto-Garin, isang Kinatawan ng Unang Distrito.
Ano sa palagay mo? May karapatan ba ang isang relihiyon na magpasya kung sino ang kanilang tatanggapin na mag-aaral o empleyado, o labag ba ito sa karapatan ng mga nagdadalantao?
Ang larawang ginamit sa akdang ito ay galing kay Photo Mojo, at ginamit ayon sa Creative Commons attribution license.