Laksang Libo Humingi ng Hustisya para sa Biktima ng Bagyong Haiyan sa Pilipinas

"Global Surge" protest in Tacloban City during the first year anniversary of super typhoon Haiyan. Photo Credits: Orion Yoshida.

Protestang “Global Surge” sa Lungsod ng Tacloban, ang “Ground Zero” ng super-bagyong Haiyan. Retrato ni: Orion Yoshida.

Isang serye ng mga protesta na may temang “Global Surge” ang inorganisa sa Pilipinas at ilang lungsod sa buong mundo upang gunitain ang unang anibersaryo ng super-bagyong Haiyan (lokal na pangalan Yolanda), at kondenahin ang “kriminal na kapabayaan at kurapsiyon” ng gobyerno matapos ang sakuna.

Ang Haiyan ang pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa sa kasaysayan ng daigdig. Binansagan ng mga biktima sampu ng kanilang pamilya at mga tagasuporta ang pangulo ng Pilipinas na si Benigno Simeon Aquino III na “waray pulos” o inutil dahil sa palpak na paggampan ng administrasyon sa pamamahagi ng tulong, rehabilitasyon, at gawaing pagbangon.

Mahigit 20,000 katao ang sumama sa protesta sa Lungsod ng Tacloban samantalang 20,000 rin ang nagprotesta sa Lungsod ng Roxas, Estancia, Kalibo, Lungsod ng Iloilo at iba pang bahagi ng Isla ng Panay na mga lugar na pinakamatinding hinagupit ng bagyong Haiyan.

Ilang mga nakaligtas sa sakuna at kanilang tagasuporta ay nagmartsa malapit sa Palasyo ng Malacanang sa Mendiola habang ang mga komunidad ng Filipino at mga grupong nakikiisa ay nag-organisa ng iba't-ibang pagtitipon sa Estados Unidos, Canada, Hongkong, at sa kalakhang Europa.

Binatikos ng mga nagprotesta ang gobyernong Aquino sa umano'y pagpapalala nito ng pinsalang dulot ng Haiyan sa pamamagitan ng kawalan ng sustenidong programang pantulong at rehabilitasyon, ang napaulat na maling paggamit ng pondo ng mga pulitiko at ahensiyang pantulong, at ang planong pagbangon na nakatuon sa pagkamal ng tubo.

Ang mga grupong People Surge, Bagong Alyansang Makabayan, Tindog Network, International League of People's Struggles, at Kalikasan People's Network for the Environment ang nanguna sa pagbubuo ng Daluyong, isa itong pambansang network ng mga nakaligtas sa sakuna. Ginamit din nila ang hashtag na #RememberHaiyan sa mga kilos protesta.

Kinutya rin ng mga aktibista si Pangulong Aquino dahil hindi niya binisita ang mga nakaligtas sa bagyong Haiyan sa Tacloban kung saan mahigit 2,000 ang namatay nang dumaan ang bagyo. Si Renato Reyes na isa sa mga nagprotesta ay nagtanong sa Facebook:

Why is Aquino skipping Tacloban on the first anniversary of Yolanda/Haiyan? Is it because of the protesters that will be gathering in the city starting tomorrow? Why can't he face the outraged survivors on this important day?

Bakit iniiwasan ni Aquino ang Tacloban sa unang anibersaryo ng Yolanda/Haiyan? Ito ba'y dahil sa mga magpoprotesta na magtitipon sa Lungsod simula bukas? Bakit hindi niya harapin ang mga galit na nakaligtas sa mahalagang araw na ito?

Tinataya ng opisyal na datos ng gobyerno na 6,300 ang namatay at 1,061 ang bilang ng nawawala subalit sa sariling pagtantiya ng People Surge at mga grupo sa Civil Society, aabot ang bilang ng mga nasawi sa mahigit 18,000.

Ipinakita ng estatistikang pagsusuri ng independiyenteng think-tank na Ibon Foundation na ang mga naisakatuparan ng gobyernong Aquino ay di-hamak na mas mababa sa mga target na una nitong ginawa.

Ang Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan ng gobyernong Aquino ay nilagdaan lamang noong Oktubre 29, 2014, halos isang taon matapos ang kalamidad.

Nasa ibaba ang ilang mga retrato ng protestang “global surge”:

A snapshot of the protest of Haiyan survivors and supporters in Tacloban City. Photo Credts: Kathy Yamzon.

Kuhang-larawan ng protesta ng mga nakaligtas sa Haiyan at tagasuporta nila sa Lungsod ng Tacloban. Retrato ni: Kathy Yamzon.

The hacktivist group Anonymous hacked over 20 government websites to protest the government's criminal neglect of Haiyan survivors. Photo Credits: AnonymousPH.

Ang grupong hacktivist na Anonymous ay nag-hack ng mahigit 20 website ng gobyerno upang iprotesta ang “kriminal na kapabayaan” ng gobyerno sa mga nakaligtas sa Haiyan. Retrato mula sa: AnonymousPH.

A section of the 12,000 protesters in Roxas City. Photo Credits: Kashmer Diestro.

Isang seksiyon ng 12,000 nagprotesta sa Lungsod ng Roxas. Retrato ni: Kashmer Diestro.

Haiyan survivors from Samar arrive in Tacloban City in boats to join the protest action. Photo Credits: Kathy Yamzon.

Mga nakaligtas sa Haiyan mula Samar ay dumating sa Lungsod ng Tacloban lulan ng mga bangka upang sumama sa kilos protesta. Retrato ni: Kathy Yamzon.

Protesters in Manila covered themselves with mud as part of a nationwide synchronized performance to dramatize the plight of Haiyan victims. Photo Credits: MaiMai Uichanco.

Balot ng putik ang mga nagprotesta sa Maynila upang ilahad ang kalagayan ng mga biktima ng Haiyan. Retrato ni: MaiMai Uichanco.

Samantala, pinuna ng mga nagprotesta sa bayan ng Estancia ang nagpapatuloy na pagkaantala ng kompensasyon para sa mga residente na naapektuhan ng pagtagas ng langis dulot ng pagsadsad sa lupa ng isang lantsa ng kuryente sa kasagsagan ng bagyong Haiyan. Nagsampa ang mga residente ng maramihang asunto laban sa kompaniya na nagmamay-ari ng lantsa at iba pang ahensiya ng gobyerno. Ang pagtagas ng langis ay nagtulak sa mahigit 2,000 residente na lumikas sa kanilang mga komunidad na kontaminado ng nakalalasong singaw.

Big protest by residents of Estancia town, Iloilo seek justice for Haiyan victims. Photo Credits: Bayan-Panay.

Protesta ng mga residente sa bayan ng Estancia, Iloilo na humihingi ng hustisya para sa mga biktima ng Haiyan. Retrato mula sa: Bayan-Panay.

Sinulat ng manunuri sa politika na si Benjie Oliveros sa alternatibong pambalitang website na Bulatlat na ang pagsisikap sa rehabilitasyon ay sinasagkaan ng malawakang kurapsiyon at ng maling prayoridad ng gobyerno:

How could the people “build back better” when they have no land on which to build their houses? How could the people acquire sustainable livelihood when those engaged in agriculture do not own the land they till and those who eke out a living through other means would be constantly displaced and thrown to remote areas where there are no livelihood opportunities?

Paanong “maayos na makapagtayong muli” ang mga tao kung wala silang lupa na pagtatayuan ng kanilang mga bahay? Paano magkakaroon ang mamamayan ng tuloy-tuloy na kabuhayan kung ang mga taong umaasa sa agrikultura ay hindi nagmamay-ari ng lupang kanilang binubungkal at iyon namang naghahanap ng kabuhayan sa ibang paraan ay palaging napalalayas at itinatapon sa malayong lugar na walang oportunidad na pangkabuhayan?

Ang imbestigatibong mamamahayag na si Kenneth Guda ay bumisita sa Tacloban at kinapanayam ang ilan sa mga nakaligtas. Isinulat niya sa Facebook:

They cry every time they retell their stories. And not just because they lost loved ones and what little properties they had during the storm. They cry every time they talk about how their children starved during the first few weeks after the storm. They cry today because they could not move on. […] They cry because they are thankful for whatever help individuals and groups are able to give them, but they cry in anger at a government that promises help but always fails them.

Umiiyak sila kapag inilalahad nilang muli ang kanilang kuwento. At hindi dahil sa nawalan sila ng mahal sa buhay at kung anumang ari-arian na mayroon sila noong panahon ng bagyo. Umiiyak sila kapag ikinuwento nila kung paanong nagutom ang kanilang mga anak noong unang linggo matapos ang bagyo. Umiiyak sila ngayon sapagkat hindi pa sila makasulong muli… Umiiyak sila sa pasasalamat sa anumang tulong na naibigay sa kanila ng mga indibidwal o grupo, subalit umiiyak sila sa galit sa gobyernong nangangako ng tulong subalit palagi naman silang binibigo.

Isang bukas na liham mula sa mga nakaligtas sa bagyong Haiyan para kay Papa Francis ang malawakang kumakalat ngayon sa internet kasabay sa nalalapit na pagbisita ng papa sa Enero ng susunod na taon. Ang sulat ay nananaghoy sa patuloy na pagdurusa ng mga biktima ng Haiyan ng gutom, sakit, at kapabayaan ng gobyerno.

Ayon sa mga organisador ng “global surge,” ipaaalam nila kay Francis ang tunay na kalagayan ng mga nakaligtas sa Haiyan sa panahon ng kaniyang pagbisita sa Tacloban sa Enero 2015.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.