[Lahat ng link na nakapaloob sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles.]
Alemanya, Arhentina, Armenia, Australya, Bahrain, Bangladesh, Bolivia, Brazil, Cameroon, Canada, Chile, Colombia, Cuba, Denmark, Ehipto, Espanya, Estados Unidos, Ethiopia, Ghana, Greece, Guatemala, Hapon, Hong Kong, Hungary, Indiya, Indonesia, Iran, Israel, Italy, Ivory Coast, Kenya, Lebanon, Macedonia, Madagascar, Malawi, Malaysia, Mali, Mehiko, Moldova, Morocco, Mozambique, Netherlands, Nigeria, Pakistan, Paraguay, Peru, Pilipinas, Poland, Portugal, Pransiya, Puerto Rico, Rusya, Saudi Arabia, Senegal, Serbia, Sri Lanka, Sweden, Switzerland, Syria, Taiwan, Tajikistan, Tanzania, Timog Aprika, Timog Korea, Trinidad and Tobago, Tsina, Turkey, Ukraine, United Kingdom, Uruguay, Uzbekistan, Venezuela.
Sa mga hindi nakakaalam, ito ang 70 bansa—at madadagdagan pa—na lalahok sa gaganapin Global Voices Citizen Media Summit sa taong ito.
Humigit 30 araw na lang ang aantayin, sa Hulyo 2, 2012, may 250 katao mula sa bawat sulok ng mundo ang magtitipon-tipon sa Nairobi, Kenya para sa Global Voices Citizen Media Summit 2012. Malaking trabaho ang pagsama-samahin ang ganitong karaming tao, at para sa planning team, ilang buwan ang ginugol upang imbitahang pumunta ng Nairobi ang mga tao mula Vilnius, Bamako, La Paz, Kolkata at Naypyidaw, magpareserba ng mga kwarto sa mga hotel, tumulong sa pag-aapply ng visa, at higit sa lahat, buuin at pagandahin ang programa ng Summit, at repasuhin ng paulit-ulit.
Tampok sa Summit sa taong ito ang:
- Pag-aanunsyo ng mga nanalo sa Gantimpalang Breaking Borders na sinusuportahan ng Google
- Ang workshop sa “Digital Media at Disruptive Publics“, para sa mga guro at akademikong nagsasanay sa citizen media, kasabay ng gaganaping organisational meeting ng Global Voices
- Dose-dosenang blogger mula Kenya, kabilang na ang mga nanalo sa blog awards kamakailan ng Bloggers’ Association of Kenya, at ang mga nanalo sa aming munting patimpalak
Kasama sa programa sa taong ito ang mga diskusyong plenary, mga breakout group tungkol sa ilang piling paksa, mga open “unconference”-style session at mga hands-on workshop upang makapagsanay ng husto. Magkakaroon din ng real-time na partisipasyon ang mga susubaybay online. Ang mga kaalaman at talakayan na malilikha sa buong kaganapan ay aming itatala, isasalinwika, at ilalathala sa lalong madaling panahon.
Kung nais mong dumalo sa Nairobi, may pagkakataon ka pa. Maaari kang magpatala sa web site ng Summit. Ang registration fee ay US$75 para sa mga lalahok na mula sa labas ng Aprika, US$50 para sa mga taga-Aprika maliban sa Kenya, at KES 2,500 naman para sa mga taga-Kenya.
Kung gusto mo naman sumali, ngunit hindi makakadalo sa Nairobi, magkakaroon ng streaming ang ilang bahagi ng programa sa Hulyo 2-3. Bisitahin ang mga blog posts mula sa mga bumubuo ng Global Voices at mga ispiker sa web site ng Summit. Sundan din kami sa Twitter at Facebook.
Naging posible ang Global Voices Citizen Media Summit 2012 dahil sa malaking tulong ng Google, MacArthur Foundation, Open Society Institute, Knight Foundation, Hivos, Adessium Foundation at Yahoo!, at sa suporta ng iHub.