Itinanghal kamakailan ang mga nagwagi sa Ika-6 na Annual doGooder Non Profit Video Awards [“Gawad Parangal sa Bidyo ng mga doGooder na Non Profit”] noong ika-5 ng Abril, 2012. Ang mga sumusunod ang mga nanalong bidyo sa 4 na kategorya: maliit na organisasyon, organisasyong may katamtaman ang laki, malaking organisasyon, at pinakamahusay sa pagkukuwento, pati ang 4 na nagwaging bidyo sa kategoryang ‘walang takot’.
Sa kategorya ng mga maliliit na organisasyon, nagwagi ang Protect the Defenders [“Protektahan ang Nagtatanggol”], isang organisasyon na pinaparangalan, sinusuportahan at binibigyang boses ang mga indibidwal na nagsisilbi sa sandatahang lakas ng Estados Unidos na pinagsamantalahan at nakaranas ng panggagahasa ng kapwa nasa serbisyo.
Sa kategorya ng mga organisasyong may katamtaman ang laki, ginawad ang gantimpala sa Solid Women [“Tibay ng Kababaihan”], isang bidyo na gawa ng Fonkoze, ang pinakamalaking organisasyon sa pagpapautang sa Haiti kung saan ipinapakita ang naging dulot ng mga programa ng organisasyon sa 5 magkakaibang kababaihan.
Napanalunan naman ng Cystic Fibrosis Foundation [“Foundation para sa Cystic Fibrosis”] ang kategorya ng mga malalaking organisasyon para sa bidyo nito tungkol sa bagong gamot sa cystic fibrosis na naging mabisa sa ilang pasyente, bagamat kinakailangan ng karagdagang pag-aaral upang hanapan ng gamot ang ibang may ganitong karamdaman.
Pinakamahusay naman sa pagkukwento ang bidyo ng World Memory Project [“Proyektong Pandaigdigang Paggunita”] kung saan tampok ang mga nakaligtas sa Holocaust at kung paano nabibigyang katahimikan ang kanilang kalooban nang malaman ang tunay na nangyari sa mga mahal sa buhay noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Sa bidyo, natuklasan ni Sol ang tunay na nangyari sa kanyang tatay matapos silang magkahiwalay isang araw bago isinagawa ang liberasyon.
Apat na magkahiwalay na gantimpala naman ang iginawad sa mga pinakamahusay na bidyong walang takot: Real Stories of Addiction and Recovery [“Mga Tunay na Kwento ng Pagkalulong at Paggaling”], The Story of Cholera [“Ang Kwento ng Kolera”], Not Acceptable R-word PSA [“Hindi Katanggap-tanggap na salitang-R PSA”] at ang kwento ni Robert, isang taong walang tirahan.