See all those languages up there? We translate Global Voices stories to make the world's citizen media available to everyone.

Learn more about Lingua Translation  »

· Hunyo, 2012

Mga kwento noong Roundups noong Hunyo, 2012

Timog Korea: Kaguluhan sa Pagpapatayo ng Base Militar sa Jeju, Lalong Uminit

Ilang buwang naging sentro ng mga balita ang maliit na bayan ng GangJeong sa Isla ng Jeju. Iyon ay dahil sa matinding iringan sa pagitan ng gobyerno na nais magpatayo ng base militar sa lugar at ng mga raliyistang ipinaglalaban ang kalikasan at mga likas yaman na matatagpuan doon. Sa isang Koreyanong forum, isinatitik ng isang netizen sa wikang Ingles [en] ang isang bidyo sa YouTube [ko] na naglalahad ng mga kaganapan doon sa likod ng mga balita.

Pilipinas: Mga Programang Elektronik ng Gobyerno

Siniyasat ni Clarice Africa ang ilang inisiyatibong elektronik ng gobyerno ng Pilipinas [en], o ang e-governance na tinatawag, na inaasahang tutulong sa pagpapabilis at pagpapaganda ng takbo ng mga serbisyo publiko at magsusulong ng transparency o ang pagiging bukas nito.

Chile: Chileno.co.uk, Blog Patungkol sa Chile mula sa UK

Ang Chileno.co.uk [en] ay isang Chilean blog sa wikang Ingles. Laman ng blog ang mga orihinal na artikulo, gaya ng pakikipagpanayam sa mga kilalang personalidad na nagmula sa bansang Chile tulad ni Andres Wood [en], direktor ng mga pelikula, at sa mga grupong The Ganjas [en] at Inti-Illimani [en]. Maaari mo ring sundan ang kanilang blog sa Twitter (@chilenocouk [en]).

Edukasyon sa Pilipinas Noong Bago at Matapos Dumating ang mga Kastila

Mula sa blog na Red-ayglasses [en], balikan at alamin ang naging kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas noong unang panahon bago pa man dumating ang mga dayuhan at ang sistemang umiiral noong panahon ng mga Kastila.

Pakistan: Isyu ng Pagpatay sa 5 Kababaihan sa Kohistan, Naging Masalimuot

Hatid ni Omair Alavi [en] ang panibagong ulat tungkol sa tahasang pagpatay o ang tinatawag na honor killing sa 5 kababaihan sa distrito ng Kohistan. Kinuwestiyon niya ang ginampanang papel ng media sa buong kontrobersiya.

Pamumuhay ng may HIV sa Kazakhstan

Sa Vox Populi, isang Kazakh blog ng iba't ibang litrato, isinilarawan ni Gulnar Bazhkenova sa kanyang marubdob na pagsasalaysay [ru] ang mga kuwento ng mga indibidwal sa Kazakhstan na may sakit na HIV/AIDS. Nais nilang ibahagi sa ibang tao ang pagkakaroon ng HIV upang “ipakita ang mensahe na sila ay mga normal na tao, at hindi mapanganib ang makipagkaibigan sa mga gaya nila”.

Iran: ‘Dapat tugunan ni Zuckerberg ang pang-iinsulto sa Islam’

Ayon sa isinapublikong liham [fa] ng pangkat na “Lupon ng Rebolusyong Islamiko ng mga Aktibista sa IT at Digital Media”, na sinasabing pinopondohan ng pamahalaang Iran, dapat pagtuunan ng pansin ni Mark Zuckerberg ang mga tao sa Facebook na “nang-iinsulto sa Islam” at parusahan ang mga ito. Inihambing nila ang “pang-iinsulto sa Islam gamit ang Facebook” sa pagsalakay ng mga terorista sa mga mamamayang Shia at sa mga templo nito sa Iraq.

Indiya: Dalawang Petsa ng Kaarawan ng Iisang Tao

Malaking porsiyento ng mga taong nakatira sa subkontinenteng Indiyan ay nagdiriwang ng kani-kanilang kaarawan sa dalawang magkaibang petsa bawat taon – ang una ay ang opisyal na petsa, samantalang ang pangalawa ay ang mismong araw ng kapanganakan. Bakit nga ba? Narito ang paliwanag ni Binayak Ghosh [en].

Mga Mapa ng Baidu, Sumasalamin sa Tsina

Patok ngayon sa website na China Beat ang mga larawan ng mapa ng Tsina [en] na nilapatan ng mga resulta ng paghahanap ng ilang salita sa search engine ng Baidu. Kapansin-pansin ang kuwento sa likod ng mga larawan, na sinasabing sumasalamin sa kalagayan ng bansa – matatag na pamahalaan, matatag na pamumuhunan, matamlay na serbisyong panlipunan.

Pilipinas: Talakayan Hinggil sa K-12 Bilang Repormang Pang-edukasyon

Matiyagang inipon at inilista ni Angel de Dios ang iba't ibang artikulo at mga komentaryo tungkol sa ipinapatupad na programang K-12 [en] bilang mahalagang reporma sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas. Nais ng gobyerno na dagdagan ng dalawang taon ang nakagaiwang bilang ng panimulang edukasyon, bukod pa sa pagrerepaso ng kurikulum.

Nepal: Mga Partido ng Oposisyon, Nagdaos ng Protesta sa Kathmandu

Ibinahagi ng isang taga-Nepal sa kanyang blog [en] ang mga kuhang litrato at bidyo sa ginanap na demonstrasyon noong ika-9 ng Hunyo sa siyudad ng Kathmandu. Dinaluhan ito ng mga kasapi ng 22 partido ng oposisyon.

Vietnam: Luntiang Espasyo sa Lungsod ng Ho Chi Minh, Naglalaho

Ikinalungkot ng manunulat sa blog na Backwater Views ang tungkol sa “matinding kakulangan ng luntiang espasyo” [en] sa siyudad ng Ho Chi Minh sa bansang Vietnam. Tinukoy ng may-akda na may 50 porsiyento ng kabuuang luntiang espasyo ang nabura sa mukha ng lungsod sa pagitan ng 1998 at 2008, ayon sa isang ulat.