Diktadura ay isang kataga na ginagamit ng maraming Benesolano para ilarawan ang nakalipas na ilang buwan nang salungatan sa pulitika sa kanilang bansa, na nagtapos noong 30 ng marso 2017 kung saan ang Kataas-taasang Hukuman ng Hustisya ay pinawalan ng bisa ang Pambansang Asamblea.
Ang aksyon na ito ay nag-sanhi ng mga protesta at ng mga negatibong reaksyon sa buong mundo. May mga ilan na inilarawan ito bilang “kudeta ng gobiyerno”. Para sa maraming mga Benesolano, ito na ang pagpapatibay na tuluyan nang nawala ang demokrasya sa kanilang bansa.
Sinakop ng Kataas-taasang Hukuman ang mga tungkulin ng Pambansang Asamblea at pinahintulutan ang presidente na si Nicolás Maduro na pamahalaan ang ilang tungkulin ng tagapagbatas, ngunit ito ay naging panandalian lamang — nag-bago ang desisyon ng Hukuman matapos ang ilang araw, na siya namang sinundan ng pag-hiling ng presidenteng Maduro na pag-isipan muli ng Hukuman ang naging desisyon nito.
Bagama't nagbalik na ang Pambansang Asamblea, ang mga organisasyon sa loob at labas ng bansa ay hindi parin kuntento. Ang mga nagpo-protesta ay patuloy parin ang pagkilos halos araw-araw kasama ang napakaraming tao, laban sa karahasan sa pulitika.
Napakaraming pambansang pamahalaan ang nag-pahayag ng kanilang pagkakaabala at kinundena ang mga nangyari sa bansa. At ang Organisasyon ng mga Estadong Amerikano, matapos ang isang sesyon sa panahon ng kagipitan noong 3 ng Abril ng 2017, ay pinagtibay ang isang resolusyon kung saan idineklara nila ang mga katatapos lamang na mga pangyayari sa Benesuwela bilang tila isang “abala sa kaayusang konstitusyonal”, at inilahad pa nito na:
Sa kabila ng katatapos lamang na pagrerebisa ng ilang bahagi ng nasabing mga desisyon, importante na tiyakin ng Pamahalaan ng Benesuwela ang ganap na pagbabalik ng demokratikong katiwasayan.
Ang mga nangyari noong mga nakalipas na linggo ay ilan lamang sa mga serye ng mga pagbabawal kamakailan lamang na syang nag-limita sa mga kagawaran ng Pambansang Asamblea, ito ay nagsimula nang ang oposisyon ng Benesuwela ay nakuha ang dalawang-katlo sa mga estado noong halalan ng Disyembre 2015.
Ano ang nag-dulot ng ‘kudeta ng gobiyerno’ sa Benesuwela?
Noong Enero 2016, sinuspende ng Kataas-taasang Hukuman ang pagkaka-halal ng apat na mambabatas –tatlo dito ay kaanib ng oposisyon at isa ay kaanib ng partido ng gobiyerno– ng estado ng Amazonas na sinasabing may mga iregularidad sa boto. Ang palisan na Pambansang Asamblea na siyang kontrolado ng Nagkakaisang Partidong Sosyalista ni Maduro ay naghirang ng mga hukom na kaugnay ng gobiyerno, at ang oposisyon ay pinagbintangan ang hukuman ng pag-alis ng [boto ng] mayorya sa kanila –na, bukod sa ibang bagay, nagbigay karapatan sa kanila upang tanggalin ang mga hukom ng Kataas-taasang Hukuman.
Kasunod nito, nagpatuloy at pinasumpa ng oposisyon ang mga nasabing tatlong mambabatas. Bilang sagot, ang Kataas-taasang Hukuman ay nag-pasiya na ang kabuuan ng Pambansang Asamblea ay nanghamak at lahat ng kanilang desisyon ay walang bisa. Binawasan ang badyet ng mga mambabatas at halos hindi nabayaran para sa mahigit na sampung buwan nilang trabaho, na may sahod na 38 dolyares bawa't buwan.
Ang kawalan ng pagkakasundo ay nagpatuloy hanggang Oktubre, nang ang Pambansang Konseho sa Halalan ay sinuspende ang ‘recall election’ (proseso kung saan maaring paalisin ng mga botante ang isang nahirang na opisyal sa katungkulan bago pa man matapos ang kaniyang termino) laban sa presidenteng Maduro at ipinagpaliban ang halalan sa mga rehiyon hanggang sa 2017 na mas malaon sa itinakdang konstitusyonal na petsa. Ang oposisyon ay pinagbintangan ang presidente na si Maduro at ang mga tagasuporta nito ng pagpa-plano ng mabagal na kudeta, at pinaburan ang paguumpisa ng isang “pulitikal at kriminal na paglilitis” laban dito.
Noong Enero 2017, ang Pambansang Asamblea–na patuloy paring kinikilala bilang walang bisa– bumoto muli upang ilahad na “inabandona ni Maduro ang kanyang puwesto” at upang manawagan para sa bagong halalan.
Matapos hindi payagan ng Pambansang Asamblea ang kompanya ng langis ng bansa na makipag-ugnayan sa mga privadong kompanya, lalo na sa Tsina at Rusya, dumulog ang gobyerno ni Maduro sa Kataas-taasang Hukuman, na syang nag-desisyon na hindi lamang mananatiling walang bisa ang tagapagbatas, kung hindi sasakupin narin nito (ng Hukuman) ang tungkulin na gumawa ng batas.
Kawalan ng pagkakasundo sa pulitika
Para sa isang karaniwang nagmamasid na nababasa ang mga pamagat sa internasyonal na media, sinubukan na ng Benesuwela na lutasin ang isang krisis sa mga nakalipas na mga taon, at ang saglit na resolusyon ng Kataas-taasang Hukuman ay ang pinaka-bagong pangyayari.
Gayunman, hindi lamang iisa ang krisis ng Benesuwela. Napakarami ang krisis [sa bansa], lahat magkaka-ugnay at apektado ang lahat ng mga karaniwang Benesolano.
Ang una ay ang pulitika. Ang namayapang si Hugo Chávez, na namatay noong 2013, ay pinili ang presidenteng si Nicolás Maduro bilang kanyang kahalili. Ang sabi ni Maduro ay sinisikap nyang udyokin ang Rebolusyon ng sosyalistang Bolivariana ni Chávez, na dapat mag-dala ng demokrasya sa bayan at bawasan ang mataas na antas ng kahirapan sa mga Benesolano.
Ngunit hindi naging karapat-dapat sa pagtitiwala at respeto ng publiko si Maduro tulad ng kaniyang hinalinan. Sa kalagitnaan ng 3 taong krisis sa ekonomiya at walang-katulad na antas na mararahas na krimen at kahirapan, ang katanyagan ni Maduro ay umabot sa pinaka-mababang punto sa mga nakalipas na taon. Naakusahan din ito ng paggamit ng mga pamamaraang awtoritarian upang ihinto ang mga hindi pagkakasundo. Ang kanyang pamahalaan ang siyang nag-supil sa mga protesta, nag-tuligsa sa pahayagan at nag-higpit sa kalayaan sa pagsasalita. Ang mga oposisyon, kritico at mga mamamahayag na ang siyang trabaho ay ipakita ang negatibong aspekto ng gobyerno ay nanganganib na mabilanggo. May mga iba na nanguna nang nagsilisan. Mayroon namang iba na nanahimik na lamang.
Ang oposisyon ng Benesuwela ay pangunahing kinatawan ng Pagpupulong ng Samahang Demokratiko (o sa Kastila ‘Mesa de la Unidad Democrática’), koalisyon ng iba't-ibang partido mula sa gitnang uri hanggang gitna-kaliwang uri. Gayunpaman, maraming Benesolano ay walang tiwala sa ilang miyembro ng koalisyon, na kabilang ang mga pulitikong aktibo sa pulitika sa loob ng maraming dekada, noong kasagsagan ng nakakamatay na kahirapan at kung saan ang malaking bahagi ng populasyon ay pinagkaitan ng kanilang mga karapatan.
Pinagsama ng koalisyon ang maraming grupo at partidong pulitikal na magkasalungat, ngunit hanggang ngayon ay may mga pagtatalo parin tungkol sa kapangyarihan at hindi pagkakasundo sa ideolohiya at mga pulitika. Gayundin, sa konteksto ng mga kamakailang protesta, hindi lahat ng mga nagpo-protesta ay sumusuporta sa isang partidong pulitikal lamang. Ilan sa mga nagsilabasan sa mga kalye ay sumusuporta sa ilang partikular na pangkat, habang ang ilan ay mas interesado sa kabuuan ng mga demokratikong simulain at mga karapatang pang-ekonomiya.
Mabilis na pagbagsak ng ekonomiya at krisis sa pagkain
Mayroong paraan ang pulitka upang makakuha ng impormasyon tungkol sa iba't-ibang aspekto ng buhay sa Benesuwela, ngunit ang mga lubos na kinakailangan ng mga bayanbayanan ay kadalasang may kinalaman sa ekonomiya.
Nangibabaw ang isang matinding krisis sa ekonomiya sa administrasyon ni Maduro. Nakadepende ang bansa sa mga kinikita sa petrolyo, ngunit bumaba ang presyo ng petrolyo sa mga nakaraang taon, at ang pamahalaan ay hindi nakayang matumbasan ang mga pinsalang ito. Ang tasa ng implasyon ng Benesuwela, na syang higit sa 50% mula pa noong 2014, ay umabot sa 800% sa pagtatapos ng 2016 at tuloy parin ang pagtaas nito. Sa kabilang dako naman, ang mga namumuno ng salapi ay nilimitahan ang mga angkat, na syang nagdulot ng pagkakagipit sa suplay. Kontrolado ng pamahalaan ang halaga ng mga pangunahing pangangailangan, ngunit ang ilegal na pamilihan ay mayroon paring malakas na impluwensya sa halaga [ng mga produkto]. Ang halaga ng mga pangunahing pangangailangan ay maaaring tumaas sa loob lamang ng ilang araw, at simbilis din na maaaring bumaba ang [halaga ng] pambansang salapi.
Taggutom at kasalatan ang ibig sabihin nito sa mga simpleng mamamayang Benesolano. Ang kakapusan sa pagkain ay maaaring makita sa mahahabang pila sa loob at labas ng mga pamilihan at sa mga pagtatangkang pagtawid sa teritoryo ng Kolombiya upang bumili ng mga pangunahing pangangailangan.
Bagama't ang bilang sa kakapusan sa pagkain ay hindi pa tiyak, nagdulot [na ito] ng pandarambong at kapansing-pansin na pagbabago sa pangkaraniwang pagkain ng mga Benesolano.
Pinabulaanan ng pamahalaan at ilang pamahayagan na mayroong nagbabadyang tagsalat –na syang kinatatakutan sa ilang bahagi ng bansa– at sinabi na ang balitang ito ay bahagi ng isang kampanya na naglalayon na siraan ng puri ang pamahalaan.
Gayunpaman, ang mga hindi pamahalaang organisasyon ay nagsabi na hindi nila maaaring uriin ang problema dahil sa kakulangan sa karampatang impormasyon. Sa mga nakaraang taon, na syang nagpalala sa kahirapan at krisis sa ekonomiya, ang mga opisyal na Benesolano ay hindi nag-presenta ng mga bagong impormasyon.
Mga paraan ng komunikasyon at karapatan sa mga impormasyon
Para sa mga Benesolano, mahirap makakuha ng mga impormasyon tungkol sa lahat ng mga nangyayari sa kanilang bansa.
Ang karapatan sa impormasyon ay nanganganib dahil sa paghihigpit sa mga paraan ng pakikipag-komunika, tendensiya na mahirap labanan bilang isa sa mga may pinaka-mahinang koneksyon sa internet ang Benesuwela sa buong rehiyon.
Sa gitna ng panahon kung saan marami ang mga ugong-ugong at mga atake na galing sa magkabilang panig, ang mga gamit na pang-komunika ng mga mamamayan ay naging isa sa mga importanteng pinagmumulan ng balita tungkol sa mga protesta at panunupil. Ang mga websayt na nagbibigay impormasyon tungkol sa ekonomiya at halaga ng salaping banyaga ay naging mga mahalagang mapagkukunan ng balita, at ang sya namang ngayong pinupuntirya ng pagsesensurang pampulitika.
Krisis sa kalusugan, sa karahasan at mga malawakang aktibidad upang makatulong
Dumaranas din ang Benesuwela ng krisis sa kalusugan, isa sa mga pinaka-maligalig na paglilinay na nagaganap ngayon sa loob ng bansa sa Timog Amerika.
Ang kawalan ng mga gamot at ang hindi mabuting pasilidad at ang pagbubukod sa mga katutubo ay nagkaroon ng masaklap o nakamamatay na resulta. Bumaling ang mga Benesolano sa mga social media at sa tulong ng ibang tao upang makuha ang mga gamot na kailangan nila.
Ang karahasan ay tumaas din sa mga nagdaang dekada. Ang antas ng pagpaslang sa Benesuwela ay isa sa pinaka-mataas sa buong mundo. Ang problema na ito ay nagsanhi, lalo na sa mga iskwater sa lunsod, ng pag-puri ng mga Benesolano sa mga kriminal sa halip na sa mga santo.
Ang mga pamayanang organisasyon ay nagsisikap para sugpuin ang tumataas na antas ng karahasan. Kagaya na lamang ng grupong ‘Caracas, Mi Convive’ na sa nakaraang anim na taon ay nagdaraos ng mga workshop upang makaiwas sa karahasan at iba pang mga gawain na naglalayong mabawi ang mga espasyo para sa publiko:
Mga batang malayang naglalaro sa kalye, kumakanta at tumatawa, mga may-ari ng mga lugar, ganito, kagaya ng nasa bidyo na ito ang gusto naming mangyari sa bawat pamayanan sa Caracas at sa bansa.
Ang aming layunin ay ang bawasan ang karahasan sa pamamagitan ng pag-iwas, na syang tutulong sa pagkakaroon ng isang mapayapang siyudad.
Sa kabila ng mga pagsisikap na pabutihin ang situwasyon, napilitan ang maraming Benesolano na umalis ng bansa dahil sa masalimuot na realidad. Samantala sa bandang pulitika naman, nagsisisihan ang mga partido habang lumalala ang krisis.
Magbasa pa sa pagbabalita ng Global Voices tungkol sa Benesuwela:
Krisis sa pulitika
- Ito na ba ang katapusan ng pang-limang republika ng Benesuwela? (3 Mayo 2017)
- Ang karahasan sa pulitika ay patuloy parin ngunit bigo sa pagpigil sa mga protesta (29 Abril 2017)
- Mga pahayag ng pagpapahirap at mga paratang ng terorismo sa mga protesta sa Benesuwela (18 Abril 2017)
- Protesta, sagupaan at mga estratehiya ng mga impormasyon ay pinuno ang mga kalye at social media sa Benesuwela (7 Abril 2017)
- Matapos ang 14 na buwan na kalagayang pangkagipitan sa Benesuwela, binuwag ni Maduro ang Batasan (31 Marso 2017)
- May mga ideya ang mga Benesolano para sa mga kontra kay Trump (26 Enero 2017)
- Hinarangan ng gobyerno ng Benesuwela ang mapa ng eleksiyon at hinayag ng oposisyon na ito ay “diktadura” (23 Oktubre 2016)
- Mga gabay para maintindihan ang krisis sa Benesuwela (25 Mayo 2016)
Kalusugan at pangamba sa pagkain
- Mga istorya, links at litrato ng mga organisasyon na maaaring binabago ang pamumuhay sa Caracas (3 Disyembre 2016)
- Ang kalusugan ng Benesuwela ay nakasalalay sa mga mamamayan nito ( 2 Hunyo 2016)
- Mga pagtitipon at pandarambong ay pinalalala ang tensiyon sa iba't-ibang panig ng Benesuwela (12 Mayo 2016)
- Epidemya ng AIDS halos ubusin ang mga katutubo sa Benesuwela (13 Enero 2016)
Karahasan, pagkakahati ng lipunan at pangingibang bayan
- Mga nandayuhan na Benesolano hinaharap ang diskriminasyon at burukrasya sa gawing hilaga ng Brasil (12 Abril 2017)
- Mga kaguluhan ng “El Caracazo” ay patuloy paring sentro ng mga debate sa Benesuwela, matapos ang 28 taon (28 Febrero 2017)
- Ang debate tungkol sa kaugnayan ng sining sa pulitika sa Benesuwela ay ulo ng balita sa social media (8 Enero 2017)
- Ang pinaka-mahirap na tanong para sa mga Benesolano: ako ba'y mananatili o aalis? (25 Noviembre 2016)
- Sa Benesuwela, maging ang mga pulis ay humayo laban sa hindi kasiguraduhan (21 Agosto 2015)
- Ang ebanghelisasyon sa espiritu ng mga kriminal sa Benesuwela: bakas ng paglaganap ng karahasan sa bansa? (3 Hunyo 2015)
Mga banta sa kalayaan sa pagsasalita
- Dumadami ang mga protesta, pagsensura sa mga websayt at telebisyon sa Benesuwela (7 Abril 2017)
- Cameraman ng on-line channel ay ikinulong dahil sa pagpapalabas ng mga protesta sa Benesuwela (7 Abril 2017)
- Nanganganib nanaman ang kalayaan sa pagsasalita matapos ang pagsuspinde sa CNN sa salitang Kastila sa Benesuwela (17 Febrero 2017)
- Karikaturistang Benesolano na sapilitang ipinatapon ay patuloy parin sa pagguguhit ng panunupil sa kaniyang bansa (27 Nobyembre 2016)
- Ikinulong ng pamahalaang Benesolano ang mga nagpublika ng mga bidyo sa kasong “Paguudyok ng rebelyon” (5 Oktubre 2016)
- Ang pagkakakulong ng patnugot ng isang websayt ng balita ay lalong nagpaalala tungkol sa kalayaan sa pagsasalita sa Benesuwela (14 Setyembre 2016)
- Benesuwela: Napatunayan ng isang imbestigasyon ang sensura sa daungan ng mga balita at sa websayt ng halaga ng palitan (24 Mayo 2016)
- Benesuwela: kalayaan sa pagsasalita sa harap ng pagguho ng mga telekomunikasyon (3 Hunyo 2016)
- Bilis ng transmisyon, labis na inaasahan: Digital na pagsubaybay sa mga eleksyon sa Benesuwela (15 Disyembre 2015)
- ‘Kailangan naming maging maingat pati narin sa kung ano man ang mga iisipin namin': Pag sensura sa sarili sa Benesuwela (18 Febrero 2015)