
Imahe galing kay Giorgi Ninos, ginamit nang may permiso.
Mag-isa siyang nakaupo sa isang puting silid noong nagsimula ang tawag namin. Makikita sa mga mata ni Natia Bunturi ang tindi ng mga pangyayari kamakailan kung saan direkta siyang naging target ng riot police habang may protesta.
Tila sumasalamin ang kaluskos ng apoy ng nasusunog na panggatong sa mapayapang buhay ng kanyang nayon na matatagpuan sa gitna ng kahanga-hangang Bundok ng Caucasus. “Sa lupaing ito, dito ako nakatira; dito, nagtayo ako ng bahay at entablado; dito, pinapawi ko ang lamig gamit ang panggatong; dito, may mga alagang hayop ako at hardin ng gulay.” Noong marinig ko ito, naisip kong gusto lang niyang mamuhay nang payapa sa sarili niyang bansa. Pero hindi lang kinailangang talikuran ni Natia ang kaginhawaan para protektahan ang kanyang mga pinahahalagahan, pinarusahan din siya dahil sa paninindigan para sa kanyang mga karapatan.
“Magagandang mata,” nasabi niya habang nakatitig sa asul na mata ng isang riot police. “Mababait na mata.” Ang mga hindi inaasahang banayad na salitang ito, nasabi sa gitna ng takot at pagkalito, ang bumabagabag sa kanya ngayon. “Pinagsisisihan kong sinabi ko ‘yon,” ang pag-amin ng ballerina. “Hindi sila nararapat sa kabaitan ko.”
Isang paradox ni Natia Bunturi ang sandaling iyon: isang mananayaw na may kabigha-bighaning galaw at ngayon isang rallyista na pinatapang ng malupit na reyalidad ng karahasan ng mga pulis. Sa loob ng mahigit apat na dekada, inialay ni Natia ang sarili sa mahigpit na disiplina ng ballet. Ngayon, nakatayo siya sa harapan ng laban ng Georgia para sa kinabukasan nito sa Europa, hinahamon ang isang gobyerno na ayon sa marami ay naging traydor sa mga mamamayan nito.
Nagsimula ang mga protesta noong November 28, 2024, bilang sagot sa naging anunsyo ni Prime Minister Irakli Kobakhidze na ipagpapaliban hanggang 2028 ang usapin ng accession sa European Union (EU). Winasak ng desisyong ito ang isang bansa kung saan sinusuportahan ng higit sa 80 porsyento ng mamamayan ang EU membership. Libo-libo ang dumagsa sa mga lansangan ng Tbilisi, humihiling ng snap election, sa paniniwalang ang desisyong ito ang sukdulan pagkatapos ng kontrobersyal na resulta ng parliamentary elections na ginanap noong October 26, 2024. Kabilang sa kanila si Natia, nakasuot ng thermal na damit at matibay na bota, handang harapin ang mga water cannon at tear gas.
Nagsimula ang laban ni Natia sa magulong hinaharap ng ekonomiya ng Georgia noong 1990s. “Isa akong '90s kid, at napagdaanan ko ang mahirap na panahong iyon,” ang kuwento niya, inilalarawan ang imahe ng isang kabataaang puno ng pagsubok, pero sa parehong paraan, puno ng katatagan. Dinala siya ng kanyang talento sa Estados Unidos, sa ballet scene ng Philadelphia, pero nanatili sa Georgia ang puso niya. “Pinanood ko ang mga pagbabago mula sa malayo — ang Rose Revolution, ang muling pagtatayo ng ating Opera House — at alam kong kailangan kong bumalik,” sabi niya.
Sa loob ng ilang taon, nagtanghal si Natia sa entablado ng opera ng Tbilisi at ballet theater, ipinakikita ang kaaya-ayang ganda ng kanyang sining. Pero ayon sa kanyang paniniwala, ang ballet, ay higit pa sa isang sining. “Disiplina iyon. Isang sakripisyo. Dito matututunan kung paano tiisin ang sakit at magpatuloy. Iyan ang ginagawa ng mga Georgian sa ngayon.”
Noong ginawa ng Prime Minister ang nakakagulat na anunsyo, [ang pagpapaliban ng EU accession plans], nakadama si Natia ng matinding pakiramdam ng pagtataksil at galit.
“Umaasa pa rin ako na may magbabago; iniisip ko pa rin hanggang ngayon, na sa kabila ng mga pagsubok, kumikilos kami patungo sa isang sama-samang layunin bilang isang bansa.” Pumukol sa kaibuturan ng pagkatao ni Natia ang desisyon ng gobyerno, sa mga pangarap niya, at paniniwala sa mas magandang kinabukasan para sa kanyang bansa.
“Ballerina nga ako,” ang sabi niya, “pero isa rin akong mamamayan ng Georgia. Paano ko proprotektahan ang pagkatao at propesyon ko kung di ko proproteksyunan ang bansang ito?”
Hindi reaskyon sa anunsyo ng gobyerno ang desisyong sumama sa protesta. Nasaksihan niya mismo ang paghihirap ng mga mamamayan ng Georgia at ang katatagan nila sa harap ng mahirap na ekonomiya at magulong politika. Nakita niya ang pag-asang kumislap sa kanilang mga mata noong sinimulan ng Georgia ang daan patungo sa pagsanib sa Europa, at nadama niya ang sama-samang lungkot noong tila kinitil ng gobyerno ang pag-asang iyon noong ginawa ang desisyon.
Ipinagpalit ni Natia ang sapatos niyang pang-ballet para sa mga karatula ng protesta. Isa itong paglipat mula sa entablado patungo sa lansangan, isang simbolo ng hindi natitinag niyang pangako para sa kinabukasan ng bansa niya sa Europa. Napalitan ang mga nakakabighani niyang galaw ng mga determinadong hakbang ng isang tagapagtanggol ng kalayaan sa kalsada ng Tbilisi.
“Pagod na pagod at hirap na hirap na ang mga taong ito, marami sa kanila ang tumatayo gamit ang bugbog nilang mga paa at pumupunta pa rin sa mga rally; isa rin itong kagilagilalas, makabayang puwersa,” sabi niya. “Parang sa ballet,” paliwanag ni Natia. “Napapagod ka at hindi makahinga, at nahihilo ka, pero diyan ka kumukuha ng stamina; nararanasan din ito ng mga taong ito ngayon.”
Isa sa pinakamadamdaming sandali ng interview ni Natia ay noong alalahanin niya ang oras na kinompronta siya ng mga pulis. Naalala niyang tumingin siya sa mga mata ng mga opisyal ng riot police, nakikita ang kabaitan nila kahit handa silangg gumawa ng karahasan sa kanya.
“Nakasuot sila ng maskara, pero nakikita ko ang mga mata nila,” sabi niya. “Alam mo kung gaano karami ang malalaman mo sa mata ng isang tao? Asul ang mata ng isa sa mga pulis at sinabi ko sa kanya, ‘Maganda ang mga mata mo,’ ‘Mabait ang mga mata mo,’ ‘Mukhang mabubuti kayong tao,’ ‘yan ang sinabi ko sa kanya.”
Mabilis na maiintindihan ng sinuman na nabanggit ang mga salitang iyon sa sandali ng kahinaan at takot. Ngunit mas maraming sinasabi ang ginawa ni Natia, isa itong pagtatangkang makiusap sa awa ng mga opisyal ng riot police. Pero sinuklian ng karahasan ang mga salita niya:
“Nang walang abiso, dalawang beses akong sinuntok ng isa sa kanila. Dalawang beses. Bigla akong hindi makagalaw noong mga sandaling iyon. Ni hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon dahil hindi ‘yon kapani-paniwala.
“Inosente siguro ako, walang alam, kasi ibang-iba ang kinalabasan ng lahat, at nagsisisi ako na may sinabi akong maganda dahil hindi tugma sa naging aksyon nila ang mabubuti kong salita, ” naisip niya. “Sana tumahimik na lang ako, sa kasamaang palad, hindi talaga sila nararapat sa kahit anong mabait na salita mula sa akin.” Ang pagsisisi niya, isa itong matapang na paalala kung paano pinalulupit ng karahasan ang mga tao.
Nakikita ni Natia sa hinaharap ang isang kinabukasan kung saan kayang matukoy ng mga tao ang kapalaran nila. Pangarap niya ang isang Georgia na tunay na demokratiko at Europeo. “Napakamatiisin ng mga tao sa Georgia at nararapat sila sa isang gobyernong walang pakialam sa mamahaling ari-arian at maluluhong sasakyan,” ang sabi niya. “Malaki ang binayad namin para sa kalayaan at hindi namin kukunsintihin kahit maliit na pagkakamali mula sa isang mataas na opisyal na papasok sa parliameto sa hinaharap,” sabi niya.
Gusto ni Natia na malaman ng buong mundo na hindi pa sumusuko ang mga mamamayan ng Georgia sa pangarap nilang maging Europeo. Inaasahan niyang gagawa ng aksyon ang mga sumusubaybay sa mga pangyayari sa dulong timog-silangan ng Europa na kumilos para makapagpatuloy ang mga taong tulad niya at iba pa na gumawa ng mga pagbabago sa sariling bansa at sa buong mundo.
“Gusto kong sabihin sa mundo na bayani ang mga taong ito; gagawin nila ang lahat para sa kalayaan, at kailangan makita ng mundo kung sino ang nakatayo roon. Seryoso ang mga taong ito at ipinaglalaban nila ang isang mas magandang kinabukasan, katotohanan, hustisya, at pagkakapantay-pantay.”
Isang tawag para sa pagkilos ng global na komunidad ang mga salita ni Natia. Hinihimok niya ang mundo na makiisa sa mga mamamayan ng Georgia sa laban nila para sa kalayaan at demokrasya.
“Doon sa kayang tiisin ang rehimen mula sa labas, hihilingin ko sa kanilang gawin ang hakbang na ito,” ang pagmamakaawa niya. “Mga illegal prisoner, political prisoner … Mahalaga ang pagpapalaya sa kanila habang may oras pa dahil nilalason ng sistema ang buhay ng daan-daang kabataang may talento at nais ng kalayaan. Tulungan ninyo kaming pagbayarin ang rehimeng ito. Dapat magwakas ang mga ilegal na pag-aresto, political prisoner, at pang-aapi”.
Habang nag-iipon ng lakas si Natia para sa isa na namang protesta, ang stamina niya ay tulad sa kung paano niya ilarawan ang ballet. “Hindi kami mapapagod,” ang sabi niya. “Magsusuot ako ng thermal na damit. Sa wakas ay tuyo na ang mga bota kong nababad sa water cannon. Babalik na ako sa labas. Kailangang matapos iyon!”
Sa mga mata ni Natia Bunturi, isang laban ng katatagan at pag-asa ang pakikibaka ng Georgia. Tulad ng mga galaw ng isang perpektong sayaw, para kay Natia, mahalaga ang bawat hakbang.