
Ilustrasyon mula sa Minority Africa, ginamit na may permiso.
Ang kuwentong ito ay isinulat ni Patricia Namutebi at orihinal na inilathala ng Minority Africa noong ika-16 ng Nobyembre, 2024. Ang binagong bersyon na ito ay muling inilathala sa ibaba bilang bahagi ng isang kasunduan sa pagbabahagi ng nilalaman. Binago ang lahat ng pangalan upang protektahan ang mga pagkakakilanlan.
Hindi kailanman nakilala ni Jane Francis ang kanyang ama. Sa edad na 15, sinamahan niya ang kanyang ina para sa isang nakakatuwang araw sa siyudad. Habang nandoon, nakita nila ang isa sa mga kaibigan ng kanyang ina, na nagsabing “Kamukhang-kamukha mo talaga siya!”
“Kapatid ko siya,” sagot ng kanyang ina.
“Nanlumo ako,” naalala ni Francis. “Kalaunan, sinabi ng aking ina na tanggapin ito dahil hindi niya maipaliwanag sa mga tao na anak niya ako.”
Ikinagulat ito ni Francis pero hindi na niya kinulit ang ina dahil siya lang ang tanging kamag-anak niya. Noong 17 taong gulang na siya ay saka lang ibinunyag ng kanyang ina ang katotohanan kung paano siya nabuo: Ginahasa siya sa kuwarto ng kanyang hostel. Pinaghihinalaan ng nanay ni Francis na ang lalaking umupa sa katabing kuwarto ang may sala, pero palagi itong itinatanggi ng lalaki. Noong panahong iyon, 18 lang ang nanay ni Francis.
“Umaasa ang aking ina na magagawa niya itong ipaaresto isang araw, at makapagpapagawa ng DNA test, kuwento ni Francis. “Hindi niya pa rin matanggap.”
Panggagahasa ang isa sa mga pinakakaraniwang krimen sa Aprika. Sa kamakailang pananaliksik ng Equality Now, binigyang-pansin ang ilang pagsubok na kinakaharap ng mga survivor sa paghahanap ng hustisya, kabilang ang hindi sapat na pagtukoy sa mga depinisyong legal, mahinang pagpapatupad ng batas, mga haka-haka tungkol sa panggagahasa sa lipunan, at paninisi sa biktima. Pinipigilan ng mga isyung ito na makarating sa korte ang maraming kaso, mas kaunti pa ang humahantong sa mga paghatol, na nagiging dahilan para makaiwas sa parusa ang maraming may sala. Dahil dito, naiiwang mahina ang mga survivor, salat sa hustisya at mga importanteng serbisyo ng suportang kailangan nila.
Mula ng malaman niya ang dahilan kung paano siya nabuo, kinuwestiyon na ni Francis ang kanyang pagkatao. “Hindi ko kilala ang tatay ko, hindi ko rin kilala ang aking angkan,” sabi niya.
Hindi ko maramdaman na bahagi ako ng kahit ano. Sabi ng aking ina, nakakahiya ang magkaanak nang walang angkan. Kailangan ko laging magkunwari bilang kapatid niya, dagdag pa niya.
Naalala niya ang isang pangyayari sa eskuwela kung saan tinanong sa kanya ang apelyido niya, isang pangalang nagmula sa isang angkan:
Nagiging katatawanan ako tuwing binabanggit ko ang aking pangalan, dahil lumalabas ang mga komento na wala akong angkan. Bakit hindi ako puwedeng magkaroon ng sarili kong pangalan kung hindi ako kabilang sa kahit anong angkan o pamilya?
Hindi pa naging kasinghalaga ang pangangailangan na alamin ang pinanggalingan ng isang tao kaysa sa bansang ito sa Silangang Aprika ngayon. Sa maraming kultura sa Uganda, karaniwang patriarchal ang mga apelyido, ipinapakita ang angkan ng ama. Ipinapakita nito ang pangkat etniko, angkan, pagkakakilanlan ng pamilya. May sariling tradisyon sa pagpapangalan ang bawat pangkat etniko, at puwedeng maipakita ng apelyido ang pinanggalingan, ninuno, at katayuan sa lipunan, na napakahalaga sa mga organisasyon sa lipunan at mga relasyon.
Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng apelyido sa legal na pagkakakilanlan, na importante para sa dokumentasyon gaya ng mga birth certificate, national ID, at pagmamay-ari ng lupa.
Madalas mangarap si Francis na umalis ng bansa para maghanap ng mas magagandang oportunidad, umaasang makapagsimula muli, at makabuo ng sarili niyang pamilya.
Mga ilang taon na ang nakararaan, noong sinubukan kong mag-apply ng passport sa opisina ng passport dito sa Uganda, sinabi sa akin ng nanay ko na magpunta ako at kunin ang mga detalye ng aking ama, kahit inamin niyang hindi niya alam kung nasaan ito.
Nagbago na ang mga requirement; sa ngayon, hindi na kailangang magbigay ng impormasyon ng ama ang mga indibidiwal kung hindi ito alam. Sa pagkakatatag ng National Identification and Registration Authority (NIRA) noong 2015, isang ahensya ng gobyerno na namamahala sa Pambansang Rehistro ng Pagkakakilanlan, mas naging automated at inklusibo ang sistema.
Ipinaliwanag ni Michael Muganga, Public Relations Officer ng NIRA na ang mga batang ipinanganak na bunga ng panggagahasa o di planadong pagbubuntis ay ikinakategorya bilang ulila. “Sa NIRA, kinikilala namin ang mga ulila at nirerespeto ang pangalan ng kanilang pagkakakilanlan,” sabi niya. Tinutukoy ng terminong “ulila” ang isang batang inabandona at ginagamit sa mga opisyal na dokumento na may kaugnayan sa kapakanan, pag-aampon, o citizenship kapag hindi kilala ang magulang, o itinanggi ang karapatan nila bilang magulang.
Pinayuhan ni Muganga ang mga aplikante na masusing suriin ang identification form. “May isang seksyon na nagsasabing ‘hindi kilala ang ama.’ Dapat punan ng kahit sinong biktima ng panggagahasa o di planadong pagbubuntis ang kahon na iyon,” paliwanag niya.
Gayunpaman, matapos tingnan ang aplikasyon, nakita na bagamat may opsyon na piliin ang “hindi kilala ang ama,” para makompleto ang form, walang katumbas na opsyon para sa “hindi kilala ang ina,” kaya walang magawa ang mga indibidwal na ulila o walang ina.
Isa pa, ibang karanasan ang inilalarawan ng maraming indibidwal na dumaan sa personal na interview sa NIRA . Sa pag-fill out ng aplikasyon sa passport online, kinakailangan ng mga aplikanteng ibigay ang detalye ng magulang, gaya ng angkan, apelyido sa pagkadalaga ng ina, at impormasyon tungkol sa kung saan ipinanganak ang kanilang mga magulang, kabilang ang bayan, probinsiya, at nayon.
Para maberipika ang Ugandan nationality kapag pinapunta para sa personal na interview, na kasama rin ang pagkuha ng litrato at fingerprints, may mga karagdagang tanong din sa mga aplikante, kabilang ang mga may kaugnayan sa lengguwahe ng kanilang ina. Kapag nahirapan ang mga aplikante na magsalita ng diretso o ipahiwatig na hindi sila nagsasalita sa ganoong lenngguwahe sa anumang dahilan, may ibang sinasabihang magdala ng kamag-anak para makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan.
Ayon kay Muganga, para maging madali sa kanila ang pagkuha ng mga opisyal na dokumento, dapat magdala ng mga pangsuportang dokumento ang mga organisasyong nagtatrabaho para sa mga batang hindi kilala ang magulang tulad ng police report, kapag pinoproseso ang pagkakakilanlan para sa mga ulila.
Itinatag ni Stella Anam, director ng War Victims and Children Networking (WVCN) sa Northern Uganda ang kanyang organisasyon para tulungang makabangon muli ang mga kababaihan at kabataan na naapektuhan ng hidwaan ng Lord’s Resistance Army (LRA), isang nagpapatuloy na kilusang insurhensiya laban sa gobyerno ng Uganda na nagresulta sa paglikas ng higit isang milyong tao at nagdulot ng higit 100,000 pagkamatay, ayon sa mga pagtatantya ng United Nations. Daang libong bata ang nawalan ng tirahan at maraming naging ulila dahil sa hidwaang ito. Tinutulungan ng WVCN ang mga batang ito, marami sa kanila ay hindi matunton ang kanilang angkan, sa pagpaparehistro at pagkuha ng mga dokumento ng pagkakakilanlan.
Isang pagsubok na kinakaharap ng organisasyon, kahit na nagsumite na sila ng mga kinakailangang papeles, tinatanong pa rin ng mga opisyal ng NIRA ang tungkol sa pagkakakilanlan at angkan ng ama ng mga batang ito. Sinabi ni Anam na kahit may mga mabuting nangyari sa pakikipagpulong sa ilang opisyal ng NIRA noong 2023, nananatili pa rin ang isyu.
Apat na taong gulang si Aciro Sandra noon nalaman niyang ipinanganak siya sa South Sudan, kung saan nakakulong ang kanyang mga magulang sa ilalim ng LRA, na pinamumunuan ni Joseph Kony. Pagkalipas ng ilang taon, noong nag-apply siya para sa national ID, nag-alangan siyang ibigay ang detalye tungkol sa kanyang ama.
“Natatakot akong gamitin ang pangalan niya dahil sa kanyang background,” sabi niya. Mula sa pagiging bilanggo, naging isang LRA commander ang kanyang ama. Noong 2004, pinalaya ang kanyang pamilya at nanirahan sila sa bayan ng Gulu, isang siyudad sa Hilagang Uganda. Ngayon, nakalagay sa mga dokumento niya ang detalye ng kanyang ama, kahit nakatira na siya sa ibang bayan kung saan walang nakaaalam sa nakaraan ng kanyang ama.
Mula nang umuwi siya, kinakaharap ng mga biktimang tulad ni Sandra ang stigma, karahasang batay sa kasarian, at hindi pagtanggap.
Sa kabila ng lahat ng iyan, nagdurusa pa rin sa trauma at hindi pagtanggap ng kanilang mga ankan ang mga biktima, lalong-lalo na ang mga bata, na humahantong sa matinding pagsubok sa pagkakakilanlan, dagdag pa ni Anam.
Isa sa mga nakinabang sa sinimulan ni Anam ang nagbahagi ng karanasan:
Kahit na biktima ako, hindi ako puwedeng magsalita tungkol sa panggagahasa. Taboo ito rito, baka ni hindi ako makapag-asawa dahil doon.
Nahihirapan pa rin si Francis dahil sa trauma na galing sa karanasan ng kanyang ina. Umaasa siya sa isang sistema ng hustisya sa Uganda na pinarurusahan ang mga may sala at sinusuportahan ang mga biktima, imbes na pinapahiya sila.
Minsan kapag nagsumbong ng panggagahasa ang mga kababaihan, naaakusahan silang malandi, o nanghikayat ng karahasan sa anumang paraan, na malayo sa katotohanan, sabi niyang halata ang pagkadismaya.
Ipinaliwanag ni Mary Nakiranda, isang abogado ng FIDA Uganda na walang espesyal na batas para sa mga ulila, itinuturing sila tulad ng ibang bata “Dahil resulta ito ng panggagahasa, kailangan lang silang tanggapin ng kanilang pamilya at ng lipunan,” sabi niya. Dagdag pa niya, “Kung kilala ng mga biktima ang mga taong responsable, dapat nila itong i-report sa pulisya o sa mga organisasyon tulad ng FIDA Uganda, na maaaring magsagawa ng mga DNA test para patunayan kung sino ang magulang. Hindi lang aakuin ng mga tatay ang responsibilidad, mapaparusahan din sila para sa krimen.”
Samantala, patuloy ang pagdistansya ni Francis sa mga lalaki, “Binabagabag pa rin ako ng kuwento ng aking ina. Hindi ligtas ang pakiramdam ko sa mga kalalakihan,” pag-amin niya. “Pinakakinatatakutan ko ang pagkakaroon ng anak. Inaalala ko kung paano ang magiging buhay nila (sa usapin ng pagkakakilanlan).”