‘Hindi kailangang iakma ng kababaihan ang mga sarili nila sa pananaw ng iba,’ saad ng Turkong aerospace engineer
Panayam kay Gökçin Çınar, mananaliksik na nagtatrabaho sa Georgia Tech
Sevgi Yagmur Bulut Shanelle RosCitizen Media
Ayon sa datos ng UNESCO (2014 – 2016), 30 porsyento lamang ng lahat ng babaeng mag-aaral sa buong mundo ay pumipili ng mga larangang may kinalaman sa STEM sa tersiyaryong edukasyon.
Malinaw na nakadokumento kung paano dumaragdag sa ganiyang hindi pagkakapantay-pantay ang mga pagkiling sa kasarian at mga nakasasamang stereotype na madalas itanim sa isipan ng mga bata mula sa murang edad.
Si Gökçin Çınar, isang 30 taong gulang na aerospace engineer mula sa İzmir, Turkey, ay kabilang sa minorya ng kababaihang kumuha ng karera sa STEM.
Kasalukuyan siyang mananaliksik sa Aerospace Systems Design Laboratory (ASDL) sa Georgia Institute of Technology (Georgia Tech) sa Atlanta, Estados Unidos. Ang trabaho niya ay sumesentro sa mga makabagong disenyo at teknolohiya ng sasakyang panghimpapawid na makatutulong na maging mas sustainable at hindi nakasasama sa kapaligiran ang paglipad.
Sa Youtube, nagpapatakbo ng isang sikat na channel tungkol sa agham at pag-iinhinyero sina Çınar at ang kanyang asawa. Ang mag-asawa ay madalas na nanghihikayat ng mga dalaga na sundin ang kanilang mga hilig at mga pangarap.
Nakausap ko si Çınar noong ikaapat ng Marso, bago ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, sa pamamagitan ng telepono at e-mail tungkol sa kaniyang karera, larangan, at mga pambihirang karanasan sa YouTube.
Na-edit ang panayam na ito para umikli.
Sevgi Yagmur (SY): Paano ka naging interesado sa aerospace engineering?
Gökçin Çınar (GÇ): Noong bata pa ako, lagi akong nahahalina sa konsepto ng paglipad. Naalaala ko na gusto kong maging isang piloto mula sa murang edad. Gusto ko ring bumuo ng mga bagay-bagay. Sa tingin ko, wala ni isang pangyayari o tao ang nagbigay ng inspirasyon sa akin, ngunit talagang galing sa mga lalaki sa pamilya ko ang parteng pag-iinihinyero. Napaka-hands-on at malikhaing tao ang ama ko. Lagi akong nag-e-enjoy tulungan siya sa pag-design at pagbuo ng mga bagay mula sa umpisa. Noong bata pa ako, may sarili akong maliit na martilyo na ginamit ko sa pagbuo ng mga kahoy na eroplano kasama ang lolo ko. Ang kailangan ko lamang gawin ay pagsamahin ang hilig ko sa paglipad at kalawakan sa interes ko sa pag-iinhinyero. Palagay ko na nakatadhana ito.
SY: Naharap ka ba sa mga stereotype ng kasarian noong pumipili ka ng disiplinang aaralin mo?
Ang aerospace engineering ay ang nag-iisang propesyong nagustuhan ko noong high school. Napakasaya ko at ng mga magulang ko nang makuha ko ang mga iskor ko sa university entrance exam na naglagay sa akin sa mga nangungunang paaralan at, higit sa lahat, sa pangarap kong larangan.
Hindi ko inasahan ang pagpunang makukuha ko mula sa mga kamag-anak ko, mga guro, o maging mga estranghero. Sa tingin ng maraming tao, wala akong kinabukasan sa aerospace engineering. Sa tingin ng ilan, “sinayang” ko ang iskor ko sa pagsusulit sa hindi pagpiling mag-aral ng medisina na tila mas bagay sa kasarian ko. Sa tingin ng iba, kung gusto kong mag-aral ng pag-iinhinyero, dapat na pumili ako ng mas “pambabae,” kung anuman ang ibig sabihin niyon. Pero hindi ako nakinig sa alinman dito. May tiwala ako sa kakayahan ko at alam ko kung anong gusto ko, kaya sa huli, wala itong ni katiting na epekto sa buhay ko. Sinuportahan ako ng mga magulang ko hanggang sa dulo, kaya pakiramdam ko na maswerte ako kung iisipin.
SY: Anong pinaka-excited ka sa trabaho mo?
Sumesentro ang pananaliksik ko sa mga makabagong disenyo at teknolohiya ng sasakyang panghimpapawid na makatutulong gawing mas sustainable at at hindi nakasasama sa kapaligiran ang paglipad. Bagaman ang pandaigdigang industriyang panghimpapawid ay hindi pangunahing nagdudulot ng pagbabago ng klima ngayon, inaasahan naming mabilis na lalaki ang share nito habang tumataas ang pangangailangan sa paglipad. Maraming design solution, teknolohiya, at pagpapabuti sa operasyon na makababawas sa laki ng fossil fuel na kailangan sa pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid. Kumuha ako ng Ph.D. sa isa sa mga solusyong may pinakamagandang hinaharap at pinakaradikal: de-kuryenteng sasakyang panghimpapawid. Dahil sa mga bagong kaunlaran sa teknolohiya sa mga de-kuryenteng makina at mga baterya, mapag-uusapan na natin ang tungkol sa pagpapakuryente ng aircraft propulsion system. Ang electrified aircraft propulsion ay isang makabagong teknolohiyang may potensyal na mabasawan nang malaki o ganap na maalis ang paggamit ng gasolina at mga aircraft emission habang nagbibigay ng mas abot-kaya at mas tahimik na paglipad. Syempre, marami rin itong kalakip na mga hamon na kailangang malampasan naming mga inhinyero. Ang aking mga kasalukuyang proyekto sa pananaliksik na pinondohan ng pamahalaan ng US, kabilang ang NASA, ay nakasentro sa paghahanap ng mga tamang solusyon sa mga hamong ito.
SY: Bilang isang dayuhang babaeng inhinyero, humarap ka ba sa mga hamon dulot ng kasarian at etnisidad mo? Anong ginawa mo upang malampasan ang mga ito?
Sa tingin ko, sa US, nabubuhay tayo sa panahon ng pagbabago kung saan ang pagkakaiba-iba, pagkakapantay-pantay, at pagsasama ay mas lalong nagiging mahalaga sa pang-araw-araw at propesyonal na buhay. Pero wala pa tayo roon, lalo na kaming nasa STEM na mahaba pa ang landas na tatahakin. Maswerte ako na sumusuporta sa pagkakaiba-iba ang kasalukuyang working environment ko, pero siyempre, hindi ako palaging nasa loob ng working environment ko. Bilang isang dayuhang babaeng inhinyerong nagtatrabaho sa isang larangang pinangingibawan ng mga puting lalaki, nagkaroon ako ng mga hindi kanais-nais na karanasan sa paglipas ng mga taon.
Kamakailan, sinabihan ako ng isang nakatataas na dapat kong palitan ang pangalan ko para maging mas matagumpay dahil mahirap itong bigkasin. Kailangang harapin namin ang ganoong mga pang-araw-araw na micro-aggression nang nakangiti at magmukhang presentable at relaxed. At bagaman may tumataas na kamalayan upang maging mas inclusive, kakaunti pa rin ang mga babaeng inhinyero sa mga matataas na posisyon. Kakaunti ang mga babaeng propesor sa mga departamento ng aerospace engineering sa mga nangungunang unibersidad. Karamihan ng panel ay pinangingibawan pa rin ng kalalakihan. At gaya ng ginagawa ng iba kong kasamahang babae, sinusubukan kong pagtagumpayan ang ganoong mga hamon sa pamamagitan ng pagiging magaling sa larangan ko, pagsusumikap, at paglalagay ng mas malaking effort sa lahat ng ginagawa ko.
SY: Nabanggit mo na nakikipagtulungan ka sa NASA at sa ibang aviation giant, gaya ng Boeing at Airbus. Paano nakatutulong ang trabaho mo sa industriya?
Sumapi ako sa Aerospace Systems Design Lab (ASDL) sa Georgia Tech bilang isang mag-aaral ng Ph.D. at graduate research assistant walong taon na ang nakararaan. Isang napakakakaibang lab ang ASDL. Ito ay isang napakalaking grupo ng mga mag-aaral at mga guro mula sa iba't ibang larangan. Ang malapit naming relasyon sa industriya ay nagpapahintulot sa aming magtrabaho sa mga suliraning pantunay na buhay at gumawa ng makabuluhang pananaliksik sa aming larangan. Ang mga natuklasan sa pananaliksik namin sa akademya ay ginagamit sa tunay na buhay at sa pagpapaalam sa mga gumagawa ng desisyon sa pamahalaan at sa industriya. Ito ay ang pinaka-exciting na bahagi ng trabaho ko.
SY: May YouTube channel ka rin na sumesentro sa STEM at sa isang seryeng tinatawag na #kadındediğin [babae ba kamo]. Anong nagtulak sa iyong simulan ang channel at ang serye at ano ang pangunahing layunin?
Noong 2016 nang grad student pa ako sa Georgia Tech, nakaisip ako ng isang ideya upang pagsamahin ang hilig ko sa pag-arte at pag-iinhinyero. Nagustuhan ng kasintahan ko noon at asawa na ngayon ang ideya at magkasama naming ginawa ang Biz Siz Onlar [Tayo, Kayo, Sila], ang YouTube channel namin.
Gumawa kami ng mga bidyo tungkol sa iba-ibang larangan ng pag-iinhinyero, kung saan nakapanayam namin ang bawat isa at ang mga kaibigan naming may degree sa STEM. Gustong kong ang mga bidyong ito ay makatulong tanggalin ang mga stereotype sa kasarian na naranasan ko noong high school. Gusto kong manghikayat ng mga dalaga na sundin nila ang mga pangarap nila at piliin nila ang propesyong naaayon sa mga hilig nila, hindi ayon sa inaasahan ng lipunan. Hindi nagtagal matapos ilabas itong mga bidyo ng panayam, nagsimula akong tumanggap ng mga mensahe mula sa mga high school student mula sa may Turkey. Natulungan nitong maintindihan ko ang lahat ng pagsubok na kailangang mapagtagumpayan ng ilan sa mga bata at matatalinong babaeng ito. Ang mga kwento nila tungkol sa pagsasawata at ang kahanga-hangang katatagan nila laban dito ay ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi ako titigil sa pagsuporta sa pagkakapantay-pantay at katarungang panlipunan. Ang layunin ko ay ipakita na hindi kailangang iakma ang mga sarili sa pananaw ng iba sa kung sino dapat sila, kung paano sila dapat kumilos, kung anong dapat nilang pangarapin at tamuhin. Sa tingin ko, ang pagpapakita sa nakababatang henerasyon na posibleng mabuhay nang hindi naaayon sa inaasahan ng lipunan ay isang makapangyarihang inspirasyon.
SY: Anong susunod para sa iyo?
Maraming bagay! Habang parami nang parami ang hakbang na inaakyat ko, mas tumataas ang gusto kong puntahan. Hindi ko malilista ang lahat ng bagay na nais kong gawin dito kahit gustuhin ko. Pero ang dalawang pangunahing layunin ko sa nalalapit na hinaharap ay maging isang matagumpay na miyembro ng academic faculty at makuha ang Private Pilot License ko.