Dahil sa pagsiklab ng COVID-19, lubos na humupa mula pa noong Enero ang mga protesta laban sa pamahalaan na hinimok ng mga kabataan ng Hong Kong, kung saan, sa kanilang rurok, ay nagdala ng mahigit 1 milyong katao sa mga lansangan.
Suspendido ang mga paaralan at unibersidad na naging sentro ng kilos-protesta, samantalang inilabas noong ika-28 ng Marso ang Disease Control Prohibition on Group Gathering na naglilimita sa mga pagtitipon sa mga pampublikong lugar ng hindi hihigit sa apat na katao.
Magmula noon, nagtitipon ang mga kabataan sa kanilang mga gadget sa halip na magtipon sa lansangan at pinupunan ang libreng oras nila sa pamamagitan ng paglalaro ng mga online video game.
Pumukaw ng pansin ang isang online game, Animal Crossing, sa panahon ng pandemya sapagka't ginamit ng mga nagpoprotesta sa Hong Kong ang plataporma ng laro upang isahimpapawid ang kanilang mga pampulitikang pananaw at mapanatiling buhay ang diwa ng mga protesta.
Ang social simulation ay na-release sa Nintendo Switch noong ika-20 ng Marso, 2020.
Nagbibigay ng pagkakataon ang Animal Crossing sa mga manlalaro na tumakas sa isang abandonadong isla kung saan malaya silang makapagtatayo ng bahay at halamanan gamit ang mga bagay sa isla. Bukod dito, maaaring mag-host ng mga event ang mga manlalaro at buksan ang kanilang mga isla sa mga panauhin. Pinapayagan din ng game app ang voice communication sa pagitan ng mga manlalaro.
Sa katapusan ng nakaraang buwan, nagtipon ang maraming manlalaro sa plataporma upang lumikha ng virtual concert kung saan kinanta nila ang awit-protesta—“Glory to Hong Kong.”
Sa ibaba ay isang video recording ng eksena ng laro:
願榮光歸香港(動物之森版)https://t.co/Ttn5DIaHXF#香港 #動物の森 pic.twitter.com/XwuS0KYlHt
— HoSaiLei (@hkbhkese) April 30, 2020
Samantala, ibinahagi ng @studioincendo ang bidyo ng isla ng isang manlalaro kung saan imbitado ang mga panauhin na hampasin ang mga larawan ng Punong Ehekutibo ng Hong Kong gamit ang mga net:
This is how #hongkong ppl spend our time during coronavirus lockdown – villain hitting in #animalcrossing, the villain is #CarrieLam, the worst governor in #hongkong history.#AnimalCrossingNewHorizons#StandWithHK pic.twitter.com/K5AbOTl9tD
— Studio Incendo (@studioincendo) April 1, 2020
Ganito gugulin ng mga #hongkong ppl [taga-Hong Kong] ang kanilang oras habang may coronavirus lockdown – paghampas ng kontrabida sa #animalcrossing, ang kontrabida ay si #CarrieLam, ang pinakawalang kwentang gobernador sa kasaysayan ng #hongkong.#AnimalCrossingNewHorizons#StandWithHK [manindigan kasama ang HK]
Idineklara ni Joshua Wong, isang prominenteng aktibistang maka-demokrasya, na ang laro ay isang bagong yugto sa mga protestang nakaligtas sa paulit-ulit na pagsugpo ngunit napigilan ng mga hakbang upang labanan ang COVID-19.
Animal Crossing is Fast Becoming a New Way for Hong Kong Protesters to Fight for Democracy! The #Covid_19 pandemic has halted public demonstrations, so protesters are taking their cause to #AnimalCrossing.https://t.co/A599kjlYsV
(This is my island!) pic.twitter.com/vjBhzw1nUa
— Joshua Wong 黃之鋒 ? (@joshuawongcf) April 2, 2020
Ang Animal Crossing ay Mabilis na Nagiging Bagong Paraan para sa mga Nagpoprotesta sa Hong Kong upang Ipaglaban ang Demokrasya! Inihinto ng #Covid_19 pandemic ang mga pampublikong demonstrasyon, kaya idinadala ng mga napoprotesta ang kanilang ipinakikipaglaban sa #AnimalCrossing.
(Isla ko ito!)
Ilang sandali lamang matapos ma-post ang tweet ni Joshua Wong, noong ika-10 ng Abril, inalis ang Animal Crossing mula sa mga online na tindahan sa buong Tsina.
Pinaniniwalaan ng karamihan na ang mga sensura ng mainland ang nag-alis ng laro at sinisisi ng mga manlalaro sa mainland si Wong sa pagbabawal na ito. Ang insidente ay umani ng atensyon sa mga pahayagan mula sa iba't ibang panig ng mundo.
Hindi kailanman pinalalampas ang pagkakataon para maisulong ang ipinakikipaglaban, nag-aalok si Wong sa mga mamamahayag ng tours sa palibot ng iba't ibang lugar na pinagpoprotestahan sa laro.
Naniniwala siya na maaaring maging bagong arena ang mga online platform upang itaas ang pampublikong kamalayan ukol sa unti-unting panghihimasok sa pulitika sa Hong Kong ng Beijing.
Mahigit isang taon magmula nang mag-umpisa ang mga malawakang protesta na dulot ng pagpapanukala ng extradition bill sa Tsina [dead link], nangangating bumalik sa tunay na pagpoprotesta ang maraming taga-Hong Kong.
Noong ika-18 ng Abril, sinamantala ng mga pulis ng Hong Kong ang nabawasang potensyal ng pagpoprotesta at inaresto ang 15 pinuno ng oposisyon na hinihinalang bumubuo ng at nakikilahok sa mga hindi awtorisadong pagtitipon laban sa panukala ng pamahalaan ng Hong Kong na baguhin ang extradition law mula Agosto hanggang Oktubre 2019.
Ang mga pag-aresto ay nagdulot ng mga maliliit na protesta sa mga malalaking shopping district nitong nakaraang dalawang linggo. Kinasuhan ang mga nagpoprotesta sa ilalim ng Prohibition on Group Gathering.
Dahil sa hindi pagkakaroon ng mga locally transmitted COVID-19 infection sa lungsod sa loob ng 14 na magkakasunod na araw, inaasahang magsisimula muli ang mga malawakang protesta sa Hunyo, kapag aalisin na ang mga hakbang sa pagkontrol ng sakit.