Ang Mga Hindi Nakikitang Kabataan ng Iran

 

Ang mga batang Baloch sa Iran.  Larawan mula kay Mostafameraji (CC BY-SA 4.0)

May higit isang milyong tao sa Iran ang hindi dokumentado, at ang nakararaming bahagi ng bilang na ito ay mga bata. Isa sa mga pangunahing dahilan ng hindi makatarungang kalagayang ito ay isang batas na ilang dekada na ring umiiral na nagbabawal sa mga kababaihan sa Iran na kasal sa isang banyaga na ipasa ang kanilang nasyonalidad sa kanilang mga anak. Isang malupit na kinabukasan na agad ang nakatakda para sa libo-libong kabataan ng Iran bago pa man sila isilang. Ang mga kabataang ito ay walang karapatan sa edukasyon, pangagalaga sa kalusugan, at maging ang kanilang mga pangalan ay hindi nakatala sa pambansang listahan.

Marami sa bansa ang nagdiwang noong Mayo 2019 nang amyendahan ng mga Majlis sa Iran (parliamento) ang hindi makatarungang batas. Ang Council of Guardians, kinatawan na sumusuri sa lahat ng batas na ipinapasa ng MP ang nagapruba sa amyenda ngunit idinagdag  na may mga “isyung pang-seguridad” ang maaaring gamitin upang bawiin ang pagkakaloob ng nasyonalidad.

Subalit ang pagbabago sa batas ay hindi magbubura sa lahat ng diskriminasyon na hinaharap ng mga kabataang walang sariling pagkakakilalanlan. Halimbawa, ang patuloy na dumaraming dalawang milyong minorya mula sa Baloch na nakatira sa isang mahirap na lugar malapit sa hangganan ng Pakistan at Afghanistan ay naging mga biktima ng matinding diskriminasyon mula sa kamay ng mga awtoridad ng Iran, na may mga polisiyang ipinagkakait sa maraming Baloch ang pagiging ganap na mamamayan.

Si Nasser Boladai, ang tagapagsalita para sa Balochistan People's Party at presidente ng  Unrepresented Nations and People Organisation (UNPO), ay nagpahayag sa Global Voices:

Bagamat may mga kabataang Baloch na ang banyagang ama ay pinagkaitan ng nasyonalidad, ang nakararami sa kabataang ito ay parehong Baloch ang ina at ama – kaya’t masasabi nating Iranian – ang kanilang mga magulang ay tumira sa  probinsiya ng Balochistan o sa anumang parte ng Balochistan na ngayon ay kabilang na sa mataong probinsiya ng Kerman at Hormozgan.

Tinataya ng gobyerno na ang bilang ng mga batang may parehong Baloch na mga magulang at walang mga kard ng pagkakakilanlan ay nasa 40,000, habang ang ibang pagtataya mula sa mga lokal na datos ay dinodoble ang numerong ito – mula  80,000 hanggang 100,000.

Ipinapakita ng mga testimonya mula sa mga taong Baloch ang tindi ng mga paghihirap na kanilang dinaranas: mula sa mga ina na ang pinakamalaking hiling ay mapagaral ang kanilang mga anak, hanggang sa mga kababaihan na nagtatanong kung bakit kinumpiska ng mga awtoridad ang kanilang kard ng pagkakakilanlan, na siyang nagtatanggal sa kanila ng anumang karapatan.

Burukrasya ng Kafkaesque

Isang dahilan kung bakit walang kard ng pagkakakilanlan ang mga kabataang Baloch ay dahil sa ang kanilang mga magulang ay nakatira sa pinakamalalayong lugar, at dahil hindi marunong bumasa o sumulat, hindi sila kailanman nagkaroon ng kard ng pagkakakilanlan at hindi rin nagawang kumuha nito para sa kanilang mga anak.

Ang ilan naman ay napako na sa burukrasya ng Kafkaesque sa Iran. May mga kaso na sila ay sinabihang kumuha ng DNA tests, ngunit wala silang sapat na perang pambayad dito. Sa ibang kaso, ang mga balidong kard ng pagkakakilanlan ay kinumpiska, sa dahilan na gagamitin ito upang beripikahin ang kanilang pagkatao. Ang ilang mga pultikal at panlipunang sibil na mga aktibista ay itinuturing ang ganitong mga pangyayari bilang bahagi ng umiiral na hindi patas na polisiya laban sa ilang grupo ng pangkat-etniko, lalo na ng mga Sunnis at Balochs.

Sinabi ni Boladai na sa ilang mga kaso, ang mga awtoridad sa Iran ay kinukumpiska o pinawawalang-bisa ang katunayan ng kapanganakan ng mga Baloch kapag sinusubukan nilang mag-apply o  i-renew ang kanilang mga kard ng pagkakakilanlan. Ilan sa mga Baloch ay naniniwala na ang batas ay umiiral upang parusahan ang ilang miyembro ng komunidad na hindi sumusuporta o tumatanggap sa propaganda ng rehimen. Naniniwala din si Boladai na ito ay ginagamit bilang “ isang kunwaring simbolo ng pagunlad upang baguhin ang demograpiya ng rehiyon, upang gawing minorya ang mga Baloch sa sarili nilang bayan.” Ayon kay Boladai, upang makamit ito, pinaplano ng gobyerno na ilipat ang 2 hanggang 5 milyong tao mula sa mga baybaying rehiyon ng Balochistan papunta sa mga probinsiya ng Sistane-Balochistan and Hormozgan. Naniniwala din si Boladal na ito ay ginagamit bilang “ isang kunwaring simbolo ng pagunlad upang baguhin ang demograpiya ng rehiyon, upang gawing minorya ang mga Baloch sa sarili nilang tahanan.” Ayon kay Boladai, upang makamit ito, pinaplano ng gobyerno na ilipat ang 2 hanggang 5 milyong tao mula sa mga baybaying rehiyon ng Balochistan papunta sa mga probinsiya ng Sistane-Balochistan at Hormozgan.

“Ang hindi pagkakaroon ng kard ng pagkakakilanlan ay nangangahulugan na mahirap magkaroon ng isang kinikilalang identitad  bilang indibidwal at grupo sa lipunan,” sinabi ni Azadeh Pourzand, isang mananaliksik ng karapatang pantao at executive director ng  Siamak Pourzand Foundation, sa Global Voices. “Kung kaya, kailangang isaisip ang maraming emosyonal at sikolohikal na mga pagsubok na hinaharap ng mga kabataang Baloch dahil sa pagkakait sa kanila ng kard ng pagkakakilalan.” Kapag walang mga dokumentong  nagpapatunay ng pagkakakilanlan, ang mga tao ay nawawalan ng karapatang makinabang sa mga serbisyo ng gobyerno tulad ng kalusugan at edukasyon.“ Isa sa mga dahilan — ngunit hindi natatanging — rason kung bakit libo-libong kabataang Baloch ang walang akses sa edukasyon at paaralan,” ayon kay Pourzand,  “ay ang hindi nila pagkakaroon ng kard ng pagkakakilanlan” — isang realidad na ipinahahayag maging ng mga opisyal sa press at media na hawak ng pamahalaan. Gayunpaman, kulang na kulang ang ginagawang hakbang upang tapusin ang kaawa-awang sitwasyon na ito ng mga kabataang Baloch.

Kahit may mga batang nakakapasok sa paaralan, ang sabi ni Pourzand, ito ay ginagawa sa isang hindi maayos na istruktura, sa mga hindi namimintinang gusali na naglalagay sa kanila sa panganib “dahil ang mga bubong at haligi ay maaaring mahulog sa kanilang mga ulo anumang oras. Gayundin, ang pag-akses sa malinis na tubig, at enerhiya upang masiguro ang maayos na temperatura sa paaralan at tahanan at mga kondisyon para sa sanitasyon ay nananatiling malaking problema sa mahirap na bahagi na ito ng bansa.”

“Kung isasaalang-alang ang kasaysayan ng diskriminasyon laban sa mga etniko at relihiyosong minorya ng Republika ng Islam, ang sabi ni Pourzand, “gayundin ang mga nagawang pang-uusig sa mga grupong ito, ang kawalan ng imprastraktura, kapabayaan sa ekonomiya, ang tindi ng kahirapan ay masasabing sinadya, kung kaya isang uri ng diskriminasyon na maaaring mauwi sa ibang pang klase ng diskriminasyon.”

Eksodus

Ayong kay Nasser Boladai, sa ideal na sitwasyon, ang mga taong Baloch ay dapat na manatili sa kanilang mga pamayanan at ipagpatuloy ang kanilang mga tradisyonal na mga kaugalian sa pagsasaka at pag-aalaga ng hayop, subalit dahil sa kakulangan ng mga pasilidad at kahirapan sa pagtatanim sa kanilang lupa, marami ang napipilitang lisanin ang kanilang mga bayan. Dahil ang mga taong Baloch ay lumipat na sa labas ng mga siyudad ng  Chahbhar, Zahidan at maging ng Tehran upang magtrabaho bilang pangarawang-manggagawa, ang kanilang sitwasyon ay nakapukaw ng atensyon ng publiko. “Maraming pagkakataon na sila ay inaapi o binubugbog at sapilitang pinapalayas sa kanilang mga tahanan upang humanap ng bagong matutuluyan,“ ang sabi ni Boladai. “May mga indikasyon na ang bilang ng mga taong Baloch na walang pagkakakilanlan ay patuloy na dumarami, imbis na nababawasan.”

Ang mapanupil na mga polisiya ng mga awtoridad sa Iran patungkol sa mga minoryang pangkat ng etniko at relihiyon ay nakatatak na sa DNA ng Republika ng Islam mula ng ito ay naitaguyod. Sa larong ito na ilang-daan taon nang umiiral, ang mga libo-libong Baloch ay hindi mas mababang uri ng mamamayan, bagkus ay mga nilalang na hindi nakikita o nararamdaman.

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.