‘Pinili kong manahimik at pagtiisan ito,': Pagbangon mula sa karahasan sa tahanan sa Armenia

Imahe mula sa Shutterstock galing kay Kamira.

“Nagpakasal kami bago matapos ang taong 2017. Hindi magarbo ang kasal namin, ngunit matibay ang aming pagmamahalan,” ang pahayag ni Sona (hindi niya tunay na pangalan).

Isang linggo pagkatapos ng isang simpleng pagdiriwang, sa unang pagkakataon ay inatake si Sona ng kanyang asawa, habang iginigiit nito na kailangan niyang malaman ang tungkol sa “madilim niyang nakaraan.”

“Hindi ko alam kung paano niya naisip na ako ay nagkaroon ng mga kasintahan noon at nagkaroon ng matatalik na relasyon, gayong wala siyang matibay na katibayan nito. Siya ang unang lalake sa buhay ko, ngunit patuloy na nilamon ng pagdududa ang kaluluwa niya.”

“Binugbog niya ako sa marahas na paraan. Sinabi niya na papatayin niya ako kapag hindi ko sinabi kung kanino ako nagkaroon ng matalik na relasyon, subalit wala akong masasabi.”

Kalaunan ay iniwan ni Sona ang asawa.

“Pumunta ako sa aking mga magulang, ngunit agad akong sinundan ng asawa ko. Humingi siya ng tawad, at nagmakaawa na ako ay bumalik, habang siya ay nangangakong hindi na kailanman titikim ng kahit isang lagok ng alak… Ngunit hindi ako sumama sa kanya.”

Makalipas ang ilang linggo, nalaman ko na buntis ako. Binago nito ang aking buhay. Ipinaalam ko sa kanya ang aking pagbubuntis, muli ay niyaya niya akong bumalik sa kanya, at nagdesisyon ako na ayokong lumaking walang ama ang aking anak.”

Hindi nagtagal matapos magkabalikan, si Sona at ang kanyang asawa ay lumipat sa Rusya. Nais ng kanyang asawa na lumipat upang makalimutan ang “madilim na nakaraan” sa Armenia.

“Siyempre, hindi ko naiintindihan kung ano ang madilim na nakaraan na nais niyang kalimutan, ngunit sumama pa rin ako sa kanya. Sana ay hindi na lamang ako sumama… Sa Armenia, pino-protektahan ako ng mga magulang ng asawa ko, ngunit sa Rusya, ako ay lubos na mag-isa. Walang araw na hindi siya umiinom. Hinahagis niya ako sa dingding na parang isang bola.”

“Minsan habang binubugbog niya ko, nabali ang aking kamay. Nilagyan ito ng plaster; walong buwang buntis ako noon. Pinauwi niya ako sa Armenia para doon magsilang. Matapos kong manganak, kinailangang operahan ang aking kamay, ngunit dahil sa maling pagkakalagay ng plaster, nagkaroon ng mga problema.”

Si Sona ay namalagi sa Armenia pagkatapos niyang manganak, habang ang asawa ay patuloy na nanirahan sa Rusya. Kahit dalawang taon na ang kanilang anak, hindi pa rin niya nagawang iwanan ang asawa.

“Ang pang araw-araw kong buhay ay magkakasunod na pagtalikod sa aking mga prinsipyo. Lubos kong naiintindihan ang aking mga karapatan, ngunit hindi ko ito pinoprotektahan. Pinili kong manahimik at magtiis sa sitwasyon. Ayokong lumaki ang anak ko na walang ama. Malupit siyang asawa ngunit mabuting ama,” ang pahayag ni Sona.

Ang karahasan ay nagpatuloy

Noong Disyembe 2017, ang Armenia ay nagpanukala ng isang batas na may layuning talakayin ang karahasan sa bahay, at ito ay sinimulang ipatupad noong Hulyo 2018.

Ang batas ay naglagay ng legal at institusyonal na basehan upang pigilan ang karahasan sa bahay at protektahan ang mga biktima. Ito ay nagbibigay ng kinakailangan na suportang sikolohikal, legal, at panlipunan para sa mga biktima ng karahasan, gayundin, kung nararapat, pansamantalang tulong pinansyal.

Matapos maisakatuparan ang batas, marami ang nakumbinsi na ito ay magbibigay ng protesksyon sa mga kababaihang nakakaranas ng pang-uusig.

Ngunit ayon kay  Marina Yeghiazaryan, isang clinical psychologist sa Women’s Rights Centre ng Armenia, wala siyang nakitang pagbaba sa bilang ng mga kababaihang nakakaranas ng karahasan sa bahay.

“Patuloy kaming nakakatanggap ng libo-libong mga tawag. Ang karahasan ay nagpapatuloy,” ang sabi ni Yeghiazaryan

“Hanggang ngayon, maraming kababaihan ang walang sapat na kaalaman, hindi nila magawang protektahan ang kanilang mga karapatan. Maraming tao din ang iniiwasang magtungo sa sentro ng mga karapatang pantao, pinipiling manahimik at huwag nang pag-usapan ang kanilang mga problema,“ ang sabi niya.

‘Ako ay tumakas upang iligtas ang buhay ng aking anak’

Ayon kay Gayane, ang mga problema sa kanyang pamilya ay nagsimula matapos niyang isilang ang anak.

“Nababalisa siya sa lahat ng bagay, habang naglalakad ako, ang ingay ng aking mga yabag; habang naghuhugas ako ng pinggan, ang tunog ng tubig mula sa gripo, habang inaayos ko ang buhok ko; ang tunog ng pampatuyo ng buhok. Ang pinaka-kinaiinisan niya ay kapag umiiyak ang aming bagong silang na sanggol. Lagi niyang sinasabi “Patigilin mo siya, kailangan kong magpahinga,” ang sabi ni Gayane.

Sinabi niya na habang sa mga normal na pamilya, ang bagong silang na sanggol ay nakakatulong sa magasawa, lalong naglalapit sa kanila, sa kanyang kaso ay kabaligtaran ang nangyari, mula sa pagiging isang tahimik na tao, ang kanyang asawa ay tila naging isang buwitre.

“Misteryo para sa akin kung ano ang nangyari sa kanya. Noong sinampal niya ako sa unang pagkakataon, hindi ako makapaniwala, hindi dahil sa sakit na nadama, kundi dahil sa ugaling ipinakita niya. Hindi niya ako sinasaktan dati.”

“Minsan isang gabi, nang muling umiyak ang sanggol, nagbanta siyang papatayin kaming dalawa kung hindi ko agad mapapatahimik ang bata. Nang lumaon, ang mga ganitong pangyayari ay hindi natapos sa pagbabanta. Inaatake na rin niya ang maliit kong anak.”

“Tinatakpan ko ang sanggol gamit ang katawan ko upang hindi siya matamaan. Binugbog niya kami sa ganitong paraan sa loob ng isang buwan. Isang araw, habang siya ay nasa trabaho, inimpake ko ang mga damit namin at nagpasya na umalis.”

Kakulangan sa mga probisyon

Ang  Women’s Support Centre ang nagpapatakbo ng tanging tahanan sa Armenia para sa mga biktima ng karahasan sa tahanan. Nagbibigay din ang centre ng suportang sikolohikal at legal.

“Sa aming tahanan, maaari kaming tumanggap ng hanggang pitong kababaihan at ang mga anak nila. Ang lokasyon ng kanilang tahanan ay kumpidensyal. Kumpleto ito sa lahat ng kinakailangang kondisyon upang maramdaman ng isang tao na siya ay ligtas, binibigyan din siya ng lahat ng kailangan para mabuhay ng maayos,“ ang sabi ng nangangasiwa ng centre na si Hasmik Gevorgyan.

Sa kasalukuyan, limang babae ang nakatira sa tahanan. Ang mga residente ay maaaring manatili hanggang tatlong buwan, ngunit ang tagal ng kanilang pananatili ay maaaring mas tumagal pa depende sa kanya-kanyang sitwasyon.

Ayon kay Hovhannisyan, hindi sapat ang mga probisyon na nakalaan para sa mga babaeng nakakaranas ng karahasan sa tahanan.

Noong iwanan ni Gayane ang kanyang asawa, wala halos siyang kamag-anak sa Armenia, ang lahat ay nasa ibang bansa. Sa kabutihang palad, ang pamilya ng malapit na kaibigan ang nagbigay ng lugar na kanyang matutuluyan.

“Ang isang biktima ng karahasan sa tahanan ay dapat dumulog sa istasyon ng pulisya, ngunit sa puntong ito, may mga problemang maaaring mangyari, kung sakali na kailanganin ng biktima ng proteksyon mula sa nang-aabuso,” ang sabi niya.

“Niligtas ng kaibigan ko at ng kanyang asawa ang buhay namin. Ilang ulit ding tinangka ng asawa ko na pasukin ang bahay, at nagbanta kami na tatawag ng pulis. Ang kapatid na lalake niya lamang ang tanging nakapagpakalma sa kanya, at sinabi niya sa akin na huwag kong iwanan ang asawa ko.”

“Hindi ko siya mapapatawad at hindi ako sigurado kung baka isang araw, habang wala ako, magawa niyang saktan ang anak namin.”

“Kalahating taon na ang lumipas mula noong mga mala-impyernong araw na iyon,” sabi ni Gayane, habang nagmumuni-muni tungkol sa pinagdaanan niya. “Sa ngayon ay mas matino ang pag-iisip ko at pinagsisisihan ko na hindi ko siya iniwanan ng mas maaga.”

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.