See all those languages up there? We translate Global Voices stories to make the world's citizen media available to everyone.

Learn more about Lingua Translation  »

Walang Pagpapaumanhin, Nguni't Positibo ang Pananaw ng Karamihan ng Hapon sa Makasaysayang Pagdalaw ni Obama sa Hiroshima

President Obama visits Hiroshima

Iconic na larawan ni Obama habang inaaliw si Mori Shigeaki, isang hibakusha na nakaligtas sa A-bomb sa Hiroshima Peace Memorial Park noong Biyernes, Mayo 27. Screencap mula sa ANN.

Kasunod ng makasaysayang pagdalaw ni Pangulong Barack Obama sa Hiroshima Peace Memorial Park sa bansang Hapon noong Mayo 27, ipinakita ng isang pambansang botohan na isinagawa ng Kyodo News na 98% ng mga tumugong Hapon ang may positibong pananaw sa pagdalaw ng Amerikanong pangulo sa Hiroshima. Sa botohan, 74.5% ng mga tumugon ang tumatanggap sa katotohanan na walang naging pagpapaumanhin para mga atomikang pagbomba noong 1945.

Ito ang unang pagkakataon na isang Pangulo ng US ang dumalaw sa Hiroshima simula nang mawasak ng bomba atomika ng Amerikano ang lungsod noong Agosto 6, 1945.

Samantalang may mga nagdedebate na ang pagdalaw ni Obama sa Hiroshima ay hinangad upang maging pagpapaumanhin para sa pagkawasak na nagpahirap sa Hiroshima, ang biyahe ng pangulo ay naglalayong kilalanin ang pangyayari mahigit pitumpung taon na ang nakararaan, at upang magsagawa din ng isang pakiusap para hindi na lumaganap ang nukleyar.

Halos 30% ng populasyon ng Hiroshima ay namatay dahil sa pagsabog ng sumunod na firestorm na sumalanta sa kabuuan ng lungsod. Hindi bababa sa 140,000 katao ang namatay bunga ng pagbomba noong pagtatapos ng 1945.

Ang ganap na saklaw at karahasan ng pagkawasak na nangyari sa Hiroshima, at saka ang pagkaulit pagkatapos ng tatlong araw sa Nagasaki noong Agosto 9 ay nagpasiklab sa debate tungkol sa kung ang pagbomba sa Hiroshima at Nagasaki ay ituturing ba o hindi na mga krimen ng digmaanmga aksiyon ng pananakot sa estado o isang pragmatikong pamamaraan upang mawakasan ang Digmaan sa Pasipiko at mailigtas ang buhay ng mga tao.

Gaano ba kahirap sabihin ang “dinaramdam ko”?

Nangyari ang makasaysayang pagdalaw ni Obama sa Hiroshima pagkatapos ng pulong ng G7 sa bansang Hapon, at kasunod ng pagbisita ni John Kerry, ang Kalihim ng Estado ng US, sa lungsod noong Abril 11, pati na ang katulad na hindi pa naisasagawa dati na pagbisita ni Caroline Kennedy, Embahador ng US sa bansang Hapon, noong 2015.

Kasama sa pagdalaw ni Pangulong Obama sa Hiroshima Peace Memorial Park ang seremonya ng pag-aalay ng korona, isang maikling talumpati at pakikipag-usap sa hibakusha, ang mga nakaligtas sa atomikang pagbomba.

Ipinakikita ng mga cable na isiniwalat ng Wikileaks noong 2011 na matagal nang mayroong  matinding oposisyon ang mga Amerikanong opisyal tungkol sa pagdalaw ni Pangulong Obama sa Hiroshima. Ayon sa Asahi Shimbun at sa iba pang news outlet, labis ang pagkabahala ng mga opisyal ng US na anumang mga palitan sa pagitan ni Obama at ng mga nakaligtas sa atomikong pagbomba ay hindi mag-iiwan ng impresyon na may kasangkot na anumang uri ng pagpapaumanhin.

Sa halip, nabuo sa pagtatagpo ang iconic na larawan ng Pangulong Obama ng Amerika na niyayakap si Mori Shigeaki, isang nakaligtas sa pagbomba ng Amerikano na nagsaliksik at at sumubaybay sa kapalaran ng mga Amerikanong bilanggo ng digmaan na nasa Hiroshima sa panahon ng pagbomba noong Agosto 6, 1945 at namatay bilang resulta noon.

Samantalang walang mga kataga ng pagpapaumanhin, ang aksiyong ito ay nagpapahayag ng mga damdaming mayroon ang bawa’t isa (sa araw na ito).

Maraming pahayagang Hapon ang muling naglathala ng buong nilalaman ng talumpati ni Obama sa Hiroshima, na sa isang bahagi ay nananawagan sa abolisyon ng mga armas nukleyar:

Nguni’t sa mga bansa, tulad ng sarili ko, na may mga nuclear stockpile, dapat tayong magkaroon ng lakas ng loob na takasan ang lohika ng pagkatakot at ipursige ang isang mundo na wala ang mga iyon. Maaaring hindi natin makikita ang layuning ito sa panahong nabubuhay pa ako, nguni’t ang masigasig na pagsisikap ay makapagpapaurong sa posibilidad ng katastropiya.

Ipinapalagay ng mga mamamayan ng Hapon na isang tagumpay ang pagdalaw ni Obama sa Hiroshima

Tumalon sa 55.3% ang rating ng suporta sa Gabinete nguni’t 98% ang napahanga sa talumpati ni Obama: pagsusuri | The Japan Times https://t.co/N5Pw1fiSFM

Hindi lahat ay nasiyahan sa pagdalaw ni Pangulong Obama. Halimbawa, ang mga naging biktima ng bomba atomika sa Nagasaki, na inatake din noong Agosto 1945, ay nagsabing umasam sila na dinalaw din sana ng pangulo ang kanilang lungsod.

Bagaman sisimulan na ni Pangulong Obama ang kanyang pagdalaw sa Hiroshima, ang mga tao ay nagtitipun-tipon na simula umaga pa sa Peace Park sa Nagasaki, ang isa pang lungsod na binomba noong 1945. Ang mga yaong nagtipon-tipon sa Nagasaki ay nananawagan para wakasan na ang mga armas nukleyar, at nagdadasal sa mga naging biktima ng bombang atom. Isang hibakusha ang nagsabi na hinangad niyang sana’y nagpunta din sa Nagasaki si Obama.

Gayundin, hinihikayat ng mga nabubuhay pang Koreanong hibakusha ang isang pormal na paumanhin mula sa Estados Unidos, kasama ng pagdalaw sa A-Bomb cenotaph sa Timog Korea.  Ang Korea ay isang kolonya ng Hapon sa panahon ng pagbomba, at hindi bababa sa 70,000 hanggang sa 100,000 Koreano ang nasa Hiroshima at Nagasaki noong ibagsak ang mga bomba.

Re: 朝日新聞:#Obama, tuloy ang pagdalaw nguni’t hindi sapat, #Korean#hibakusha sabi sa #Hiroshimahttp://bit.ly/22rZklW 

May mga Hapon na Twitter user na nag-iisip kung bakit sampung minuto lamang ang ginugol ni Obama sa pagdalaw sa Hiroshima Peace Memorial Museum kasunod ng seremonya sa Liwasan ng Kapayapaan (Peace Park):

Sampung minuto lang ang ginugol ni Pangulong Obama sa Hiroshima Peace Memorial Museum… hindi ba tila may kadalian ang kanyang pagdalaw? Ano kaya ang maaaring nakita niya sa isang napakaikling panahon?

Gayunman, naging viral ang mga repleksiyon ni  Twitter use @satoss_kiki tungkol sa  pinupunang kaiklian ng pagdalaw ni Obama sa loob ng museo.

Bagaman ang naglarawan sa sarili na “housewife from the sticks” (田舎のおばちゃん, inaka no obachan) ay mayroon lamang 263 follower sa Twitter, ang kanyang ganting-matwid sa ideya na lubhang maikli ang pagdalaw ni Obama sa museo ay na-retweet nang halos 30,000 beses:

Habang maaaring iniisip mo na walang kahulugan ang sampung-minuto ng Pangulo sa museo, nguni’t panatilihin sa isip na sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, sinikap ni Obama na maglaan ng panahon upang magtungo doon. Hindi “basta sampung minuto lamang” iyon para sa Pangulo.

 

Start the conversation

Authors, please log in »

Guidelines

  • All comments are reviewed by a moderator. Do not submit your comment more than once or it may be identified as spam.
  • Please treat others with respect. Comments containing hate speech, obscenity, and personal attacks will not be approved.