Pinaiigting ng naghaharing junta militar sa Thailand ang pagsikil sa malayang pagtitipon at pagpapahayag habang nagbabanta ng mas mabigat na parusa; dumarami naman ang tumututol na mga estudyanteng aktibista gamit ang social media upang makipag-ugnayan sa buong mundo.
Nagpataw ang junta ng mga bagong patakaran para sa sistema ng edukasyon sa bansa. Ipinagbabawal na ang protesta sa mga kampus. Sapilitan ding ipinasasaulo ang “12 Values” — ito ay buod ng mga pahayag ukol sa pagsunod sa awtoridad at “wastong demokrasya.” Pinagbawal din ng junta ang anumang pagbanggit sa dating Punong Ministro Thaksin Shinawatra sa lahat ng libro ng kasaysayan.
Ang 17 taong gulang na si Nattanan Warintarawet ang pangkalahatang kalihim ng grupong Education for Liberation of Siam. Mula ng magpahayag siya ng pagtutol laban sa sapilitang pagpapatupad ng “12 Values” sa kurikulum ng edukasyong Thai, napag-alaman ni Warintarawet na minamanmanan na ng junta militar ang kaniyang mga galaw at kilos sa pamamagitan ng kaniyang mga guro. Sa kabila nang panganib, ibinahagi pa rin ni Warintarawet sa mga mamamahayag ng Global Voices Online ang kaniyang karanasan.
“Hindi ako makapaniwala na ang ginawa ko, naghayag lang naman ako ng opinyon ukol sa 12 Values, ay magtutulak sa junta militar na manmanan ang aking kilos,” aniya.
Sa ilalim ng rehimeng junta, kahit ano'y maaaring mangyari, subalit umaasa pa rin ako at sa tingin ko'y may positibong epekto ito sa aking buhay. Palagay ko'y pinalalakas ako ng mga pangyayari. Nararamdaman kong kayang gumawa ng malaking pagbabago ang isang babaeng tulad ko. Mas nagaganyak akong lumaban para sa kalayaang magpahayag sapagkat alam ko na ngayon kung gaano ito kahalaga.
Panoorin ang buong panayam sa ibaba: