Ang post na ito ay orihinal na nalathala sa blog para sa InfoAmazônia, isang platapormang pang-datos at pagmamapa na nakatuon sa pinakamalaking tropikal na gubat sa daigdig, at muli itong inilalathala ng Global Voices sa ilalim ng isang ugnayang pang-nilalaman.
Dahil sa pagkabahala sa kasalukuyang krisis sa tubig sa Brazil, nagpulong ang mga propesyunal mula sa iba't-ibang larangan sa pagtitipong tinaguriang “Hackathon: Data and Sensors to Measure Water Quality,” na tinataguyod ng pangkat na Rede InfoAmazônia . Ang pakay ng dalawang pagpupulong, na ginanap sa Sao Paulo noong ika-5 at ika-15 ng Setyembre, ay talakayin ang mga alternatibong paraan sa pagsubaybay sa kalidad ng tubig (gaya ng mumurahing sensor) at ipalaganap ang mga datos sa paraang masinop at maaasahan.
Ang unang pagpupulong ay nakatuon sa Amazon samantalang ang ikalawa naman ay ukol sa papaubos na imbak ng tubig sa Sao Paulo. Animnapu ang lumahok kabilang na ang mga mananaliksik, mga tagapayo sa yamang tubig, mga programer, mga mamamahayag, at mga aktibista. Hinati nila ang grupo sa dalawang landas ng pananaliksik: libreng pagbubuo ng hardware at pampublikong datos.
Ang inisyatiba sa hardware ay pinamunuan ni Ricardo Guima na isang mananaliksik at tagabuo ng libreng hardware. Para kay Guima, ang paglikha ng murang sensor ay isang hamon sa harap ng usapin hinggil sa karapatang-pag-aari ng mga kagamitan para sa pagsubaybay sa kalikasan. Naniniwala siya na ang pagpapaunlad ng mga sensor ay magsisigurong maaasahan ang datos mula sa pangangalap nito hanggang sa paglalathala.
Ang inisyatiba sa pampublikong datos ay pinangunahan naman ng mamamahayag na si Gustavo Faleiros, tagapag-ugnay ng proyekto sa InfoAmazonia. Ginawa ng grupong pagsamahin ang pampublikong mga datos sa kalusugan at kalinisan upang maglathala ng pagsusuri sa pamamagitan ng mga mapa at infographics sa Internet. Ang pagsisikap na ito ay nagluwal sa mga portal na Visaguas at mananciais.tk, dalawang aplikasyon na nagbabandila ng datos ukol sa kalidad at pagkakaroon ng tubig sa Amazon at Sao Paulo.
Ang mga aktibistang sina Rodrigo de Luna at Maru Whately ang naglahad ng platapormang “Cidade Democrática” bilang halimbawa ng pakikisangkot ng mamamayan sa mga patakarang pampubliko, gaya ng krisis sa tubig sa Sao Paulo. Ipinakita rin nila kung paanong ang paglalarawan ng datos ay maaaring maging susing salik sa paglalahad ng mga panukala.
Pagpapaunlad ng Sensor
Sa mga pulong, pinag-usapan ng mga kalahok ang metodolohiya sa pagsusuri ng tubig na gumagamit ng mas malaking panantos kaysa sa kasalukuyang ginagamit ng mga opisyal na institusyon sa “Amazônia Legal,” ang pinakamalaking dibisyong sosyo-heyograpiya sa Amazon Basin.
Ang talakayan ay pinangunahan ng mga dalubhasa na sumusubaybay sa kalidad ng tubig. Sumangguni rin ang mga kalahok sa mga literaturang pang-agham na makikita sa internet, na naglalarawan ng mga kahalintulad na proyekto hinggil sa mga sensor na naharap sa mga pagsubok.
Napagtanto ng ilang kalahok na ang sistema ng nagsasariling sensor, na palagiang bilad sa panahon, ay mahihirapang mangalap ng datos na umaayon sa mahigpit na pamantayan. Halimbawa, ang pangangailangang manatili sa tubig ng chemical electrode sa loob ng isang buwan ay maaaring magresulta sa pagkuha ng di-wastong datos. Nagmungkahi si Ricardo Guima ng ilang alternatibo upang malutas ang usapin:
Foi sugerido um sistema capaz de bombear um volume de água em uma câmara interna da caixa do sensor e decidimos investigar tecnologias que solucionem a leitura de dados a partir de técnicas in vitro. O projeto ganhou cara de um microlaboratório de espectrometria (técnica que utiliza a luz para medir concentrações em soluções por meio da interação da luz com a matéria). Para muitos dos colaboradores de São Paulo, que desejavam um sistema para análise da própria água em casa, a solução é viável, mas colocar um microlaboratório de espectrometria à deriva em um rio, lago ou reservatório, é um desafio. O sistema precisaria de uma colaboração mínima da comunidade local.
Ang isang sistemang kayang magbomba ng tubig sa internal chamber ng kahon ng sensor ay iminungkahi, at nagpasya kaming magimbestiga ng mga teknolohiya na makababasa ng datos sa pamamaraang in vitro. Ang proyekto ay naging tulad ng isang maliit na laboratoryo ng spectrometry (isang paraan ng paggamit ng ilaw upang sukatin ang konsentrasyon ng mga solusyon sa pamamagitan ng ugnayan ng ilaw at bagay). Para sa mga kalahok na nagmula sa Sao Paulo na gusto ng isang sistemang magsusuri ng tubig sa sarili nilang bahay, ang solusyong ito ay maaaring gawin, subalit malaking hamon kung palulutangin ang maliit na laboratoryong spectrometry sa ilog, lawa, o imbakan ng tubig. Ang ganitong sistema ay mangangailangan ng pakikipagtulungan sa lokal na komunidad.
Nagdisenyo ang InfoAmazonia ng hardware, na ilulunsad sa katapusan ng taong ito, na gumagamit ng mas simpleng sensor na makatutugon sa minimum na pangangailangan sa paglikom ng datos. Sa ganitong paraan, posibleng maipaliwanang sa mga lokal na komunidad ang pagsusuri sa tubig gamit ang sensor na spectrometry na binuo mula sa libreng hardware.