Salamat sa mga workshop sa pagkukuwentong-biswal, isang grupo ng mga batang refugee mula sa Myanmar (Burma) ang nakapaglahad ng karanasan tungkol sa pagtakas nila sa sariling bayan na sinira ng digmaan. Ang mga iginuhit na larawang iniluwal ng mga seminar ay magsisilbing mabisang pantulong sa pagtuturo upang maunawaan kung paano winasak ng digmang sibil at kaguluhang etniko ang bansa sa nakalipas na ilang dekada.
Sa tulong ng pamilya at mga kaibigan, isinagawa ng Amerikanong awtor na si Erika Berg ang mga workshop sa dalawang kadahilanan: isulong ang kapayapaan sa Myanmar at magbigay lunas sa mga natigatig na refugee. Ang kaniyang mga seminar ay nakalikha ng mahigit 200 ipinintang larawan na titipunin sa isang librong pamamagatang “Forced to Flee: Visual Stories by Refugee Youth from Burma.” Umaasa si Berg na malilimbag ang libro sa tulong ng pondo mula sa Kickstarter.
Mahigit 200,000 mga refugee ang naninirahan ngayon sa mga kampo malapit sa hanggahan ng Thailand-Myanmar. Samantala, higit 100,000 mga katutubong Kachin at Shan ang patuloy na naninirahan sa mga kampo para sa internally displaced persons. Pinaghaharian ang Myanmar ng isang diktadurang militar mula pa noong 1962. Subalit sa mga nakaraang taon, naranasan ng bansa ang pampulitikang repormang nagbunsod ng halalan, pagpapalaya sa ilang bilanggong pulitikal, at pagtatayo ng gobyernong sibilyang suportado ng militar.
Ngunit ang ugat ng kaguluhang etniko ay nananatiling hindi nalulutas na siyang nagpapasiklab sa pinakamahabang digmang sibil sa mundo. Sa kasalukuyan, may ilang nagpupunyagi para sa kapayapaan upang isulong ang pambansang pagkakaisa subalit nagpapatuloy pa rin ang mga lokal na digmaan sa iba't-ibang panig ng bansa. Napakahalaga ng eleksiyon sa susunod na taon para sa marupok na prosesong pangkapayapaan.
Samantala, daanlibong mamamayan ang nananatiling nakapukot sa mga kampong pang-refugee, at marami pa ang napapalayas sa kanilang tahanan dulot ng paulit-ulit na labanan sa pagitan ng militar at rebelde.
Sa kaniyang gawaing boluntaryo, natutunan ni Berg na “bawat isang refugee ay may malagim, mapagkumbaba, at nakapupukaw na kuwentong maibabahagi.” Sa panayam ng Burma Study Center, ipinaliwanag niya na:
Madaling naunawaan na mga kabataang refugee na nakilahok sa workshop para sa pagkukuwentong-biswal na hindi lamang sila simpleng biktima. Sila ang mga nakaligtas at mga saksi; ang kuwento ng kanilang buhay ay nararapat at kailangang marinig.
Sinabi ni Berg na ang librong kaniyang binubuo ay makatutulong sa pagpapalaganap ng kamalayan ukol sa pakikibaka para sa kapayapaan sa Myanmar:
Ipakikita ng ‘Forced to Flee’ na ang mga nakapupukaw na damdaming ibinahagi sa pamamagitan ng isang larawan ay makabubuo ng kuwentong may libong salita, magbubukas ito ng mga puso, at makapagtatayo ng tulay ng pagkakaunawaan. Sa librong ito, ginamit ng mga kabataang refugee ang bisa ng sining ng naratibo upang mailapat sa sarili ang mga isyu sa karapatang pantao at pagsusulong ng makatarungan at panlahatang kapayapaan sa Burma.
Halaw mula sa kanilang karanasan, makikita natin mula sa punto-de-bista ng bata kung paano mapilitang lisanin ang sariling bayan at mamuhay sa malayo na ligalig – at palakasin – ng mga bangungot ng nakaraan.
Nasa ibaba ang ilan sa mga iginuhit na larawan ng mga kabataang refugee:
Pinatunayan ni Cathy Malchiodi, isang therapist na gumagamit ng sining, ang kahalagahan ng pinoproyektong aklat:Pinapahalagahan nito ang biswal na salaysay ng kabataan, ibinabahagi ang kuwento ng kawalang katarungan at pagmamalupit, at binibigyan tayo ng pagkakataong maarok ang mga posibilidad upang mabigyang lunas at mailigtas ang mga kabataang ito. Higit sa lahat, ipinapaalaala nito sa atin na ang sining ng kabataan ay nagbibigay ng makabagbag damdamin, personal, at malalim na pananaw sa kanilang karanasan at nagbibigay din ito sa atin ng ibang paraan ng pagtuklas ng katotohanan.
Isinulat naman ni Naw K'nyaw ng katutubong Karen Women's Organization na ang libro'y “sumasalamin sa mga pakikihamok na araw-araw na nararanasan ng mga kabataang refugee.” Nagbigay rin ng papuri ang makatang si May Ng:
Hindi pa ako nakakakita ng ganito karubdob at makatotohanang paglalarawan ng kapalaran ng mga refugee mula sa Burma. Ito ay kahangahanga, mas malaki pa ito sa kilusan para sa demokrasya sa Burma at sigalot sa pagitan ng mga katutubo. Ang mensahe nito'y pansansinukuban.
Nais ng mga nakatatandang basahan ng kuwento ang mga bata, subalit may mga pagkakataong kailangan nating makinig sa nais sabihin ng mga bata, lalo na kung tungkol ito sa kanilang mga nararamdaman at karanasan sa digmaan. Ang mga sining biswal na ginawa ng mga pinakabatang refugee ng Myanmar ay nagbibigay oportunidad upang hayaan natin ang mga bata na makapagsalita.