Matapos ang paglulunsad ng pambansang welga noong Disyembre, bumalik sa mga lansangan ang mga garment worker ng Cambodia upang hingin ang pinakamababang buwanang sahod na 177 dolyares ng US.
Inorganisa ang welga noong nakaraang taon upang puwersahin ang gobyerno na taasan ang buwanang pasahod, na nananatili noon sa 80 dolyares. Nais ng mga garment worker na madoble ang sahod na kanilang tinatanggap, nguni’t karagdagang 15 hanggang 20 dolyares lamang ang pinahintulutan ng gobyerno. Pinakilos ng welga ang laksa-laksang manggagawa sa buong bansa, ngunit buong karahasang binuwag iyon ng mga puwersa ng estado noong Enero, na naging sanhi ng pagkamatay ng limang manggagawa.
Nakapako sa 100 dolyares ang pinakamababang buwanang sahod na kasalukuyang tinatanggap ng mga garment worker ng Cambodia. Ang mga pakinabang sa pag-e-export ng sektor ng pananamit ay kumakatawan sa halos ikatlong bahagi ng 15.25-bilyong-dolyares na GDP noong nakaraang taon. May mahigit sa 600,000 garment worker sa Cambodia, at malaking bahagi ng mga iyon ay kababaihan. Nguni't maliban sa pagtanggap ng mabababang sahod, nagdurusa din ang mga manggagawa sa hindi magandang mga kondisyon sa pagtatrabaho, na kadalasang nagiging sanhi ng mga insidente ng maramihang pagkahimatay o mass fainting sa iba’t ibang sweatshop factory o pabrikang lumalabag sa mga batas pangmanggagawa.
Sa linggong ito, pinanumbalik ng mga garment worker ang kampanya para sa pagtataas ng sahod, ngunit sa pagkakataong ito ay kanilang idinerekta ang kanilang apela sa mga pandaigdig na tatak ng damit na bumibili at nagsa-sub-contract ng suplay mula sa Cambodia. Ang kampanya, binansagang “Dapat ipagkaloob ng mamimili ang batayang pasahod na $177”, ay naglalayong puwersahin ang mga pandaigdig na tatak tulad ng H&M, Walmart, Levi’s, Gap Puma, C&A, Adidas at Zara upang direktang makipagnegosasyon sa kanilang mga supplier hinggil sa mas mataas na pasahod para sa mga manggagawa.
#WeNeed177 I-post ang berdeng logo sa lahat ng tatak na umaangkat mula sa Cambodia bilang paghiling na itaas nila sa 177$ ang pinakamababang pasahod pic.twitter.com/7CnJSRIXmb
— CNV Internationaal (@CNV_Internat) Setyembre 17, 2014
I-post ang berdeng logo sa lahat ng tatak na umaangkat mula sa Cambodia bilang paghiling na itaas nila sa 177$ ang pinakamababang pasahod.
Mahigit sa 500 garment worker ang nagtipun-tipon sa Canadia Industrial Park sa Phnom Penh, ang kapital ng bansa, upang bigyang-diin ang mas mataas na pasahod. Ayon sa mga garment union, halos 300 pabrika sa buong bansa ang nakilahok sa protesta.
Ipinakikita ng bidyo na ito ang mga manggagawa na hawak ang mga banner habang hinihingi nila sa mga internasyonal na kumpanya na huwag gutumin ang mga garment worker ng Cambodia.
Ipinaliwanag ng mga lider ng unyon na ang 177-dolyares na pinakamababang sahod na hinihingi nila ay batay sa average na buwanang gastos ng mga garment worker. Isa sa mga manggagawang nakilahok sa rally ang muling nagpahayag ng sentimyento ng kanyang mga kapwa manggagawa sa pahayagan sa wikang Ingles na The Cambodia Daily:
We want a higher wage because today we don’t have enough money to support ourselves because everything is very expensive, like rent, electricity, water and food.
Gusto namin ng mas mataas na sahod dahil wala kami ngayong sapat na pera upang suportahan ang aming mga sarili dahil napakamahal na ng lahat ng bagay, tulad ng renta, kuryente, tubig at pagkain.
Ang Community Legal Education Center, isang lokal na pangkat ukol sa karapatang-pantao, ay sumusuporta sa kampanya sa pakikiusap nito sa mga tatak (brands) at ang mga tagatustos (suppliers) ng mga iyon “na tugunan ang kanilang responsibilidad at tiyakin ang dignidad na pantao para sa kanilang mga manggagawang Cambodian.”
Tumugon ang gobyerno sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga yunit ng pulisya at army sa lugar ng protesta. Samantala, tiniyak ng oposisyon sa mga manggagawa na kanilang dadalhin ang kampanya ukol sa pasahod sa loob ng parliyamento.
Isinasapelikula ng isang sundalo ang mga nagpoprotestang #garment worker sa #phnompenh habang patuloy sila sa paghingi ng karagdagang sahod. #cambodia. pic.twitter.com/YxiuWZzLku
— Luc Forsyth (@LucForsyth) Setyembre 17, 2014
Kinukunan ng bidyo ng isang sundalo ang mga nagpoprotestang #garment worker sa #phnompenh habang patuloy sila sa paghingi ng karagdagang sahod.
Sinusuportahan ng mga unyon ng manggagawa sa maraming bansa ang kampanya ukol sa pagtataas ng sahod. Sa Canada, may isang online na petisyon na humihimok sa mga mamimili na huwag bilhin ang mga damit na “namantsahan ng pagsasamantala at panunupil.”
Lubos ang pag-asa, ang nakaplanong hanay ng mga protesta ay mananatiling mapayapa at igagalang ng gobyerno ang karapatan ng mga manggagawa sa paghingi ng mas mabubuting kondisyon sa pamumuhay at pagtatrabaho. Mahalaga din ito para sa mga pandaigdig na tatak ng damit na patunayan ang kanilang pangako na mapabuti ang kapakanan ng mga manggagawa sa mga pabrika ng damit sa Cambodia.