[Lahat ng link sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Espanyol, maliban na lamang kung may nakasaad.]
Nagmula ang salitang graffiti sa graphein, isang salitang Griyego na ang ibig sabihin ay sumulat. Nagsimula ang makabagong graffiti noong dekada '60 sa New York, na humugot ng inspirasyon mula sa musikang hip-hop ng panahong iyon. Nakasalalay ang reputasyon at kasikatan ng isang tagapagdisenyo ng graffiti sa dami ng kanyang mga likha.
Bagamat madalas ginagawang patago ang ganitong uri ng sining, at gumagastos ang gobyerno upang mabura ang mga ito sa mga lansangan, patuloy ang paglaganap ng ganitong sining sa ibang bansa at ang pag-usbong nito sa mga kalunsuran. Personal na liham ang nilalaman ng ilan, habang ang iba ay talagang nakamamangha. Sa kasalukuyang panahon ng krisis pang-ekonomiya, naging lunsaran ang sining ng graffiti sa paglalantad ng mga hinaing ng lipunan.
Tampok sa internet ang mga halimbawa ng ganitong sining, tulad ng koleksyon ng blog na Fogonazos:
Ang mga susunod na litrato (na pagmamay-ari ng awtor) ay kinunan sa Granada, sa katimugang Espanya; mga kataga at imahe ng sistema ng pulitika at ekonomiya sa bansa.
Sa ikatlong larawan mababasa ang mga letrang PP (na tumutukoy sa partidong Spanish Popular Party) at PSOE (sa partidong Spanish Socialist Workers’ Party). Ang pagsasama ng dalawang pinakakilalang partidong pampulitika sa bansa sa iisang paskil: pagpapahiwatig na wala naman talagang pinagkaiba ang dalawa. Sa pang-anim na litrato nakasulat ang mga katagang “Gente presa, mercado libre” (Biktima ang lipunan sa malayang kalakalan) kasama ang mga manok.
Sa Madrid nakatira ang isang kilalang Basque artist na si Alberto Basterrechea, na nagsimulang sumulat ng mga tula pitong taon na ang nakakaraan. Nagsusulat siya sa dalawang magkaibang blog, ang Neorrabioso at ang Batania. Ang mga pader sa siyudad ang naging pisikal na hantungan ng kanyang mga talata. Ilan sa kanyang mga tula ay may personal na dating at may halong pagpuna:
Sa maraming bahagi ng mundo [en], pangkaraniwang tanawin na ang mga samu't saring uri ng sining sa mga pader ng gusali, sa mga liwasan, at sa mga kabahayan. Ngayon, unti-unti na ring pinapasok ng graffiti ang ibang sangay ng midya: mga libro ng fotograpiya, mga blog, at pati sa Facebook gaya ng Global Street Art [en].