Dahil sa taglay nitong kagandahan sa gitna ng kaguluhan, naging inspirasyon ang siyudad ng Caracas [en] para sa mga direktor at taggawa ng mga pelikula. Sa pamamagitan ng kanilang likhang-sining, naipapakita sa mga manonood ang kaiga-igayang pamumuhay sa lungsod na madalas nakakabit sa mga salitang kawalang-kaayusan at kalituhan. Ibinahagi ng tatlong direktor ang kanilang likha, sa tulong ng web 2.0, at inihandog ang naiibang pagtingin sa Caracas sa lahat ng netizen sa loob at labas ng Venezuela.
Ang maikling pelikulang “The Perfect Human” [en] ni Jorgen Leth ang pinaghugutan ng inspirasyon ng pelikulang “La ciudad perfecta” (Ang Perpektong Lungsod), na umiikot sa iba't ibang bahagi at magkaibang pananaw ng Caracas. Mula sa likhang-isip nila Sven Methling, Ricardo Bombín, Claudio Cenedese, Ángel Antúnez, Alfredo Castillo at José Ignacio Benitez, nanalo ito ng gantimpala sa Biennial ng Cadiz sa taong ito.
Ipinapakita naman sa “Transgresiones” (Pagsuway), isang maikling pelikula, ang patuloy na pagbabago ng lugar dahil sa mga taong napapadpad sa siyudad. Saklaw ng pelikula ang ilang eksena ng araw-araw na pamumuhay ng mga pamilyang nakatira sa mga abandonadong pribadong gusali, at iginiit na ang mga ganitong imahe ay sadyang bahagi ng kabuuang tanawin ng lungsod.
Ganito rin ang paksa ng ginawang proyekto ni Cylixe [en], na binigyang-diin ang sitwasyon sa Tore ni David [fr], isang napag-iwanang gusali kung saan ilang pamilya ang naninirahan. Matagal nang pinagdedebatihan at ibinabalita ang kwento ng gusaling ito. Inilarawan ni Cylixe [en] ang nasabing tore bilang isang “siyudad sa loob ng siyudad”:
[…] When over 20 years ago the construction was interrupted for a skyscraper in [Sic] Caracas, Venezuela, no one could have guessed, that this building would once become the tallest squat on earth.
An empiric, fractal view in to [Sic] the everyday life, the structure and the thoughts of the habitants [Sic] keeps in dialogue with the architecture of the tower, which once had been conceived as a financial center and now gives shelter to a parallel society.
Ang matayog at pira-pirasong pagsilip sa mga pang-araw-araw na pamumuhay, istraktura at mga hinuha ng mga nakatira doon ay sinasalamin ng arkitektura at disenyo ng buong tore, na dati'y binalak gawing sentrong pangpinansiyal, at ngayo'y nagsilbing bubong ng salungat na bahagi ng lipunan.