[Lahat ng link sa akdang ito ay magdadala sa iyo sa mga pahinang nasa wikang Ingles, maliban na lamang kung may nakasaad.]
Sa isang bagong patalastas ng kompanyang Fiat, pinapakita ang mang-aawit at aktres na Puerto Rican na si Jennifer López na minamaneho ang isang puting Fiat 500c habang tinatahak ang mga kalye ng Bronx, New York, kung saan siya isinilang at lumaki. Dito sinalaysay ni López ang tungkol sa lugar na kanyang pinanggalingan at ang inspirasyong nahuhugot niya mula rito.
Ang bidyo na ito mula sa Fiat ay makikita sa YouTube:
Nagkataon naman na doon nakatira ang Puerto Rican blogger na si Ed Morales (edmorales.net). Naroon din siya nang isinasagawa ang shooting ng patalastas at biglang napaisip kung para kanino ang ekstra sa nasabing shoot. Ayon sa kanyang panulat sa artikulong ‘Jenny Absent From My Block‘:
… in fact the woman sitting in the car was so nondescript despite the fact that she seemed to be playing a lead role that I had a strong suspicion that she was a body double. But for whom?
Nakunan ni Ed ng litrato ang mga sandaling nagkaroon ng sira ang sasakyang ginagamit sa shoot. Matapos mapanood ang patalastas sa telebisyon at napagtanto na ito mismo ang shoot na kanyang nasaksihan, sumulat ito agad sa kanyang blog at sinabing wala naman talaga si López doon. Naging sanggunian ang kanyang litrato sa naging pag-uulat ng The Smoking Gun at New York Times.
Ibinalita naman sa Puerto Rican website na Noticel na matapos maiulat at kumalat ang pagsasalaysay ni Morales [es] sa internet, napilitan ang Fiat sa pag-aming gumamit nga sila ng ekstra dahil sa skedyul ni López.