Noong Agosto 8, 2012 ang ika-24 anibersaryo ng pinakamalawak na paghihimagsik sa kasaysayan ng pulitika ng Myanmar – ang pag-aalsa noong 1988 [en] bilang panawagan ng demokrasya sa bansa. Bagamat sa mga nakalipas na mga taon naging tahimik ang paggunita sa nasabing anibersaryo, ang pag-alala ngayong taon ay dadaluhan ng mga pinuno ng makasaysayang pag-aalsa, kabilang na sina Min Ko Naing [en], Ko Ko Gyi at iba pa.
Mula sa Facebook page na Myanmar Political Review [my], na sinimulan noong Hulyo at nakalikom sa loob lamang ng ilang araw ng higit 1,000 fans, makikita ang ilang pambihirang litrato na kinunan noong 1988. Narito ang ilan sa mga natatanging larawan ng mga kaganapan noon:
Ibinahagi naman ni MFGhiphop ang isang bidyo sa YouTube [en] na naglalaman ng dalawang awit na nagpapaalala sa mga kaganapan noong 1988:
Ngayong taon, opisyal na nagpadala [my] ng dalawang delegado ang pangulo ng Myanmar si Thein Sein sa monasteryo kung saan ginanap ang isang seremonya ng donasyon at pag-aalay para sa Araw ng Buddhist Full Moon noong ika-7 ng Agosto, kasama ang mga kasapi ng 88 Generation Students Organisation.
Nagbigay ng donasyon ang dalawang ministro, mula sa Ministeryo ng Kalakal at Ministeryo ng Transportasyon, sa monasteryo at sa mga miyembro ng 88 Generation Students Organisation.
Ikinatuwa naman ng maraming taga-Myanmar ang balita ng pagkakamabutihang-loob ng mga aktibista at mga pulitiko sa bansa.